Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 126

Dalangin para Iligtas

126 Nang muling ibinalik ng Panginoon sa Zion ang mga nabihag,[a] parang itoʼy panaginip lang.
Kami ay nagtawanan at nag-awitan dahil sa kagalakan.
    At sinabi ng mga bansang hindi kumikilala sa Panginoon,
    “Gumawa ng dakilang bagay ang Panginoon sa kanila.”
Totoong ginawan tayo ng dakilang bagay ng Panginoon,
    at punong-puno tayo ng kagalakan.

Panginoon, muli nʼyo kaming paunlarin,
    tulad ng tuyong batis na muling nagkaroon ng tubig.
Silang nagtatanim na lumuluha ay mag-aaning tuwang-tuwa.
Ang umalis na lumuluha, na may dalang binhi na itatanim ay babalik na masaya, na may dala-dalang mga ani.

Exodus 12:21-27

21 Pagkatapos, ipinatawag ni Moises ang lahat ng tagapamahala ng Israel at sinabi, “Sabihin ninyo sa lahat ng pamilya ninyo na kumuha sila ng tupa o kambing at katayin nila para ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel. 22 Patuluin ninyo ang dugo nito sa mangkok. Pagkatapos, kumuha kayo ng mga sanga ng isopo at isawsaw ito sa dugo, at ipahid sa ibabaw at gilid ng hamba ng pintuan ninyo. At walang lalabas sa mga bahay ninyo hanggang umaga. 23 Dahil dadaan ang Panginoon sa Egipto para patayin ang mga panganay na lalaki ng mga Egipcio. Pero kapag nakita ng Panginoon ang dugo sa ibabaw at sa gilid ng hamba ng mga pintuan ninyo, lalampasan lang niya ang mga bahay ninyo at hindi niya papayagan ang Mamumuksa na pumasok sa mga bahay ninyo at patayin ang inyong mga panganay na lalaki.

24 “Ang tuntuning itoʼy dapat ninyong sundin at ng inyong mga salinlahi magpakailanman. 25 Ipagpatuloy pa rin ninyo ang seremonyang ito kapag nakapasok na kayo sa lupaing ipinangako ng Panginoon na ibibigay sa inyo. 26 Kapag nagtanong ang mga anak ninyo kung ano ang ibig sabihin ng seremonyang ito, 27 ito ang isasagot ninyo: Pista ito ng Paglampas ng Anghel bilang pagpaparangal sa Panginoon, dahil nilampasan lang niya ang mga bahay ng mga Israelita sa Egipto nang patayin niya ang mga Egipcio.”

Pagkatapos magsalita ni Moises, yumukod ang mga Israelita at sumamba sa Panginoon.

Juan 11:45-57

Ang Plano ng mga Pinuno Laban kay Jesus(A)

45 Marami sa mga Judiong dumalaw kina Maria ang sumampalataya nang makita nila ang ginawa ni Jesus. 46 Pero ang iba sa kanila ay pumunta sa mga Pariseo at ibinalita ang ginawa ni Jesus. 47 Kaya ipinatawag ng mga namamahalang pari at ng mga Pariseo ang lahat ng miyembro ng Korte ng mga Judio. At nang nagkatipon na sila, sinabi nila, “Ano ang gagawin natin? Maraming himala ang ginagawa ng taong ito. 48 Kapag pinabayaan natin siya, maniniwala ang lahat ng tao sa kanya na siya ang hari ng Israel. Kapag nangyari iyan, lulusubin tayo ng mga hukbong Romano at wawasakin nila ang templo at ang ating bansa.”[a] 49 Pero isa sa kanila, si Caifas na punong pari nang taon na iyon, ang nagsabi, “Talagang wala kayong alam. 50 Hindi nʼyo ba naisip na mas mabuting mamatay ang isang tao para sa sambayanan kaysa sa mapahamak ang buong bansa?” 51 Ang sinabing ito ni Caifas ay hindi nanggaling sa sarili lang niya. Bilang punong pari ng taon na iyon, nagpahayag ang Dios sa pamamagitan niya na mamamatay si Jesus para sa buong bansa. 52 At hindi lang para sa bansa nila, kundi para sa lahat ng mga anak ng Dios na nagsipangalat sa buong mundo, upang tipunin sila at pag-isahin. 53 Mula noon, binalak na nilang ipapatay si Jesus. 54 Kaya hindi na lantarang nagpakita si Jesus sa mga Judio. Sa halip ay pumunta siya sa lugar na malapit sa ilang, sa isang bayan na kung tawagin ay Efraim. At nanatili siya roon kasama ang mga tagasunod niya.

55 Nang malapit na ang pista ng mga Judio na tinatawag na Pista ng Paglampas ng Anghel, maraming tao mula sa ibaʼt ibang bayan ng Israel ang pumunta sa Jerusalem upang isagawa ang ritwal na paglilinis bago magpista. 56 Hinanap nila nang hinanap si Jesus, at nagtatanungan sila roon sa templo, “Ano sa palagay ninyo? Paparito kaya siya sa pista?” 57 Nang mga panahong iyon, ipinag-utos ng mga namamahalang pari at ng mga Pariseo na ipagbigay-alam ng sinumang nakakaalam kung nasaan si Jesus upang madakip nila.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®