Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Haring Pinili ng Panginoon
2 Bakit(A) nagsasabwatan ang mga bansa,
at sa walang kabuluhan ang mga bayan ay nagpaplano?
2 Inihanda ng mga hari sa lupa ang kanilang sarili,
at ang mga pinuno ay nagsisangguni,
laban sa Panginoon at sa kanyang binuhusan ng langis, na nagsasabi,
3 “Ang kanilang panggapos ay ating lagutin,
at itapon ang kanilang mga panali mula sa atin.”
4 Siya na nakaupo sa kalangitan ay tumatawa;
at ang Panginoon ay kumukutya sa kanila.
5 Kung magkagayo'y magsasalita siya sa kanila sa kanyang poot,
at tatakutin sila sa kanyang matinding galit, na nagsasabi,
6 “Gayunma'y inilagay ko ang aking hari sa Zion, sa aking banal na burol.”
7 Aking(B) sasabihin ang tungkol sa utos ng Panginoon:
Sinabi niya sa akin, “Ikaw ay aking anak,
sa araw na ito kita ay ipinanganak.
8 Humingi ka sa akin at ang mga bansa ay gagawin kong mana mo,
at ang mga dulo ng lupa ay magiging iyo.
9 Sila'y(C) iyong babaliin ng pamalong bakal,
at dudurugin mo sila gaya ng banga.”
10 Kaya't ngayon, O mga hari, kayo'y magpakapantas;
O mga pinuno ng lupa, kayo'y magsihanda.
11 Kayo'y maglingkod sa Panginoon na may takot,
at magalak na may panginginig,
12 ang anak ay inyong hagkan,
baka magalit siya at kayo'y mapahamak sa daan;
sapagkat ang kanyang poot ay madaling mag-alab.
Mapapalad ang lahat na nanganganlong sa kanya.
Ang Pakikipagtalo ni Jeremias kay Pashur
20 Napakinggan ni Pashur na anak ni Imer na pari, na punong-tagapangasiwa sa bahay ng Panginoon, si Jeremias na nagsasalita ng propesiya tungkol sa mga bagay na ito.
2 Nang magkagayo'y sinaktan ni Pashur si Jeremias na propeta, at ginapos sa tanikala sa mas mataas na pintuan ng Benjamin sa bahay ng Panginoon.
3 Kinabukasan, nang mapalaya na ni Pashur si Jeremias mula sa mga tanikala, sinabi ni Jeremias sa kanya, “Hindi ka tinatawag ng Panginoon sa pangalang Pashur, kundi Magor-missabib.[a]
4 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon: Narito, gagawin kitang kilabot sa iyong sarili at sa iyong mga kaibigan. Sila'y mabubuwal sa pamamagitan ng tabak ng kanilang mga kaaway habang ikaw ay nakatingin. At ibibigay ko ang buong Juda sa kamay ng hari ng Babilonia. Kanyang dadalhin sila bilang mga bihag sa Babilonia, at papatayin sila ng tabak.
5 Bukod dito ay ibibigay ko ang lahat ng kayamanan ng lunsod na ito, lahat ng kinita nito, lahat ng mahahalagang ari-arian nito, at ang lahat ng kayamanan ng mga hari ng Juda sa kamay ng kanilang mga kaaway na mananamsam sa kanila na huhuli at magdadala sa kanila sa Babilonia.
6 At ikaw, Pashur, at ang lahat ng nakatira sa iyong bahay ay pupunta sa pagkabihag. Pupunta ka sa Babilonia at doon ka mamamatay, at doon ka ililibing, ikaw at ang lahat mong mga kaibigan na iyong pinagpahayagan ng kasinungalingan.”
7 O Panginoon, dinaya[b] mo ako,
at ako'y nadaya;[c]
mas malakas ka kaysa akin,
at nanaig ka.
Ako'y nagiging katatawanan buong araw,
tinutuya ako ng bawat isa.
8 Sapagkat tuwing ako'y magsasalita, sumisigaw ako,
isinisigaw ko, “Karahasan at pagkawasak!”
Sapagkat ang salita ng Panginoon ay naging pagkutya at kadustaan sa akin sa bawat araw.
9 At kung aking sasabihin, “Hindi ko na siya babanggitin,
o magsasalita pa sa kanyang pangalan,”
waring sa aking puso ay may nag-aalab na apoy
na nakakulong sa aking mga buto,
at ako'y pagod na sa kapipigil dito,
at hindi ko makaya.
10 Sapagkat narinig ko ang marami na bumubulong.
Ang kilabot ay nasa lahat ng panig!
“Batikusin natin siya. Batikusin natin siya!”
Ang wika ng lahat kong mga kaibigan,
na nagmamatyag sa aking pagbagsak.
“Marahil siya'y madadaya,
kung magkagayo'y madadaig natin siya,
at tayo'y makakaganti sa kanya.”
11 Ngunit ang Panginoon ay kasama ko na gaya ng isang kinatatakutang mandirigma;
kaya't ang mga umuusig sa akin ay matitisod,
hindi nila ako madadaig.
Sila'y lubhang mapapahiya,
sapagkat sila'y hindi magtatagumpay.
Ang kanilang walang hanggang kahihiyan
ay hindi malilimutan.
12 O Panginoon ng mga hukbo, na sumusubok sa matuwid,
na nakakakita ng puso at pag-iisip,
ipakita mo sa akin ang iyong paghihiganti sa kanila;
sapagkat sa iyo ay itinalaga ko ang aking ipinaglalaban.
13 Magsiawit kayo sa Panginoon,
purihin ninyo ang Panginoon!
Sapagkat kanyang iniligtas ang kaluluwa ng nangangailangan
mula sa kamay ng mga manggagawa ng kasamaan.
14 Sumpain(A) ang araw
na ako'y ipinanganak!
Ang araw na ako'y isinilang ng aking ina,
huwag nawa itong basbasan!
15 Sumpain ang tao
na nagdala ng balita sa aking ama,
“Isang lalaki ang ipinanganak sa iyo,”
na kanyang ikinagalak.
16 Ang lalaki nawang iyon ay maging gaya ng mga lunsod
na walang awang giniba ng Panginoon,
at makarinig nawa siya ng daing sa umaga,
at babala sa katanghaliang-tapat;
17 sapagkat hindi niya ako pinatay sa sinapupunan;
at sa gayo'y naging libingan ko sana ang aking ina,
at ang kanyang sinapupunan, ay naging dakila magpakailanman.
18 Bakit ako'y lumabas pa sa sinapupunan
upang makakita ng hirap at kalungkutan,
at gugulin ang aking mga araw sa kahihiyan?
Ang Mayamang Lalaki(A)
18 Tinanong siya ng isang pinuno, “Mabuting Guro, anong gagawin ko upang magmana ng buhay na walang hanggan?”
19 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang.
20 Nalalaman(B) mo ang mga utos: ‘Huwag kang mangalunya; Huwag kang pumatay; Huwag kang magnakaw; Huwag kang tumayong saksi sa kasinungalingan; Igalang mo ang iyong ama at ina.’”
21 At sinabi niya, “Tinupad ko ang lahat ng mga bagay na ito buhat pa sa aking pagkabata.”
22 Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanya, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Anumang mayroon ka ay ipagbili mo, ipamahagi mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. At pumarito ka, sumunod ka sa akin.
23 Subalit nang marinig niya ang mga bagay na ito, siya'y nalungkot, sapagkat siya'y napakayaman.
24 Tumingin sa kanya si Jesus at sinabi, “Napakahirap sa mga may kayamanan ang pumasok sa kaharian ng Diyos!
25 Sapagkat madali pa sa isang kamelyo ang pumasok sa butas ng isang karayom, kaysa sa isang taong mayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos.”
26 At sinabi ng mga nakarinig nito, “Sino kaya ang maliligtas?”
27 Subalit sinabi niya, “Ang mga bagay na hindi magagawa ng mga tao ay magagawa ng Diyos.”
28 Sinabi ni Pedro, “Tingnan mo, iniwan namin ang aming mga tahanan at sumunod sa iyo.”
29 At sinabi niya sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, walang sinuman na nag-iwan ng bahay, o asawang babae, o mga kapatid, o mga magulang o mga anak, dahil sa kaharian ng Diyos,
30 na di tatanggap ng lalong higit pa sa panahong ito, at sa panahong darating ng buhay na walang hanggan.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001