Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
18 Ang aking kapighatian ay wala nang lunas!
ang puso ko ay nanlulupaypay.
19 Narito, dinggin ninyo ang daing ng anak na babae ng aking bayan
mula sa malayong lupain:
“Hindi ba nasa Zion ang Panginoon?
Wala ba sa loob niya ang kanyang Hari?”
“Bakit nila ako ginalit sa pamamagitan ng kanilang mga larawang inanyuan,
at ng kanilang ibang mga diyos?”
20 “Ang pag-aani ay nakaraan, ang tag-init ay tapos na,
at tayo'y hindi ligtas.”
21 Dahil sa sugat ng anak na babae ng aking bayan ay nasaktan ako,
ako'y nagluluksa, at ako'y sakmal ng pagkabalisa.
22 Wala bang pamahid na gamot sa Gilead?
Wala bang manggagamot doon?
Bakit nga hindi pa naibabalik
ang kalusugan ng anak na babae ng aking bayan?
9 O, ang ulo ko sana ay mga tubig,
at ang aking mga mata ay bukal ng mga luha,
upang ako'y makaiyak araw at gabi
dahil sa mga pinaslang sa anak na babae ng aking bayan!
Awit ni Asaf.
79 O(A) Diyos, ang mga pagano sa iyong mana ay dumating,
kanilang dinungisan ang iyong templong banal;
ang Jerusalem sa mga guho ay kanilang inilagay.
2 Ang mga katawan ng iyong mga lingkod ay ibinigay nila
bilang pagkain sa mga ibon sa himpapawid,
ang laman ng iyong mga banal sa mga hayop sa lupa.
3 Ang kanilang dugo ay parang tubig na ibinuhos nila
sa palibot ng Jerusalem;
at walang sinumang sa kanila'y maglibing.
4 Kami'y naging tampulan ng pagtuya sa aming mga kalapit,
ang mga nasa palibot namin kami'y nililibak at nilalait.
5 Hanggang kailan, O Panginoon? Magagalit ka ba habang panahon?
Ang iyo bang mapanibughong poot ay mag-aalab na parang apoy?
6 Ibuhos mo ang iyong galit sa mga bansang
hindi kumikilala sa iyo,
at sa mga kaharian
na hindi tumatawag sa pangalan mo!
7 Sapagkat ang Jacob ay kanilang nilapa,
at ang kanyang tahanan ay kanilang giniba.
8 Huwag mong alalahanin laban sa amin
ang kasamaan ng aming mga ninuno,
mabilis nawang dumating ang iyong kahabagan upang salubungin kami,
sapagkat kami ay lubhang pinababa.
9 Tulungan mo kami, O Diyos ng aming kaligtasan,
para sa kaluwalhatian ng iyong pangalan;
iligtas mo kami at patawarin ang aming mga kasalanan,
alang-alang sa iyong pangalan.
Mga Panalangin sa Kapulungan
2 Una sa lahat, ay isinasamo ko na gawin ang mga paghiling, mga panalangin, mga pamamagitan, at mga pagpapasalamat patungkol sa lahat ng mga tao;
2 patungkol sa mga hari at sa lahat ng nasa mataas na katungkulan upang tayo'y mamuhay na tahimik at payapa sa buong kabanalan at paggalang.
3 Ito'y mabuti at kaaya-aya sa paningin ng Diyos na ating Tagapagligtas;
4 na nagnanais na ang lahat ng tao ay maligtas at makarating sa pagkakilala ng katotohanan.
5 Sapagkat may isang Diyos at may isang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus,
6 na ibinigay ang kanyang sarili na pantubos sa lahat; na siyang patotoo sa tamang panahon.
7 Para(A) dito'y itinalaga ako na isang mangangaral at apostol (sinasabi ko ang katotohanan,[a] hindi ako nagsisinungaling), guro sa mga Hentil sa pananampalataya at katotohanan.
Ang Tusong Katiwala
16 Sinabi rin ni Jesus[a] sa mga alagad, “May isang taong mayaman na may isang katiwala, at isinumbong sa kanya na nilulustay ng taong ito ang kanyang mga kayamanan.
2 At kanyang tinawag siya, at sa kanya'y sinabi, ‘Ano itong nababalitaan ko tungkol sa iyo? Magbigay-sulit ka ng ipinagkatiwala sa iyo, sapagkat hindi ka na maaaring maging katiwala pa.’
3 Sinabi ng katiwala sa kanyang sarili, ‘Anong gagawin ko yamang inaalis sa akin ng aking panginoon ang pagiging katiwala? Hindi ko kayang maghukay at nahihiya akong mamalimos.
4 Naipasiya ko na ang aking gagawin, upang matanggap ako ng mga tao sa kanilang bahay kapag pinaalis na ako sa pagiging katiwala.’
5 Kaya't nang tawagin niyang isa-isa ang mga may utang sa kanyang panginoon, ay sinabi niya sa una, ‘Magkano ang utang mo sa aking panginoon?’
6 At sinabi niya, ‘Isang daang takal na langis.’ At sinabi niya sa kanya, ‘Kunin mo ang iyong kasulatan at maupo ka at isulat mo kaagad ang limampu.’
7 Pagkatapos ay sinabi niya sa iba, ‘Magkano ang utang mo?’ Sinabi niya, ‘Isang daang takal na trigo.’ Sinabi niya sa kanya, ‘Kunin mo ang iyong kasulatan at isulat mo ang walumpu.’
8 At pinuri ng panginoon ang madayang katiwala, sapagkat siya'y gumawang may katusuhan, sapagkat ang mga anak ng sanlibutang ito ay higit na tuso sa pakikitungo sa sarili nilang lahi kaysa mga anak ng liwanag.
9 At sinasabi ko sa inyo, makipagkaibigan kayo para sa inyong mga sarili sa pamamagitan ng mga kayamanan ng kalikuan upang kung ito'y maubos na, ay kanilang tanggapin kayo sa mga walang hanggang tahanan.[b]
10 “Ang tapat sa kakaunti ay tapat din naman sa marami at ang di-tapat sa kakaunti ay di rin naman tapat sa marami.
11 Kung kayo nga'y hindi naging tapat sa kayamanan ng kalikuan, sino ang magtitiwala sa inyo ng mga tunay na kayamanan?
12 At kung hindi kayo naging tapat sa kayamanan ng iba, sino ang sa inyo'y magbibigay ng sarili ninyong pag-aari.
13 Walang(A) aliping makapaglilingkod sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa, at iibigin ang ikalawa, o kaya'y magiging tapat sa isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa mga kayamanan.”[c]
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001