Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Maskil(A) ni David, nang siya ay nasa yungib. Isang Panalangin.
142 Ako'y dumadaing ng aking tinig sa Panginoon;
sa pamamagitan ng aking tinig ay sumasamo ako sa Panginoon.
2 Ibinubuhos ko sa kanyang harapan ang aking daing,
sinasabi ko sa kanyang harapan ang aking suliranin.
3 Kapag ang aking espiritu'y nanlulupaypay sa loob ko,
ang aking landas ay iyong nalalaman!
Sa daan na aking tinatahak
sila'y nagkubli para sa akin ng isang bitag.
4 Tumingin ka sa kanan, at iyong masdan,
walang nakakapansin sa aking sinuman;
walang kanlungang nalalabi para sa akin;
walang sinumang lumilingap sa aking kaluluwa.
5 Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;
aking sinabi, “Ikaw ang aking kanlungan,
ang aking bahagi sa lupain ng mga buháy.”
6 Pakinggan mo ang aking pagsamo,
sapagkat ako'y dinalang napakababa.
Iligtas mo ako sa mga nagsisiusig sa akin;
sapagkat sila'y napakalakas para sa akin.
7 Ilabas mo ako sa bilangguan,
upang ako'y makapagpasalamat sa iyong pangalan!
Paliligiran ako ng mga matuwid;
sapagkat ako'y pakikitunguhan mong may kasaganaan.
Ang Panalangin ni Habakuk
3 Panalangin ni propeta Habakuk ayon sa Shigionot.
2 O Panginoon, narinig ko ang tungkol sa iyo
at ako'y natatakot.
O Panginoon, buhayin mong muli ang iyong mga gawa sa gitna ng mga taon.
Sa gitna ng mga taon ay ipaalam mo iyon,
sa kapootan ay alalahanin mo ang kaawaan.
3 Ang Diyos ay dumating mula sa Teman,
at ang Banal mula sa Bundok ng Paran. Selah
Ang kanyang kaluwalhatia'y tumakip sa mga langit,
at ang lupa'y punô ng kanyang kapurihan.
4 Ang kanyang ningning ay parang liwanag;
may mga sinag na nagliliwanag mula sa kanyang kamay;
at doo'y ikinubli niya ang kanyang kapangyarihan.
5 Sa unahan niya'y nagpapauna ang peste,
at ang salot ay malapit na sumusunod.
6 Siya'y tumayo at sinukat ang lupa.
Siya'y tumingin at niliglig ang mga bansa;
at ang mga walang hanggang bundok ay nangalat;
ang mga burol na walang hanggan ay nagsiyukod.
Ang kanyang mga pamamaraan ay walang hanggan.
7 Nakita ko ang mga tolda sa Cusan na nasa pagdadalamhati.
Ang mga tabing ng lupain ng Midian ay nanginig.
8 Ang iyo bang poot ay laban sa mga ilog, O Panginoon?
Ang iyo bang galit ay laban sa mga ilog,
O ang iyo bang poot ay laban sa dagat,
kapag ikaw ay sumasakay sa iyong mga kabayo,
sa iyong karwahe ng kaligtasan?
9 Hubad na nilantad mo ang iyong pana,
ayon sa panunumpa na tungkol sa iyong salita. Selah
Iyong nilagyan ng mga ilog ang lupa.
10 Nakita ka ng mga bundok at ang mga ito'y nanginig;
ang rumaragasang tubig ay dumaan,
ibinigay ng kalaliman ang kanyang tinig,
at itinaas nito ang kanyang mga kamay.
11 Ang araw at buwan ay tumigil sa kanilang mataas na lugar,
sa liwanag ng iyong mga palaso sila'y umalis,
sa kislap ng iyong makinang na sibat.
12 Ikaw ay lumakad na may galit sa mga lupain,
iyong tinapakan ang mga bansa sa galit.
13 Ikaw ay lumabas upang iligtas ang iyong bayan,
at iligtas ang iyong pinahiran ng langis.
Iyong dinurog ang puno ng masamang sambahayan,
hinubaran mo siya mula hita hanggang sa leeg. Selah
14 Iyong tinusok ang ulo ng kanyang mga mandirigma ng kanyang sariling sibat;
na dumating na parang ipu-ipo upang pangalatin ako;
ang kanilang kagalakan ay sakmaling lihim ang dukha.
15 Iyong tinapakan ang dagat ng iyong mga kabayo,
ang bunton ng makapangyarihang tubig.
Ang Propeta ay Nagtitiwala sa Panginoon
16 Aking narinig, at ang aking katawan ay nanginginig,
ang aking mga labi ay nangangatal sa tinig;
ang kabuluka'y pumapasok sa aking mga buto,
ang aking mga hakbang ay nanginginig.
Ako'y tahimik na maghihintay sa araw ng kapahamakan,
na dumating sa bayan na sumasakop sa atin.
Kaparusahan sa mga Bulaang Guro
5 Ngayon(A) ay nais kong ipaalala sa inyo, bagama't alam na alam ninyo ang mga bagay na ito, na minsang iniligtas ng Panginoon ang isang bayan mula sa lupain ng Ehipto, pagkatapos ay nilipol niya ang mga hindi sumampalataya.
6 At ang mga anghel na hindi nag-ingat ng kanilang sariling katungkulan, kundi iniwan ang kanilang sariling tirahan, ay iginapos niya sa mga tanikalang walang hanggan sa pinakamalalim na kadiliman hanggang sa paghuhukom sa dakilang araw.
7 Gayundin(B) ang Sodoma at Gomorra, at ang mga lunsod sa palibot ng mga ito, na gumawa naman ng pakikiapid at nalulong sa kakaibang laman, ay inilagay bilang halimbawa, na nagdaranas ng kaparusahan sa apoy na walang hanggan.
8 Gayunma'y ang mga ito rin na mahilig managinip ay dinudumihan ang laman, at hinahamak ang mga may kapangyarihan at nilalait ang mga maluwalhating mga anghel.
9 Subalit(C) si Miguel na arkanghel nang makipaglaban sa diyablo, at nakipagtalo tungkol sa katawan ni Moises, ay hindi nangahas gumamit ng isang hatol na may pag-alipusta laban sa kanya, kundi sinabi, “Sawayin ka nawa ng Panginoon.”
10 Subalit inaalipusta ng mga ito ang anumang bagay na hindi nila nauunawaan, at sa pamamagitan ng mga bagay na likas nilang nalalaman, kagaya ng mga hayop na walang pag-iisip, sila'y winawasak.
11 Kahabag-habag(D) sila! Sapagkat sila'y lumakad sa daan ni Cain, at sumunggab sa kamalian ni Balaam dahil sa upa, at napahamak sa paghihimagsik ni Kora.
12 Ang mga taong ito'y pawang mga batong natatago[a] sa inyong mga pagsasalu-salong may pag-ibig kapag sila'y nakikipagsalo sa inyo nang walang takot, na ang pinapangalagaan lamang ay ang kanilang sarili. Sila'y mga ulap na walang tubig, na tinatangay ng mga hangin; mga punungkahoy na walang bunga sa pagtatapos ng taglagas, na dalawang ulit na namatay, na binunot hanggang ugat;
13 nagngangalit na alon sa dagat, na pinabubula ang kanilang sariling kahihiyan; mga pagala-galang bituin, na silang pinaglaanan ng pusikit na kadiliman magpakailanman.
14 At(E) sa mga ito rin naman si Enoc, na ikapitong salinlahi mula kay Adan, ay nagpahayag na sinasabi, “Narito, dumating ang Panginoon na kasama ang kanyang laksa-laksang mga banal,
15 upang igawad ang hatol sa lahat at upang sumbatan ang bawat kaluluwa sa lahat ng kanilang masamang gawa na kanilang ginawang may kalikuan, at sa lahat ng mga bagay na malupit na sinalita sa kanya ng mga hindi maka-Diyos na makasalanan.”
16 Ang mga iyon ay mga mapagbulong, mga mareklamo, na lumalakad ayon sa kanilang mga sariling pagnanasa at ang kanilang bibig ay nagsasalita ng mga pagmamataas, na pakunwaring pumupuri sa mga tao para sa sariling kapakinabangan.
Mga Babala at mga Paalala
17 Ngunit kayo, mga minamahal, alalahanin ninyo ang mga salitang sinabi noong una ng mga apostol ng ating Panginoong Jesu-Cristo,
18 sapagkat(F) sinabi nila sa inyo, “Magkakaroon ng mga manlilibak sa huling panahon, na lumalakad ayon sa kanilang sariling masasamang pagnanasa.”
19 Ang mga ito ang lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, mga taong makamundo, na mga hindi nagtataglay ng Espiritu.
20 Ngunit kayo, mga minamahal, patatagin ninyo ang inyong sarili sa inyong kabanal-banalang pananampalataya; manalangin sa Espiritu Santo;
21 ingatan ninyo ang inyong sarili sa pag-ibig ng Diyos, na inyong hintayin ang habag ng ating Panginoong Jesu-Cristo tungo sa buhay na walang hanggan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001