Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 119:49-56

ZAIN.

49 Alalahanin mo ang iyong salita sa lingkod mo,
    na doo'y pinaasa mo ako.
50 Ito'y aking kaaliwan sa aking kapighatian,
    na ang iyong pangako ang nagbibigay sa akin ng buhay.
51 Ganap akong pinagtatawanan ng mapagmataas na tao,
    gayunma'y hindi ako humihiwalay sa kautusan mo.
52 Aking inalaala ang mga batas mo nang una,
    O Panginoon, at ako'y naaaliw.
53 Maalab na galit ang humawak sa akin,
    dahil sa masasama na tumalikod sa iyong kautusan.
54 Ang iyong mga tuntunin ay naging aking mga awit
    sa bahay ng aking paglalakbay.
55 O Panginoon, aking naalala sa gabi ang iyong pangalan,
    at sinunod ko ang iyong kautusan.
56 Ito ang tinamo ko,
    sapagkat aking iningatan ang mga tuntunin mo.

Jeremias 32:16-35

Ang Panalangin ni Jeremias

16 “Pagkatapos na maibigay ko ang kasulatan ng pagkabili kay Baruc na anak ni Nerias, nanalangin ako sa Panginoon, na sinasabi:

17 ‘Ah Panginoong Diyos! Ikaw ang siyang gumawa ng langit at ng lupa sa pamamagitan ng iyong dakilang kapangyarihan, at sa pamamagitan ng iyong unat na kamay! Walang bagay na napakahirap sa iyo,

18 na nagpapakita ng kagandahang-loob sa mga libu-libo, ngunit pinagbabayad ang kasamaan ng mga magulang sa kanilang mga anak kasunod nila, O dakila at makapangyarihang Diyos. Ang kanyang pangalan ay Panginoon ng mga hukbo;

19 dakila sa payo at makapangyarihan sa gawa; na ang mga mata ay mulat sa lahat ng lakad ng anak ng mga tao, na ginagantimpalaan ang bawat isa ayon sa kanyang mga lakad, at ayon sa bunga ng kanyang mga gawa.

20 Ikaw ay nagpakita ng mga tanda at mga kababalaghan sa lupain ng Ehipto, at hanggang sa araw na ito sa Israel at sa gitna ng sangkatauhan, at gumawa ka ng pangalan para sa iyong sarili, gaya ng sa araw na ito.

21 Inilabas mo ang iyong bayang Israel sa lupain ng Ehipto sa pamamagitan ng mga tanda at ng mga kababalaghan, ng malakas na kamay, ng unat na bisig, at may malaking kakilabutan;

22 at ibinigay mo sa kanila ang lupaing ito na iyong ipinangako sa kanilang mga ninuno na ibibigay sa kanila, isang lupain na binubukalan ng gatas at pulot.

23 Sila'y pumasok at inangkin nila ito, ngunit hindi nila dininig ang iyong tinig o lumakad man sa iyong kautusan; wala silang ginawa sa lahat ng iyong iniutos na gawin nila. Kaya't pinarating mo sa kanila ang lahat ng kasamaang ito.

24 Narito, ang mga bunton ng pagkubkob ay dumating sa lunsod upang sakupin ito; at dahil sa tabak, taggutom, at salot, ang lunsod ay ibinigay sa kamay ng mga Caldeo na lumalaban dito. Kung ano ang iyong sinabi ay nangyayari; at narito, nakikita mo ito.

25 Sinabi mo sa akin, O Panginoong Diyos, “Bilhin mo ng salapi ang bukid, at tumawag ka ng mga saksi,”—bagaman ang lunsod ay ibinibigay sa kamay ng mga Caldeo.’”

26 At ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias, na sinasabi,

27 “Narito, ako ang Panginoon, ang Diyos ng lahat ng laman; mayroon bang anumang napakahirap para sa akin?

28 Kaya't(A) ganito ang sabi ng Panginoon: Ibibigay ko ang lunsod na ito sa kamay ng mga Caldeo at sa kamay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, at sasakupin niya ito.

29 Ang mga Caldeo na lumalaban sa lunsod na ito ay darating at susunugin ang lunsod na ito, pati ang mga bahay na ang mga bubungan ay kanilang pinaghandugan ng insenso kay Baal at pinagbuhusan ng mga handog na inumin para sa mga ibang diyos, upang ako ay ibunsod sa galit.

30 Sapagkat ang mga anak ng Israel at ang mga anak ng Juda ay walang ginawa kundi kasamaan sa aking paningin mula sa kanilang kabataan. At ang mga anak ng Israel ay walang ginawa kundi ako'y ibunsod sa galit sa pamamagitan ng gawa ng kanilang mga kamay, sabi ng Panginoon.

31 Tunay na ang lunsod na ito ay pumupukaw ng aking galit at poot, mula sa araw na ito'y itinayo hanggang sa araw na ito, kaya't ito'y aking aalisin sa harap ng aking paningin,

32 dahil sa lahat ng kasamaan ng mga anak ng Israel at ng mga anak ng Juda na kanilang ginawa upang ako ay ibunsod sa galit, sila, ang kanilang mga hari, kanilang mga pinuno, kanilang mga pari, kanilang mga propeta, mga mamamayan ng Juda, at ng mga naninirahan sa Jerusalem.

33 Tinalikuran nila ako, at hindi ang kanilang mukha, at bagaman paulit-ulit ko silang tinuruan ay hindi sila nakinig upang tumanggap ng turo.

34 Kundi(B) inilagay nila ang kanilang mga kasuklamsuklam sa bahay na tinatawag sa aking pangalan, upang ito'y dungisan.

35 At(C) kanilang itinayo ang matataas na dako ni Baal sa libis ng anak ni Hinom, upang ihandog ang kanilang mga anak na lalaki at babae kay Molec, na hindi ko iniutos sa kanila o pumasok man sa aking pag-iisip, na kanilang gawin ang kasuklamsuklam na ito na naging sanhi ng pagkakasala ng Juda.

Apocalipsis 3:14-22

Ang Mensahe sa Laodicea

14 “At(A) sa anghel ng iglesya sa Laodicea ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng Amen, ng saksing tapat at totoo, nang pasimula ng paglalang ng Diyos:

15 “Alam ko ang iyong mga gawa; ikaw ay hindi malamig o mainit man. Ibig ko sanang ikaw ay malamig o mainit.

16 Kaya, dahil ikaw ay malahininga, at hindi mainit o malamig man, ay isusuka kita mula sa aking bibig.

17 Sapagkat sinasabi mo, ‘Ako'y mayaman, at naging mariwasa at hindi ako nangangailangan ng anuman.’ Hindi mo nalalamang ikaw ay aba, kahabag-habag, maralita, bulag at hubad.

18 Ipinapayo ko sa iyo na bumili ka sa akin ng gintong dinalisay ng apoy upang ikaw ay yumaman, at ng mapuputing damit upang iyong maisuot, at upang huwag mahayag ang iyong kahiyahiyang kahubaran, at ng pampahid na ilalagay sa iyong mga mata, upang ikaw ay makakita.

19 Ang(B) lahat na aking iniibig ay aking sinasaway at dinidisiplina. Ikaw nga'y magsikap, at magsisi.

20 Makinig ka! Ako'y nakatayo sa may pintuan at tumutuktok; kung diringgin ng sinuman ang aking tinig at buksan ang pinto, ako'y papasok sa kanya, at kakaing kasalo niya, at siya'y kasalo ko.

21 Ang magtagumpay ay pagkakalooban ko na umupong kasama ko sa aking trono, gaya ko naman na nagtagumpay at umupong kasama ng aking Ama sa kanyang trono.

22 Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001