Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Diyos na Hukom ng Lahat
94 O Panginoon, ikaw na Diyos ng paghihiganti,
ikaw na Diyos ng paghihiganti, magningning ka.
2 Bumangon ka, ikaw na hukom ng lupa,
ibigay mo sa palalo ang nararapat sa kanila.
3 O Panginoon, hanggang kailan ang masama,
hanggang kailan magsasaya ang masama?
4 Ibinubuhos nila ang kanilang mga salita, nang may kayabangan,
lahat ng gumagawa ng kasamaan ay nagmamalaki.
5 O Panginoon, kanilang dinurog ang iyong bayan,
at ang iyong mana ay sinaktan.
6 Kanilang pinatay ang balo at ang dayuhan,
ang ulila ay kanilang pinatay.
7 At kanilang sinasabi, “Hindi nakikita ng Panginoon,
ni hindi pinapansin ng Diyos ni Jacob.”
8 Unawain ninyo, kayong mga hangal sa gitna ng bayan!
Kailan kayo magiging matatalino, mga hangal?
9 Siyang naglagay ng pandinig, hindi ba siya nakakarinig?
Siyang lumikha ng mata, hindi ba siya makakakita?
10 Siyang sumusupil sa mga bansa,
hindi ba siya'y nagpaparusa,
siya na nagtuturo ng kaalaman?
11 Ang(A) mga pag-iisip ng tao ay ang Panginoon ang nakakaalam,
sila'y gaya lamang ng hiningang walang laman.
12 O Panginoon, mapalad ang tao na iyong sinusupil,
at tinuturuan ng iyong kautusan,
13 upang mabigyan siya ng kapahingahan mula sa mga araw ng kaguluhan,
hanggang ang hukay para sa masama ay maihanda.
14 Sapagkat hindi itatakuwil ng Panginoon ang bayan niya,
hindi niya iiwan ang kanyang mana;
15 sapagkat ang katarungan ay babalik sa katuwiran,
at ito ay susundin ng lahat ng may matuwid na puso.
16 Sino ang babangon para sa akin laban sa masama?
Sinong tatayo para sa akin laban sa mga gumagawa ng kasamaan?
17 Kung ang Panginoon ay hindi ko naging saklolo,
ang kaluluwa ko'y maninirahan na sana sa lupain ng katahimikan.
18 Nang aking sabihin, “Ang aking paa ay dumulas,”
O Panginoon, aalalayan mo ako ng iyong pag-ibig na wagas.
19 Kapag sa aking puso ay maraming pag-aalaala,
ang iyong mga pag-aliw ay nagpapasaya sa aking kaluluwa.
20 Makakasanib ba sa iyo ang trono ng kasamaan,
silang bumabalangkas ng masama sa pamamagitan ng batas?
21 Sila'y nagsasama-sama laban sa buhay ng matuwid,
at hinahatulan ng kamatayan ang walang sala.
22 Ngunit ang Panginoon ay naging aking muog;
at ang Diyos ko'y malaking bato na aking kanlungan.
23 At dinala niya sa kanila ang kanilang sariling kasamaan,
at papawiin sila dahil sa kanilang kasamaan;
papawiin sila ng Panginoon naming Diyos.
Ang Matinding Tagtuyot
14 Ang salita ng Panginoon na dumating kay Jeremias tungkol sa tagtuyot.
2 “Ang Juda ay tumatangis,
at ang mga pintuan niya ay nanghihina,
sila'y nangingitim na bumagsak sa lupa;
at ang daing ng Jerusalem ay pumapailanglang.
3 Sinugo ng kanyang mga maharlika ang kanilang mga lingkod na pumunta sa tubig;
sila'y dumating sa mga balon,
at walang natagpuang tubig;
sila'y nagsisibalik na dala ang mga sisidlan na walang laman;
sila'y nahihiya at nalilito,
at tinatakpan ang kanilang mga ulo.
4 Dahil sa lupa na bitak-bitak,
palibhasa'y walang ulan sa lupain,
ang mga magbubukid ay nahihiya,
tinatakpan nila ang kanilang mga ulo.
5 Maging ang usa sa parang ay pinababayaan ang kanyang bagong silang na usa,
sapagkat walang damo.
6 Ang maiilap na asno ay nakatayo sa mga lantad na kaitaasan,
sila'y humihingal na parang mga asong-gubat;
ang mata nila'y nanlalabo
sapagkat walang halaman.
7 “Bagaman ang aming mga kasamaan ay sumasaksi laban sa amin,
kumilos ka, O Panginoon, alang-alang sa iyong pangalan,
sapagkat ang aming mga pagtalikod ay marami;
kami ay nagkasala laban sa iyo.
8 O ikaw na pag-asa ng Israel,
ang Tagapagligtas nito sa panahon ng kagipitan,
bakit kailangan kang maging parang isang dayuhan sa lupain,
gaya ng manlalakbay na dumaraan upang magpalipas ng gabi?
9 Bakit kailangan kang maging gaya ng taong nalilito,
gaya ng taong makapangyarihan na hindi makapagligtas?
Gayunma'y ikaw, O Panginoon, ay nasa gitna namin,
at kami ay tinatawag sa iyong pangalan;
huwag mo kaming iwan.”
Walang Magagawa ang Mamagitan para sa Bayan
10 Ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa bayang ito:
“Yamang inibig nila ang magpalabuy-laboy,
hindi nila pinigilan ang kanilang mga paa,
kaya't hindi sila tinatanggap ng Panginoon;
ngayo'y aalalahanin niya ang kanilang kasamaan,
at dadalawin sila dahil sa kanilang mga kasalanan.”
17 “Sasabihin mo sa kanila ang salitang ito:
‘Hayaang daluyan ang aking mga mata ng mga luha sa gabi at araw,
at huwag huminto,
sapagkat ang anak na dalaga ng aking bayan ay sinaktan ng malaking sugat,
ng isang napakabigat na dagok.
18 Kung ako'y lalabas sa parang,
tingnan ninyo, ang mga pinatay ng tabak!
At kung ako'y papasok sa lunsod,
tingnan ninyo, ang mga sakit ng pagkagutom!
Sapagkat ang propeta at ang pari ay kapwa lumilibot sa buong lupain
at walang kaalaman.’”
19 Lubos mo na bang itinakuwil ang Juda?
Kinapopootan ba ng iyong kaluluwa ang Zion?
Bakit mo kami sinaktan,
anupa't hindi kami mapapagaling?
Naghanap kami ng kapayapaan, ngunit walang kabutihang dumating;
ng panahon ng paggaling, ngunit narito, ang pagkatakot!
20 Aming kinikilala ang aming kasamaan, O Panginoon
at ang kasamaan ng aming mga magulang;
sapagkat kami ay nagkasala laban sa iyo.
21 Huwag mo kaming kamuhian, alang-alang sa iyong pangalan;
huwag mong hamakin ang iyong trono ng kaluwalhatian
alalahanin mo at huwag mong sirain ang iyong tipan sa amin.
22 Mayroon ba sa mga huwad na diyos ng mga bansa na makapagbibigay ng ulan?
O makapagpapaambon ba ang mga langit?
Hindi ba ikaw iyon, O Panginoon naming Diyos?
Kaya't kami ay umaasa sa iyo;
sapagkat ginagawa mo ang lahat ng mga bagay na ito.
Sinabi ni Jesus ang Pagkakaila ni Pedro(A)
31 “Simon, Simon, narito, hiningi ni Satanas na ligligin kayo gaya ng trigo,
32 subalit ako ay nanalangin para sa iyo upang ang iyong pananampalataya ay huwag mawala; kung makabalik ka nang muli, ay palakasin mo ang iyong mga kapatid.”
33 At sinabi niya sa kanya, “Panginoon, handa akong sumama sa iyo sa bilangguan at sa kamatayan.”
Ipinagkaila ni Pedro si Jesus(A)
54 At kanilang dinakip siya, inilayo, at dinala sa bahay ng pinakapunong pari. Si Pedro ay sumunod mula sa malayo.
55 At nang makapagpaningas sila ng apoy sa gitna ng patyo at makaupong magkakasama, si Pedro ay nakiupong kasama nila.
56 Samantalang siya'y nakaupo sa liwanag ng apoy, nakita siya ng isang alilang babae, tumitig sa kanya at nagsabi, “Ang taong ito ay kasama rin niya.”
57 Subalit itinanggi niya ito at sinabi, “Babae, hindi ko siya nakikilala.”
58 Pagkaraan ng isang sandali ay nakita siya ng isa pa at sinabi, “Ikaw ay isa rin sa kanila.” Subalit sinabi ni Pedro, “Ginoo, hindi ako.”
59 Nang makaraan ang may isang oras, may isa pa na nagpipilit na nagsasabi, “Tiyak na ang taong ito'y kasama rin niya, sapagkat siya'y taga-Galilea.”
60 Subalit sinabi ni Pedro, “Ginoo, hindi ko nalalaman ang sinasabi mo.” At kaagad, samantalang siya'y nagsasalita pa, tumilaok ang isang manok.
61 Lumingon ang Panginoon at tumingin kay Pedro. At naalala ni Pedro ang salita ng Panginoon, kung paanong sinabi niya sa kanya, “Bago tumilaok ang manok ngayon, ay ipagkakaila mo ako ng tatlong ulit.”
62 At siya'y lumabas, at umiyak nang buong pait.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001