Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Jeremias 23:1-6

Ang Pag-asa sa Hinaharap

23 “Kahabag-habag ang mga pastol na pumapatay at nagpapangalat sa mga tupa ng aking pastulan!” sabi ng Panginoon.

Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, tungkol sa mga pastol na nangangalaga sa aking bayan: “Inyong pinangalat ang aking kawan, at itinaboy ninyo sila, at hindi ninyo sila dinalaw. Dadalawin ko kayo dahil sa inyong masasamang gawa, sabi ng Panginoon.

Pagkatapos ay titipunin ko mismo ang nalabi sa aking kawan mula sa lahat ng lupain na aking pinagtabuyan sa kanila. Ibabalik ko sila sa kanilang mga kulungan at sila'y magiging mabunga at darami.

Ako'y maglalagay ng mga pastol na mag-aalaga sa kanila at hindi na sila matatakot, o manlulupaypay pa, o mawawala man ang sinuman sa kanila, sabi ng Panginoon.

“Narito(A) ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ako'y magbabangon para kay David ng isang matuwid na Sanga. At siya'y mamumuno bilang hari at gagawang may katalinuhan, at maggagawad ng katarungan at katuwiran sa lupain.

Sa kanyang mga araw ay maliligtas ang Juda at ang Israel ay tiwasay na maninirahan. At ito ang pangalan na itatawag sa kanya: ‘Ang Panginoon ang ating katuwiran.’

Lucas 1:68-79

68 “Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
    sapagkat kanyang dinalaw at tinubos ang kanyang bayan,
69 at nagtaas ng isang sungay ng kaligtasan para sa atin
    sa sambahayan ni David na kanyang lingkod,
70 gaya nang sinabi niya sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta mula noong unang panahon,
71 upang tayo ay maligtas mula sa ating mga kaaway, at mula sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin,
72 upang ipakita ang habag sa ating mga magulang,[a]
    at alalahanin ang kanyang banal na tipan,
73 ang pangakong sinumpaan niya sa ating amang si Abraham,
74 na ipagkaloob sa atin, na tayong iniligtas mula sa kamay ng ating mga kaaway,
ay maglingkod sa kanya nang walang takot,
75 sa kabanalan at katuwiran
    sa harapan niya sa lahat ng ating mga araw.
76 At(A) ikaw, anak, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasan,
    sapagkat mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang kanyang mga daan;
77 upang magbigay ng kaalaman ng kaligtasan sa kanyang bayan,
    sa pamamagitan ng pagpapatawad sa kanilang mga kasalanan,
78 sa pamamagitan ng magiliw na habag ng ating Diyos,
kapag ang pagbubukang-liwayway buhat sa itaas ay sumilay[b] sa atin,
79 upang(B) bigyang-liwanag ang mga nakaupo sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan,
upang patnubayan ang ating mga paa sa daan ng kapayapaan.”

Colosas 1:11-20

11 Nawa'y palakasin kayo sa buong kapangyarihan, ayon sa kalakasan ng kanyang kaluwalhatian, para sa lahat ng katatagan at pagtitiyaga na may galak;

12 na nagpapasalamat sa Ama, na ginawa niya tayong karapat-dapat na makabahagi sa mana ng mga banal sa kaliwanagan.

13 Iniligtas niya tayo sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat tayo sa kaharian ng kanyang minamahal na Anak,

14 na(A) sa kanya ay mayroon tayong katubusan, na siyang kapatawaran ng mga kasalanan.[a]

Si Cristo ang Pangunahin sa Lahat ng Bagay

15 Siya ang larawan ng Diyos na hindi nakikita, ang panganay sa lahat ng mga nilalang;

16 sapagkat sa pamamagitan niya nilalang ang lahat ng mga bagay sa langit at sa lupa, ang mga bagay na nakikita at ang mga bagay na hindi nakikita, maging mga trono o mga pagka-panginoon, maging mga pinuno o mga may kapangyarihan—lahat ng mga bagay ay nilalang sa pamamagitan niya at para sa kanya.

17 Siya mismo ay una sa lahat ng mga bagay, at ang lahat ng mga bagay ay nahahawakang sama-sama sa kanya.[b]

18 Siya(B) ang ulo ng katawan, ang iglesya; siya ang pasimula, ang panganay mula sa mga patay, upang siya ay maging pangunahin sa lahat ng mga bagay.

19 Sapagkat minagaling na ang buong kapuspusan ay manirahan sa kanya,

20 at(C) sa pamamagitan niya ay pagkasunduin ng Diyos sa kanyang sarili ang lahat ng mga bagay, sa lupa man o sa langit, na ginagawa ang kapayapaan sa pamamagitan ng dugo ng kanyang krus.

Lucas 23:33-43

33 Nang dumating sila sa lugar na tinatawag na Bungo, kanilang ipinako siya sa krus, kasama ng mga kriminal, isa sa kanyang kanan at isa sa kanyang kaliwa.

34 [Sinabi(A) ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”] At sila ay nagpalabunutan upang paghatian ang kanyang damit.

35 Nakatayong(B) nanonood ang taong-bayan. Subalit tinutuya naman siya ng mga pinuno, na sinasabi, “Iniligtas niya ang iba, iligtas niya ang kanyang sarili kung siya ang Cristo ng Diyos, ang Pinili.”

36 Nililibak(C) din siya ng mga kawal na lumapit sa kanya, at inalok siya ng suka,

37 at sinasabi, “Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili!”

38 Mayroon ding nakasulat na pamagat sa itaas niya, “Ito'y ang Hari ng mga Judio.”

39 Patuloy siyang pinagtawanan[a] ng isa sa mga kriminal na ipinako, na nagsasabi, “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at kami!”

40 Subalit sinaway siya ng isa, at sa kanya'y sinabi, “Hindi ka pa ba natatakot sa Diyos, yamang ikaw ay nasa gayunding hatol ng kaparusahan?

41 Tayo ay nahatulan ng matuwid, sapagkat tinanggap natin ang nararapat na kabayaran sa ating mga gawa. Subalit ang taong ito'y hindi gumawa ng anumang masama.”

42 Sinabi niya, “Jesus, alalahanin mo ako, pagdating mo sa iyong kaharian.”

43 At sumagot siya, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, ngayon ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001