Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Bilang Pagpupuri sa Panginoon
117 Purihin(A) ang Panginoon, kayong lahat na mga bansa!
Dakilain ninyo siya, kayong lahat na mga bayan!
2 Sapagkat dakila ang kanyang tapat na pag-ibig sa atin;
at ang katapatan ng Panginoon ay nananatili magpakailanman.
Purihin ang Panginoon!
Mga Pangako ng Panginoon sa Kanyang Bayan
30 Ang salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, na sinasabi,
2 “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: Isulat mo sa isang aklat ang lahat ng mga salita na aking sinabi sa iyo.
3 Sapagkat narito, ang mga araw ay dumarating na aking ibabalik ang mga kayamanan ng aking bayang Israel at Juda, sabi ng Panginoon. At ibabalik ko rin sila sa lupain na aking ibinigay sa kanilang mga ninuno, at aangkinin nila ito.”
4 Ito ang mga salita na sinabi ng Panginoon tungkol sa Israel at Juda:
5 “Ganito ang sabi ng Panginoon:
Kami ay nakarinig ng sigaw ng pagkasindak,
ng takot, at walang kapayapaan.
6 Kayo'y magtanong ngayon, at inyong tingnan,
ang lalaki ba ay makakapanganak?
Kung gayo'y bakit nakikita ko ang bawat lalaki
na ang mga kamay ay nasa kanyang mga balakang na parang babaing manganganak?
Bakit ang bawat mukha ay namumutla?
7 Naku! Dakila ang araw na iyon,
at walang gaya niyon;
iyon ay panahon ng kaguluhan para kay Jacob;
gayunma'y maliligtas siya mula roon.
8 “At mangyayari sa araw na iyon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, na aking babaliin ang pamatok mula sa kanilang[a] leeg, at aking lalagutin ang kanilang[b] mga gapos at hindi na sila aalipinin pa ng mga dayuhan.
9 Ngunit kanilang paglilingkuran ang Panginoon nilang Diyos at si David na kanilang hari, na aking ibabangon para sa kanila.
10 “Kaya't(A) huwag kang matakot, O Jacob na aking lingkod, sabi ng Panginoon;
ni manlupaypay, O Israel;
sapagkat ililigtas kita mula sa malayo,
at ang iyong mga anak mula sa lupain ng kanilang pagkabihag.
Ang Jacob ay babalik at magkakaroon ng kapayapaan at kaginhawahan,
at walang tatakot sa kanya.
11 Sapagkat ako'y kasama mo upang iligtas ka, sabi ng Panginoon;
lubos kong lilipulin ang lahat ng mga bansa
na kung saan ay ikinalat kita,
ngunit tungkol sa iyo ay hindi kita lubos na lilipulin.
Parurusahan kita nang makatarungang sukat,
walang pagsalang hindi kita iiwan na hindi napaparusahan.
12 “Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon:
Ang iyong sakit ay wala nang lunas,
at ang iyong sugat ay malubha.
13 Walang magtatanggol ng iyong panig,
walang gamot para sa iyong sugat,
hindi ka na gagaling!
14 Kinalimutan ka na ng lahat mong mangingibig;
wala na silang malasakit sa iyo;
sapagkat sinugatan kita ng sugat ng isang kaaway,
ng parusa ng isang malupit;
sapagkat malaki ang iyong paglabag,
at ang iyong mga kasalanan ay napakarami.
15 Bakit iniiyakan mo ang iyong sakit?
Ang iyong karamdaman ay wala nang lunas.
Sapagkat malaki ang iyong paglabag,
at ang iyong mga kasalanan ay napakarami,
na ginawa ko ang mga bagay na ito sa iyo.
16 Kaya't silang lahat na lumalamon sa iyo ay lalamunin,
at lahat mong mga kaaway, bawat isa sa kanila ay pupunta sa pagkabihag;
silang nananamsam sa iyo ay magiging samsam,
at lahat ng sumisila sa iyo ay ibibigay ko upang masila.
17 Sapagkat panunumbalikin ko sa iyo ang kalusugan,
at pagagalingin ko ang iyong mga sugat, sabi ng Panginoon;
sapagkat tinawag ka nilang isang itinakuwil:
‘Ito ang Zion, walang nagmamalasakit sa kanya!’
5 At sinabi ng nakaupo sa trono, “Masdan ninyo, ginagawa kong bago ang lahat ng mga bagay.” Sinabi rin niya, “Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at tunay.”
6 At(A) sinabi niya sa akin, “Naganap na! Ako ang Alpha at ang Omega, ang pasimula at ang wakas. Ang nauuhaw ay aking paiinumin nang walang bayad sa bukal ng tubig ng buhay.
7 Ang(B) magtagumpay ay magmamana ng mga bagay na ito; at ako'y magiging Diyos niya at siya'y magiging anak ko.
8 Ngunit sa mga duwag, sa mga hindi nananampalataya, mga karumaldumal, mga mamamatay-tao, mga mapakiapid, mga mangkukulam, mga sumasamba sa mga diyus-diyosan, at sa lahat na mga sinungaling, ang kanilang bahagi ay sa lawa na nagliliyab sa apoy at asupre, na siyang ikalawang kamatayan.”
Ang Bagong Jerusalem
9 At dumating ang isa sa pitong anghel na may pitong mangkok na punô ng pitong huling salot, at nagsalita sa akin na nagsasabi, “Halika, ipapakita ko sa iyo ang babaing ikakasal, ang asawa ng Kordero.”
10 At(C) dinala niya akong nasa Espiritu sa isang malaki at mataas na bundok, at ipinakita sa akin ang banal na lunsod ng Jerusalem, na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos,
11 na may kaluwalhatian ng Diyos, ang kanyang ningning ay katulad ng isang totoong mahalagang bato, na gaya ng batong jaspe, na malinaw na gaya ng kristal.
12 Ito(D) ay mayroong isang malaki at mataas na pader, na may labindalawang pintuan, at sa mga pintuan ay may labindalawang anghel; at sa mga pintuan ay nakasulat ang mga pangalan ng labindalawang lipi ng mga anak ni Israel.
13 Sa silangan ay tatlong pintuan, sa hilaga ay tatlong pintuan, sa timog ay tatlong pintuan, at sa kanluran ay tatlong pintuan.
14 At ang pader ng lunsod ay may labindalawang saligan, at sa mga ito'y ang labindalawang pangalan ng labindalawang apostol ng Kordero.
15 At(E) ang nakipag-usap sa akin ay may gintong panukat upang sukatin ang lunsod at ang mga pintuan at ang pader nito.
16 At ang pagkatayo ng lunsod ay parisukat, at ang kanyang haba ay gaya ng kanyang luwang, at sinukat niya ang lunsod ng kanyang panukat, labindalawang libong estadia.[a] Ang haba, luwang at ang taas nito ay magkakasukat.
17 Sinukat din niya ang pader nito, isandaan at apatnapu't apat na siko[b] ang taas, ayon sa sukat ng tao, na siyang ginagamit ng anghel.
18 Ang(F) malaking bahagi ng pader ay jaspe at ang lunsod ay dalisay na ginto, na tulad ng kristal.
19 Ang mga saligan ng pader ng lunsod ay ginagayakan ng sari-saring mahahalagang bato. Ang unang saligan ay jaspe, ang ikalawa ay safiro, ang ikatlo ay calcedonia, ang ikaapat ay esmeralda,
20 ang ikalima ay onix, ang ikaanim ay sardio, ang ikapito ay crisolito, ang ikawalo ay berilo, ang ikasiyam ay topacio, ang ikasampu ay crisopasio, ang ikalabing-isa ay jacinto, ang ikalabindalawa ay ametista.
21 At ang labindalawang pintuan ay labindalawang perlas, at bawat pinto ay yari sa isang perlas, at ang lansangan ng lunsod ay dalisay na ginto, na gaya ng naaaninag na salamin.
22 At hindi ako nakakita ng templo roon, sapagkat ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero ang siyang templo roon.
23 At(G) ang lunsod ay hindi nangangailangan ng araw, o ng buwan man, upang magbigay-liwanag sa kanya, sapagkat ang liwanag niya ay ang kaluwalhatian ng Diyos, at ang ilaw doon ay ang Kordero.
24 Ang(H) mga bansa ay lalakad sa pamamagitan ng liwanag nito; at ang mga hari sa lupa ay magdadala ng kanilang karangalan sa kanya.
25 At(I) ang mga pintuan niyon ay hindi isasara kailanman sa araw; sapagkat hindi magkakaroon doon ng gabi.
26 Dadalhin nila sa loob niyon ang karangalan at kapurihan ng mga bansa;
27 at(J) hindi makakapasok doon ang anumang bagay na marumi, o ang sinumang gumagawa ng karumaldumal o ng kasinungalingan, kundi sila lamang na nakasulat sa aklat ng buhay ng Kordero.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001