Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Huwag Wasakin. Miktam ni David.
58 Tunay bang kayo'y nagsasalita nang matuwid, kayong mga diyos?
Matuwid ba kayong humahatol, O kayong mga anak ng tao?
2 Hindi, sa inyong mga puso ay nagsisigawa kayo ng kamalian;
sa lupa ang karahasan ng inyong mga kamay ay inyong tinitimbang.
3 Ang masama ay naliligaw mula sa bahay-bata,
silang nagsasalita ng mga kasinungalingan ay naliligaw mula sa pagkapanganak.
4 Sila'y may kamandag na gaya ng kamandag ng ahas,
gaya ng binging ahas na nagtatakip ng kanyang pandinig,
5 kaya't hindi nito naririnig ang tinig ng mga engkantador,
ni ang tusong manggagayuma.
6 O Diyos, basagin mo ang mga ngipin sa kanilang mga bibig;
tanggalin mo ang mga pangil ng mga batang leon, O Panginoon!
7 Parang tubig na papalayong umaagos ay maglaho nawa sila,
kapag iniumang na niya ang kanyang mga palaso, maging gaya nawa sila ng mga pirasong naputol.
8 Maging gaya nawa ng kuhol na natutunaw habang nagpapatuloy,
gaya ng wala sa panahong panganganak na hindi nakakita ng araw kailanman.
9 Bago makaramdam ang inyong mga palayok sa init ng dawag,
kanyang kukunin ang mga iyon ng ipu-ipo ang sariwa at gayundin ang nagniningas.
10 Magagalak ang matuwid kapag nakita niya ang paghihiganti;
kanyang huhugasan ang kanyang mga paa ng dugo ng masama.
11 Sasabihin ng mga tao, “Tiyak na sa matuwid ay may gantimpala,
tiyak na may Diyos na humahatol sa lupa.”
15 “‘At bibigyan ko kayo ng mga pastol ayon sa aking napupusuan, na magpapakain sa inyo ng kaalaman at unawa.
16 At mangyayari na kapag kayo'y dumami at lumago sa lupain sa mga araw na iyon, sabi ng Panginoon, hindi na nila sasabihin, “Ang kaban ng tipan ng Panginoon.” Hindi na iyon maiisip ni maaalala, ni hahanap-hanapin; at ito ay hindi na muling gagawin.
17 Sa panahong iyon ay tatawagin nila ang Jerusalem na trono ng Panginoon, at lahat ng mga bansa ay magtitipon doon sa Jerusalem, sa pangalan ng Panginoon, at hindi na sila lalakad ayon sa katigasan ng kanilang masasamang puso.
18 Sa mga araw na iyon ang sambahayan ng Juda ay lalakad na kasama ng sambahayan ng Israel, at magkasama silang manggagaling sa lupain ng hilaga patungo sa lupain na ibinigay ko bilang pamana sa inyong mga magulang.
Ang Pagsamba ng Israel sa Diyus-diyosan
19 “‘Aking inisip,
nais kong ilagay ka na kasama ng aking mga anak,
at bigyan ka ng magandang lupain,
isang pinakamagandang pamana sa lahat ng mga bansa.
At akala ko'y tatawagin mo ako, Ama ko;
at hindi ka na hihiwalay pa sa pagsunod sa akin.
20 Tunay na kung paanong iniiwan ng taksil na asawang babae ang kanyang asawa,
gayon kayo nagtaksil sa akin, O sambahayan ng Israel, sabi ng Panginoon.’”
21 Isang tinig ay naririnig sa mga lantad na kaitaasan,
ang iyak at pagsusumamo ng mga anak ni Israel;
sapagkat kanilang binaluktot ang kanilang daan,
kanilang nilimot ang Panginoon nilang Diyos.
22 “Manumbalik kayo, O taksil na mga anak,
pagagalingin ko ang inyong kataksilan.”
“Narito, kami ay lumalapit sa iyo;
sapagkat ikaw ang Panginoon naming Diyos.
23 Tunay na ang mga burol ay kahibangan,
ang mga lasingan sa mga bundok.
Tunay na nasa Panginoon naming Diyos
ang kaligtasan ng Israel.
24 “Ngunit mula sa ating pagkabata ay nilamon ng kahiyahiyang bagay ang lahat ng pinagpagalan ng ating mga magulang, ang kanilang mga kawan at ang kanilang mga bakahan, ang kanilang mga anak na lalaki at babae.
25 Tayo'y magsihiga sa ating kahihiyan, at takpan tayo ng ating kawalan ng dangal; sapagkat tayo'y nagkasala laban sa Panginoon nating Diyos, tayo at ang ating mga magulang, mula sa ating kabataan hanggang sa araw na ito; at hindi tayo nakinig sa tinig ng Panginoon nating Diyos.”
Talinghaga ng Malaking Hapunan(A)
15 Nang marinig ito ng isa sa nakaupong kasalo niya sa hapag ay sinabi nito sa kanya, “Mapalad ang kakain ng tinapay sa kaharian ng Diyos.”
16 Subalit sinabi ni Jesus[a] sa kanya, “May isang naghanda ng isang malaking hapunan; at marami siyang inanyayahan.
17 At sa oras ng hapunan ay sinugo niya ang kanyang alipin upang sabihin sa mga inanyayahan, ‘Halikayo, sapagkat ang lahat ay handa na.’
18 Ngunit silang lahat ay pare-parehong nagsimulang magdahilan. Sinabi ng una sa kanya, ‘Bumili ako ng isang bukid, at kailangan kong umalis at tingnan iyon. Hinihiling ko sa iyo na pagpaumanhinan mo ako.’
19 Sinabi ng isa pa, ‘Bumili ako ng limang magkatuwang na bakang lalaki, at paroroon ako upang sila'y subukin. Hinihiling ko sa iyo na pagpaumanhinan mo ako.’
20 Sinabi ng iba, ‘Ako'y nagpakasal kaya't hindi ako makakarating.’
21 At bumalik ang alipin, at iniulat ang mga bagay na ito sa kanyang panginoon. Sa galit ng may-ari ng bahay ay sinabi sa kanyang alipin, ‘Pumunta ka agad sa mga lansangan at sa makikipot na daan ng bayan, at dalhin mo rito ang mga dukha, ang mga pilay, ang mga bulag, at ang mga lumpo.’
22 At sinabi ng alipin, ‘Panginoon, nagawa na ang ipinag-utos mo, gayunman ay maluwag pa.’
23 At sinabi ng panginoon sa alipin, ‘Lumabas ka sa mga daan at sa mga bakuran, at pilitin mo silang pumasok upang mapuno ang aking bahay.’
24 Sapagkat sinasabi ko sa inyo, na alinman sa mga taong iyon na inanyayahan ay hindi makakatikim ng aking hapunan.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001