Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Exodus 12:1-4

Ang Paglampas ng Anghel

12 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron doon sa Egipto, “Mula ngayon, ang buwan na ito ang magiging unang buwan ng taon para sa inyo. Ipaalam ninyo sa buong kapulungan ng Israel na sa ikasampung araw ng buwan na ito, maghahanda ang bawat pamilya ng isang tupa o kambing. Kung maliit lang ang isang pamilya at hindi makakaubos ng isang tupa, maghati sila ng kapitbahay niya. Hatiin nila ito ayon sa dami nila at ayon sa makakain ng bawat tao.

Exodus 12:5-10

Kailangang piliin ninyo ang lalaking kambing o tupa na isang taon pa lang at walang kapintasan. Alagaan ninyo ito hanggang sa dapit-hapon nang ika-14 na araw ng buwan. Ito ang panahon na kakatayin ng buong kapulungan ng Israel ang mga hayop. Pagkatapos, kunin ninyo ang dugo nito at ipahid sa ibabaw at sa gilid ng hamba ng mga pintuan ng mga bahay na kakainan ninyo ng mga tupa. Sa gabing iyon, ang kakainin ninyoʼy ang nilitsong tupa, mapapait na gulay at tinapay na walang pampaalsa. Huwag ninyong kakainin nang hilaw o nilaga ang karne kundi litsunin ninyo ito nang buo kasama ang ulo, paa at mga lamang-loob. 10 Ubusin ninyo ito, at kung may matira kinaumagahan, sunugin ninyo.

Exodus 12:11-14

11 Habang kumakain kayo, handa na dapat kayo sa pag-alis. Isuot ninyo ang inyong mga sandalyas at hawakan ang inyong mga baston, at magmadali kayong kumain. Ito ang Pista ng Paglampas ng Anghel na ipagdiriwang ninyo bilang pagpaparangal sa akin.

12 “Sa gabing iyon, dadaan ako sa Egipto at papatayin ko ang lahat ng panganay na lalaki ng mga Egipcio pati na ang panganay ng kanilang mga hayop. Parurusahan ko ang lahat ng dios ng Egipto. Ako ang Panginoon. 13 Ang dugong ipinahid ninyo sa hamba ng pintuan ninyo ang magiging tanda na nakatira kayo roon. Kapag nakita ko ang dugo, lalampasan ko ang bahay ninyo, at walang salot na sasapit sa inyo kapag pinarusahan ko ang Egipto.

14 “Dapat ninyong tandaan ang araw na ito magpakailanman. Ipagdiwang ninyo ito taun-taon bilang pista ng pagpaparangal sa akin. Ang tuntuning itoʼy dapat ninyong sundin hanggang sa mga susunod pang henerasyon.

Salmo 116:1-2

Ang Dios ang Nagliligtas ng Tao sa Kamatayan

116 Mahal ko ang Panginoon,
    dahil dinidinig niya ang paghingi ko ng tulong sa kanya.
Dahil pinakikinggan niya ako,
    patuloy akong tatawag sa kanya habang akoʼy nabubuhay.

Salmo 116:12-19

12 Ano kaya ang maigaganti ko sa Panginoon sa lahat ng kabutihan niya sa akin?
13 Sasambahin ko ang Panginoon, at maghahandog ako sa kanya ng pasasalamat sa kanyang pagliligtas sa akin.
14 Tutuparin ko ang aking mga pangako sa Panginoon sa harap ng kanyang mga mamamayan.

15 Nasasaktan ang Panginoon kung mamatay ang kanyang mga tapat na mga mamamayan.[a]

16 Panginoon, ako nga ay inyong lingkod.[b]
    Iniligtas nʼyo ako sa pagkabihag.
17 Sasamba ako sa inyo
    at mag-aalay ng handog bilang pasasalamat.
18 Tutuparin ko ang aking mga pangako sa inyo sa harap ng inyong mga mamamayan,
19 doon sa inyong templo sa Jerusalem.

    Purihin ang Panginoon!

1 Corinto 11:23-26

23 Ito ang turo na ibinigay sa akin ng Panginoon, at itinuturo ko naman sa inyo: Noong gabing traydurin ang Panginoong Jesus, kumuha siya ng tinapay, 24 at pagkatapos niyang magpasalamat sa Dios, hinati-hati niya ito at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.” 25 Pagkatapos nilang kumain, ganoon din ang ginawa niya sa inumin.[a] Kinuha niya ito at sinabi, “Ang inuming ito ang bagong kasunduan na pinagtibay ng aking dugo. Tuwing iinumin ninyo ito, gawin ninyo bilang pag-alaala sa akin.” 26 Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom ng inuming ito, ipinapahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa kanyang pagbabalik.

Juan 13:1-17

Hinugasan ni Jesus ang Paa ng mga Tagasunod Niya

13 Bago sumapit ang Pista ng Paglampas ng Anghel, alam ni Jesus na dumating na ang panahon ng pag-alis niya sa mundong ito upang bumalik sa Ama. Mahal na mahal niya ang kanyang mga tagasunod dito sa mundo, at ipinakita niya ang kanyang pagmamahal sa kanila hanggang sa katapusan.

Nang gabing iyon, naghapunan si Jesus kasama ang mga tagasunod niya. Inudyukan na ni Satanas si Judas Iscariote na anak ni Simon na traydurin si Jesus. Alam ni Jesus na ang lahat ng kapangyarihan ay ibinigay sa kanya ng Ama. At alam din niyang galing siya sa Dios at babalik din sa Dios. Tumayo si Jesus habang naghahapunan sila. Hinubad niya ang kanyang damit-panlabas at nagbigkis ng tuwalya sa baywang niya. Pagkatapos, nagbuhos siya ng tubig sa isang planggana, at sinimulang hugasan ang paa ng mga tagasunod niya at pinunasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanya. Paglapit niya kay Simon Pedro, sinabi nito, “Panginoon, huhugasan nʼyo po ba ang mga paa ko?” Sumagot si Jesus, “Hindi mo naiintindihan ang ginagawa ko ngayon, pero maiintindihan mo rin sa bandang huli.” Sinabi ni Pedro sa kanya, “Hindi pwedeng kayo ang maghugas ng mga paa ko.” Sumagot si Jesus, “Kung ayaw mong hugasan ko ang paa mo, wala kang kaugnayan sa akin.” Kaya sinabi ni Simon Pedro, “Kung ganoon Panginoon, hindi lang po ang mga paa ko ang hugasan nʼyo kundi pati na rin ang mga kamay at ulo ko!” 10 Pero sinabi ni Jesus sa kanya, “Ang naligo na ay malinis na ang buong katawan, kaya hindi na siya kailangang hugasan pa, maliban sa mga paa niya. Malinis na nga kayo, pero hindi kayong lahat.” 11 (Sinabi ni Jesus na hindi lahat sila ay malinis dahil alam niya kung sino ang magtatraydor sa kanya.)

12 Nang mahugasan na ni Jesus ang mga paa nila, muli niyang isinuot ang kanyang damit-panlabas at bumalik sa hapag-kainan. Pagkatapos, tinanong niya sila, “Naintindihan nʼyo ba ang ginawa ko sa inyo? 13 Tinatawag nʼyo akong ‘Guro’ at ‘Panginoon’, at tama kayo dahil iyan nga ang totoo. 14 Kung ako na Guro at Panginoon ninyo ay hinugasan ang inyong mga paa, dapat ay ganoon din ang gawin ninyo sa isaʼt isa. 15 Ginawa ko ito bilang halimbawa na dapat ninyong tularan. Kaya gawin din ninyo ang ginawa ko sa inyo. 16 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, walang alipin na mas higit sa kanyang amo; at wala ring isinugo na mas higit sa nagsugo sa kanya. 17 Ngayong alam nʼyo na ang mga bagay na ito, mapalad kayo kung gagawin nʼyo ang mga ito.

Juan 13:31-35

Ang Bagong Utos

31 Nang makaalis na si Judas, sinabi ni Jesus, “Ako na Anak ng Tao ay pararangalan na, at sa pamamagitan koʼy pararangalan din ang Dios. 32 At kung sa pamamagitan koʼy pararangalan ang Dios, ihahayag din ng Dios ang aking karangalan, at gagawin niya ito kaagad. 33 Mga anak, sandali na lang ninyo akong makakasama. Hahanapin ninyo ako, pero gaya ng sinabi ko sa mga pinuno ng mga Judio, hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko. 34 Kaya isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo: Magmahalan kayo. Kung paano ko kayo minamahal, ganoon din dapat ang pagmamahal nʼyo sa isaʼt isa. 35 Kung nagmamahalan kayo, malalaman ng lahat ng tao na mga tagasunod ko kayo.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®