Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
139 O Panginoon, siniyasat mo ako at nakilala mo ako.
2 Iyong nalalaman kapag ako'y umuupo at kapag ako'y tumatayo;
nababatid mo ang aking pag-iisip mula sa malayo.
3 Iyong sinisiyasat ang aking landas at ang paghiga ko,
at ang lahat kong mga lakad ay nalalaman mo.
4 Bago pa man magkaroon ng salita sa dila ko,
O Panginoon, lahat ng iyon ay alam mo.
5 Iyong pinaligiran ako sa likuran at sa harapan,
at ipinatong mo sa akin ang iyong kamay.
6 Ang gayong kaalaman ay lubhang kahanga-hanga para sa akin;
ito ay matayog, hindi ko kayang abutin.
13 Sapagkat hinubog mo ang aking mga nasa loob na bahagi,
at sa bahay-bata ng aking ina ako'y iyong hinabi.
14 Ako'y magpapasalamat sa iyo sapagkat ang pagkagawa sa akin ay kakilakilabot at kamanghamangha.
Ang iyong mga gawa ay kahangahanga;
at iyon ay nalalamang mabuti ng aking kaluluwa.
15 Ang katawan ko'y hindi nakubli sa iyo,
nang ako'y lihim na ginagawa,
mahusay na binuo sa kalaliman ng lupa.
16 Nakita ng iyong mga mata ang aking wala pang anyong sangkap;
at sa iyong aklat bawat isa sa mga iyon ay nakasulat,
ang mga araw na sa akin ay itinakda,
nang wala pang anuman sa kanila.
17 Napakahalaga sa akin ng iyong mga pag-iisip, O Diyos!
Napakalawak ng kabuuan ng mga iyon!
18 Kung aking bibilangin, ang mga iyon ay marami pa kaysa buhangin.
Kapag ako'y nagigising, ako'y kasama mo pa rin.
Ang Pagbabalik mula sa Pagkabihag
14 “Kaya't ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na hindi na sasabihin pa, ‘Habang buháy ang Panginoon, na nag-ahon sa sambahayan ng Israel mula sa lupain ng Ehipto;’
15 kundi, ‘Habang buháy ang Panginoon, na nag-ahon sa sambayanan ng Israel mula sa hilagang lupain at mula sa lahat ng lupain na pinagtabuyan niya sa kanila!’ Sapagkat ibabalik ko sila sa kanilang sariling lupain na ibinigay ko sa kanilang mga ninuno.
16 “Narito, ipasusundo ko ang maraming mangingisda, at kanilang huhulihin sila, sabi ng Panginoon. At pagkatapos ay ipasusundo ko ang maraming mangangaso, at kanilang huhulihin sila sa bawat bundok at burol, at sa mga bitak ng malalaking bato.
17 Sapagkat ang aking mga mata ay nasa lahat ng kanilang lakad, sila'y hindi nakukubli sa akin o nalilingid man ang kanilang kasamaan sa harap ng aking mga mata.
18 At akin munang dalawang ulit na gagantihan ang kanilang kasamaan at ang kanilang kasalanan, sapagkat kanilang dinumihan ang aking lupain ng mga bangkay ng kanilang karumaldumal na mga diyus-diyosan, at kanilang pinuno ang aking mana ng kanilang mga kasuklamsuklam.”
19 O Panginoon, aking kalakasan at aking tanggulan,
at aking kanlungan sa araw ng kaguluhan,
sa iyo pupunta ang mga bansa
mula sa mga hangganan ng daigdig, at magsasabi,
“Ang aming mga ninuno ay walang minana kundi mga kasinungalingan,
mga walang kabuluhang bagay na hindi mapapakinabangan.
20 Makakagawa ba ang tao para sa kanyang sarili ng mga diyos?
Ang mga iyon ay hindi mga diyos!”
21 “Kaya't ipapaalam ko sa kanila, minsan pa ay ipapaalam ko sa kanila ang aking lakas at ang aking kapangyarihan; at malalaman nila na ang aking pangalan ay Panginoon.”
Ang Kasalanan at Parusa para sa Juda
17 “Ang kasalanan ng Juda ay isinulat ng panulat na bakal. Sa pamamagitan ng pang-ukit na diamante, iniukit ito sa kanilang puso at sa mga sungay ng kanilang mga dambana;
2 habang naaalala ng kanilang mga anak ang kanilang mga dambana at mga Ashera sa tabi ng bawat luntiang punungkahoy, at sa mga mataas na burol,
3 sa mga bundok sa kaparangan. Ang lahat mong kayamanan at ari-arian ay aking ibibigay na samsam bilang halaga ng iyong kasalanan sa iyong buong nasasakupan.
4 Ibibitaw mo ang iyong kamay sa iyong mana na ibinigay ko sa iyo; at papaglilingkurin kita sa iyong mga kaaway sa lupain na hindi mo nakikilala; sapagkat sa aking galit ay nagningas ang apoy na magliliyab magpakailanman.”
Mga Pagbati at Basbas
7 Ang(A) lahat na mga bagay tungkol sa akin ay ipababatid sa inyo ni Tiquico, na minamahal na kapatid at tapat na ministro, at kapwa alipin sa Panginoon.
8 Siya(B) ang aking sinugo sa inyo ukol sa bagay na ito, upang malaman ninyo ang aming kalagayan, at upang kanyang pasiglahin ang inyong mga puso;
9 kasama(C) niya si Onesimo, tapat at minamahal na kapatid, na siya'y isa sa inyo. Sila ang magbabalita sa inyo tungkol sa lahat ng mga bagay na nangyayari dito.
10 Binabati(D) kayo ni Aristarco na kasama kong bilanggo, at ni Marcos na pinsan ni Bernabe—tungkol sa kanya'y tumanggap kayo ng mga utos—kung magpupunta siya sa inyo, siya ay inyong tanggapin,
11 at si Jesus na tinatawag na Justo. Ang mga ito lamang sa aking mga kamanggagawa sa kaharian ng Diyos ang kabilang sa pagtutuli at sila'y naging kaaliwan ko.
12 Binabati(E) kayo ni Epafras, na isa sa inyo, na alipin ni Cristo Jesus, na siyang laging nagsisikap para sa inyo sa kanyang pananalangin, upang kayo'y tumayong sakdal at lubos na nakakatiyak sa lahat ng kalooban ng Diyos.
13 Sapagkat nagpapatotoo ako para sa kanya na siya'y labis na nagpagal para sa inyo, at sa mga nasa Laodicea, at sa mga nasa Hierapolis.
14 Binabati(F) kayo ni Lucas, ang minamahal na manggagamot, at ni Demas.
15 Batiin ninyo ang mga kapatid na nasa Laodicea, at si Nimfa, at ang iglesyang nasa kanyang bahay.
16 At kapag nabasa na ang sulat na ito sa inyo, ay ipabasa rin ninyo sa iglesya ng mga taga-Laodicea; at basahin naman ninyo ang sulat na mula sa Laodicea.
17 At(G) sabihin ninyo kay Arquipo, “Sikapin mong gampanan ang ministeryo na tinanggap mo sa Panginoon.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001