Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Papuri sa Jerusalem
122 Ako ay nagalak ng sabihin nila sa akin,
“Pumunta tayo sa templo ng Panginoon.”
2 At ngayoʼy narito na kami at nakatayo sa pintuan ng Jerusalem.
3 Ang Jerusalem ay bayan na itinayong maganda at matibay.
4 Dito pumupunta ang mga lahi ng Israel upang purihin ang Panginoon ng naaayon sa kanyang itinuro sa kanila.
5 Dito sa Jerusalem ang hukuman ng mga hari na mula sa angkan ni David.
6 Idalangin ninyo na maging mabuti ang kalagayan ng Jerusalem sa pamamagitan ng pagsasabi,
“Umunlad sana ang nagmamahal sa bayan na ito.
7 Magkaroon sana ng kapayapaan sa loob ng Jerusalem at kaunlaran sa palasyo nito.”
8 Alang-alang sa aking mga kamag-anak at mga kaibigan, sasabihin ko sa Jerusalem,
“Sumainyo ang kapayapaan.”
9 Alang-alang sa templo ng Panginoon na ating Dios, mananalangin ako para sa kabutihan at kaunlaran ng Jerusalem.
Nadaig ng mga Judio ang mga Kalaban Nila
9 Dumating ang ika-13 araw ng ika-12 buwan ng Adar. Ito ang araw na ipapatupad ang kautusan ng hari. Sa araw na ito, inakala ng mga kalaban ng mga Judio na lubusan na nilang malilipol ang mga Judio. Pero kabaligtaran ang nangyari, dahil sila ang nalipol ng mga Judio. 2 Nang araw na iyon, nagtipon ang mga Judio sa kani-kanilang mga lungsod at probinsya na sakop ni Haring Ahasuerus para patayin ang sinumang mangahas na sumalakay sa kanila. Pero wala namang nangahas dahil takot sa kanila ang mga tao. 3 Tinulungan pa sila ng mga pinuno ng mga probinsya, ng mga gobernador, at ng iba pang lingkod ng hari sa bawat lugar dahil natatakot din sila kay Mordecai. 4 Sapagkat makapangyarihan na si Mordecai sa palasyo ng hari at tanyag na sa buong kaharian. At lalo pang nadadagdagan ang kanyang kapangyarihan.
5 Pinatay ng mga Judio ang lahat ng kalaban nila nang araw na iyon sa pamamagitan ng espada. Ginawa nila ang gusto nila sa lahat ng nagagalit sa kanila.
18 Pero sa Susa, patuloy pa ang pagpatay ng mga Judio sa kanilang mga kalaban. At nang ika-15 araw ng buwan ng Adar, nagpahinga sila at nagdiwang ng pista. 19 Ito ang dahilan kung bakit ang mga Judiong nasa probinsya ay nagdiriwang ng pista sa ika-14 na araw ng buwan ng Adar. Sa araw na iyon, nagbibigayan sila ng mga regalo.[a]
Ang Pista ng “Purim”
20 Isinulat ni Mordecai ang lahat ng nangyari, at nagpadala siya ng sulat sa lahat ng Judio sa malalayo at sa malalapit na probinsyang nasasakupan ni Haring Ahasuerus. 21 Sa sulat na ito, sinabi ni Mordecai sa mga Judio na dapat alalahanin nila at ipagdiwang ang ika-14 at ika-15 araw ng buwan ng Adar. 22 Itoʼy para alalahanin ang araw na nakaligtas sila sa mga kalaban, na ang kalungkutan nila ay naging kaligayahan at ang kanilang iyakan ay naging kasayahan. Kaya sinabi sa kanila ni Mordecai sa sulat na dapat magdiwang sila ng pista, magsaya sa araw na iyon, at magbigayan ng mga regalo[b] sa isaʼt isa at sa mahihirap. 23 Sinunod ng mga Judio ang utos ni Mordecai, na patuloy nilang ipagdiwang ang pistang iyon sa bawat taon.
Ang Dapat Katakutan(A)
4 “Sinasabi ko sa inyo, mga kaibigan, huwag kayong matakot sa mga gustong pumatay sa inyo. Ang kaya lang nilang patayin ay ang katawan ninyo, at pagkatapos ay wala na silang magagawa pa. 5 Sasabihin ko sa inyo kung sino ang dapat ninyong katakutan: katakutan ninyo ang Dios, dahil pagkatapos niyang patayin ang katawan nʼyo ay may kapangyarihan pa siyang itapon kayo sa impyerno. Oo, sinasabi ko sa inyo, siya ang dapat ninyong katakutan. 6 Hindi baʼt napakamura ng halaga ng maya? Ngunit kahit isa sa kanila ay hindi nakakalimutan ng Dios. 7 Higit kayong mahalaga kaysa sa maraming maya. Kahit ang bilang ng buhok nʼyo ay alam niya. Kaya huwag kayong matakot.”
Ang Pagkilala kay Cristo(B)
8 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Tandaan ninyo: ang sinumang kumikilala sa akin na ako ang Panginoon niya sa harap ng mga tao, ako na Anak ng Tao, ay kikilalanin din siya sa harap ng mga anghel ng Dios. 9 Ngunit ang hindi kumikilala sa akin sa harap ng mga tao ay hindi ko rin kikilalanin sa harap ng mga anghel ng Dios. 10 Ang sinumang magsalita ng masama laban sa akin na Anak ng Tao ay mapapatawad, ngunit ang magsalita ng masama laban sa Banal na Espiritu ay hindi mapapatawad.
11 “Kung dahil sa pananampalataya ninyo ay dadalhin kayo sa mga sambahan ng mga Judio o sa mga tagapamahala ng bayan upang imbestigahan, huwag kayong mag-alala kung paano kayo mangangatwiran o kung ano ang sasabihin ninyo. 12 Sapagkat ituturo sa inyo ng Banal na Espiritu sa oras ding iyon kung ano ang dapat ninyong sabihin.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®