Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 53

Ang Kasamaan ng Tao

(Salmo 14)

53 “Walang Dios!”
    Iyan ang sinasabi ng mga hangal sa kanilang sarili.
    Masasama sila at kasuklam-suklam ang kanilang mga gawa.
    Ni isa ay walang gumagawa ng mabuti.
Mula sa langit, tinitingnan ng Dios ang lahat ng tao,
    kung may nakakaunawa ng katotohanan at naghahanap sa kanya.
Ngunit ang lahat ay naligaw ng landas at pare-parehong nabulok ang pagkatao.
    Wala kahit isa man ang gumagawa ng mabuti.

Kailan kaya matututo ang masasamang tao?
    Sinasamantala nila ang aking mga kababayan para sa kanilang pansariling kapakanan.
    At hindi sila nananalangin sa Dios.
Ngunit darating ang araw na manginginig sila sa takot,
    sa takot na kahit kailan ay hindi pa nila nararanasan,
    samantalang ikakalat naman ng Dios ang mga buto ng mga sumasalakay sa inyo.
    Mailalagay sila sa kahihiyan,
    dahil itinakwil sila ng Panginoon.
Dumating na sana ang Tagapagligtas ng Israel mula sa Zion!
    Magsasaya ang mga Israelita, ang mga mamamayan ng Dios,
    kapag naibalik na niya ang kanilang kasaganaan.

Leviticus 25:1-19

Ang Taon ng Pamamahinga ng Lupa

25 Noong si Moises ay nasa bundok ng Sinai, inutusan siya ng Panginoon na sabihin ito sa mga Israelita:

Kapag naroon na kayo sa lupaing ibibigay ko sa inyo, huwag ninyong tataniman ang inyong mga bukid tuwing ikapitong taon para akoʼy inyong maparangalan. 3-4 Sa loob ng anim na taon ay makakapagtanim kayo at makakapag-ani, pero sa ikapitong taon ay dapat ninyong pagpahingahin ang lupa. Huwag ninyong tataniman ang inyong mga bukid at puputulan ng mga sanga ang inyong mga ubas. At huwag din ninyong aanihin ang mga butil o pipitasin ang mga bunga ng mga tanim na kusang tumubo. Pero maaari kayong kumuha nito para may makain kayo, ang inyong mga alipin mga manggagawa, mga dayuhang naninirahang kasama ninyo, mga alaga nʼyong hayop, at mga hayop sa gubat na nasa inyong lupain.

Ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli

8-9 Tuwing ika-49 na taon,[a] sa ikasampung araw ng ikapitong buwan, ang Araw ng Pagtubos, patunugin ninyo ang mga trumpeta sa buong lupain. 10 Ang ika-50 taon ay ituring ninyong natatanging taon dahil iyon ay panahon ng pagpapalaya ng mga alipin para silaʼy makabalik na sa sarili nilang sambahayan. Panahon din ito ng pagsasauli sa may-ari ng mga lupain na ipinagbili niya. 11-12 Sa taong ito, na Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli, huwag kayong magtatanim sa inyong mga bukirin at huwag din kayong mag-aani o mamimitas ng mga bunga ng mga tanim na kusang tumubo, pero pwede kayong kumuha para may makain kayo. Itoʼy banal na taon para sa inyo.

13 Sa taong ito, lahat ng mga ari-ariang ipinagbili sa inyo ay ibalik ninyo sa may-ari. 14 Kaya kung kayoʼy magbebenta o bibili ng lupain sa inyong kapwa Israelita, huwag kayong magdadayaan. 15 Ang halaga ng lupa ay ibabatay ayon sa dami ng taon ng pamumunga nito bago dumating ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. 16 Kung mahaba pa ang mga taon bago dumating ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli, taasan ninyo ang halaga ng lupa, pero kung maigsi na lang, babaan ninyo. Sapagkat ang binibili ninyo ay hindi ang lupang iyon kundi ang dami ng magiging ani nito. 17 Huwag kayong magdadayaan, sa halip ay matakot kayo sa akin, dahil ako ang Panginoon na inyong Dios. 18-19 Sundin ninyo ang mga tuntunin at utos ko para kayoʼy mamuhay ng mapayapa sa lupaing inyong titirhan at hindi kayo mawawalan ng pagkain dahil sa masaganang ani ng lupain.

Pahayag 19:9-10

At sinabi sa akin ng anghel, “Isulat mo ito: Mapalad ang mga inimbitahan sa handaan sa kasal ng Tupa.” At sinabi pa niya, “Totoo ang mga sinasabing ito ng Dios.” 10 Lumuhod ako sa paanan niya upang sumamba sa kanya. Pero sinabi niya sa akin, “Huwag! Huwag mo akong sambahin. Sapagkat alipin din ako ng Dios, tulad mo at ng mga kapatid mong nagpapahayag ng katotohanang itinuro ni Jesus.[a] Ang Dios ang sambahin mo!” (Sapagkat ang mga katotohanang itinuro ni Jesus ay siyang buod ng mga sinabi at isinulat ng mga propeta.)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®