Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ni Asaf.
79 O(A) Diyos, ang mga pagano sa iyong mana ay dumating,
kanilang dinungisan ang iyong templong banal;
ang Jerusalem sa mga guho ay kanilang inilagay.
2 Ang mga katawan ng iyong mga lingkod ay ibinigay nila
bilang pagkain sa mga ibon sa himpapawid,
ang laman ng iyong mga banal sa mga hayop sa lupa.
3 Ang kanilang dugo ay parang tubig na ibinuhos nila
sa palibot ng Jerusalem;
at walang sinumang sa kanila'y maglibing.
4 Kami'y naging tampulan ng pagtuya sa aming mga kalapit,
ang mga nasa palibot namin kami'y nililibak at nilalait.
5 Hanggang kailan, O Panginoon? Magagalit ka ba habang panahon?
Ang iyo bang mapanibughong poot ay mag-aalab na parang apoy?
6 Ibuhos mo ang iyong galit sa mga bansang
hindi kumikilala sa iyo,
at sa mga kaharian
na hindi tumatawag sa pangalan mo!
7 Sapagkat ang Jacob ay kanilang nilapa,
at ang kanyang tahanan ay kanilang giniba.
8 Huwag mong alalahanin laban sa amin
ang kasamaan ng aming mga ninuno,
mabilis nawang dumating ang iyong kahabagan upang salubungin kami,
sapagkat kami ay lubhang pinababa.
9 Tulungan mo kami, O Diyos ng aming kaligtasan,
para sa kaluwalhatian ng iyong pangalan;
iligtas mo kami at patawarin ang aming mga kasalanan,
alang-alang sa iyong pangalan.
8 “Sa panahong iyon, sabi ng Panginoon, ang mga buto ng mga hari ng Juda, ang mga buto ng kanyang mga pinuno, ang mga buto ng mga pari, ang mga buto ng mga propeta, at ang mga buto ng mga naninirahan sa Jerusalem ay ilalabas sa kanilang mga libingan;
2 at ang mga ito ay ikakalat sa harap ng araw, ng buwan, at ng lahat ng natatanaw sa langit, na kanilang inibig at pinaglingkuran, na sila nilang sinundan, hinanap, at sinamba. Sila'y hindi matitipon o malilibing; sila'y magiging gaya ng dumi sa ibabaw ng lupa.
3 Ang kamatayan ay higit na pipiliin kaysa buhay ng lahat ng naiwang nalabi na nanatili sa masamang angkang ito sa lahat ng dako na aking pinagtabuyan sa kanila, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
Ang Kasalanan at ang Parusa
4 “Sasabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon!
Kapag nabubuwal ang mga tao, di ba't muling bumabangon sila?
Kapag ang isang tao'y tumalikod, hindi ba't bumabalik siya?
5 Kung gayo'y bakit ang bayang ito ng Jerusalem ay tumalikod
sa tuluy-tuloy na pagtalikod?
Sila'y nananatili sa pandaraya,
ayaw nilang bumalik.
6 Aking pinakinggan at aking narinig,
ngunit hindi sila nagsalita nang matuwid;
walang nagsisisi sa kanyang kasamaan,
na nagsasabi, ‘Anong aking ginawa?’
Bawat isa'y tumatahak sa kanyang sariling daanan,
gaya ng kabayo na dumadaluhong sa labanan.
7 Maging ang tagak sa himpapawid
ay nakakaalam ng kanyang kapanahunan;
at ang batu-bato, langay-langayan, at tagak
ay tumutupad sa panahon ng kanilang pagdating,
ngunit hindi nalalaman ng aking bayan
ang alituntunin ng Panginoon.
8 “Paano ninyo nasasabi, ‘Kami ay matalino,
at ang kautusan ng Panginoon ay nasa amin?’
Ngunit sa katunayan, ito ay ginawang kasinungalingan
ng huwad na panulat ng mga eskriba.
9 Ang mga taong pantas ay mapapahiya,
sila'y masisindak at kukunin;
narito, kanilang itinakuwil ang salita ng Panginoon,
at anong karunungan ang nasa kanila?
10 Kaya't(A) ibibigay ko ang kanilang mga asawa sa iba,
at ang kanilang mga parang sa mga bagong magmamay-ari,
sapagkat mula sa pinakamaliit hanggang sa pinakamalaki,
ang bawat isa ay sakim sa pakinabang;
mula sa propeta hanggang sa pari,
bawat isa'y gumagawang may panlilinlang.
11 Kanilang(B) pinagaling nang bahagya ang sugat ng aking bayan,
na sinasabi, ‘Kapayapaan, kapayapaan,’
gayong walang kapayapaan.
12 Nahiya ba sila nang sila'y gumawa ng karumaldumal?
Hindi, hindi man lamang sila nahiya,
hindi sila marunong mamula sa hiya.
Kaya't sila'y mabubuwal sa gitna ng mga nabuwal;
sa panahon ng kanilang kaparusahan, sila'y ibabagsak, sabi ng Panginoon.
13 Lubos ko silang lilipulin, sabi ng Panginoon,
mawawalan ng ubas sa puno ng ubas,
o ng mga igos sa mga puno ng igos,
maging ang mga dahon ay nalalanta;
at ang naibigay ko sa kanila ay lumipas na sa kanila.”
Ang Pag-ibig ng Diyos
31 Ano nga ang ating sasabihin sa mga bagay na ito? Kung ang Diyos ay kakampi natin, sino ang laban sa atin?
32 Siya na hindi ipinagkait ang kanyang sariling Anak, kundi ibinigay dahil sa ating lahat, bakit naman hindi ibibigay sa atin nang walang bayad ang lahat ng mga bagay?
33 Sino ang magsasakdal ng anuman laban sa mga pinili ng Diyos? Ang Diyos ang siyang umaaring-ganap.
34 Sino ang hahatol? Si Cristo Jesus na namatay, oo, siyang muling binuhay mula sa mga patay, na siya ring nasa kanan ng Diyos, na siya ring namamagitan para sa atin.
35 Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo? Ang kahirapan ba, o ang kapighatian, o ang pag-uusig, o ang taggutom, o ang kahubaran, o ang panganib, o ang tabak?
36 Gaya(A) ng nasusulat,
“Dahil sa iyo kami'y pinapatay sa buong araw;
kami ay itinuring na mga tupa sa katayan.”
37 Ngunit sa lahat ng mga bagay na ito, tayo'y higit pa sa mga nagtatagumpay sa pamamagitan niya na sa atin ay umibig.
38 Sapagkat ako'y naniniwalang lubos, na kahit ang kamatayan man, ni ang buhay, ni ang mga anghel, ni ang mga pinuno, ni ang mga bagay na kasalukuyan, ni ang mga bagay na darating, ni ang mga kapangyarihan,
39 ni ang kataasan, ni ang kalaliman, ni ang alin pa mang nilalang, ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos, na na kay Cristo Jesus na Panginoon natin.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001