Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Job 14:1-14

14 “Ang buhay ng tao ay maikli lamang at puno ng kahirapan. Ang katulad nito ay isang bulaklak, namumukadkad pero agad nalalanta. Katulad din ito ng aninong biglang nawawala. Kaya Panginoon, bakit kailangan nʼyo pang bantayan nang ganito ang tao? Gusto nʼyo pa ba siyang[a] hatulan sa inyong hukuman? May tao bang nabubuhay na lubusang matuwid? Wala! Sapagkat ang lahat ay ipinanganak na makasalanan. Sa simula paʼy itinakda nʼyo na kung gaano kahaba ang itatagal ng buhay ng isang tao. At hindi siya lalampas sa itinakda nʼyong oras sa kanya. Kaya hayaan nʼyo na lamang siya para makapagpahinga naman siya katulad ng isang manggagawa pagkatapos magtrabaho.

“Kapag pinutol ang isang puno, may pag-asa pa itong mabuhay at tumubong muli. Kahit na matanda na ang ugat nito at patay na ang tuod, tutubo itong muli na parang bagong tanim kapag nadiligan. 10 Pero kapag ang taoʼy namatay, mawawala na ang lakas niya. Pagkalagot ng hininga niya, iyon na ang wakas niya. 11 Kung papaanong bumababa ang tubig sa dagat at natutuyo ang mga ilog, 12 gayon din naman, ang taoʼy namamatay at hindi na makakabangon pa o magigising sa kanyang pagkakatulog hanggang sa maglaho ang langit.

13 Panginoon, itago nʼyo na lamang po sana ako sa lugar ng mga patay hanggang sa mawala ang galit nʼyo sa akin, at saka nʼyo ako alalahanin sa inyong itinakdang panahon. 14 Kung mamatay ang tao, mabubuhay pa kaya ito? Kung ganoon, titiisin ko ang lahat ng paghihirap na ito hanggang sa dumating ang oras na matapos ito.

Panaghoy 3:1-9

Isa ako sa mga nakaranas ng parusa ng Panginoon dahil sa kanyang galit. Pinalayas niya ako at pinalakad sa dilim sa halip na sa liwanag. Paulit-ulit niya akong pinarusahan araw at gabi. Pinahina ang aking katawan at binali ang aking mga buto. Sinalakay niya ako at ibinilanggo sa paghihirap at pagdurusa. Inilagay sa kadiliman na parang isang tao na matagal nang patay. Kinadena niya ako at ikinulong upang hindi makatakas. Kahit na humingi ako ng tulong, hindi niya ako pinakinggan. Hinarangan niya ng pader ang aking landas, at pinaliku-liko ang aking dadaanan.

Panaghoy 3:19-24

19 Napakasakit isipin ang mga paghihirap at pagdurusa ko. 20 At kung palagi ko itong iisipin, manghihina ako. 21 Pero nanunumbalik ang pag-asa ko kapag naaalala ko na 22 ang pag-ibig at awa ng Panginoon ay walang katapusan. Iyan ang dahilan kung bakit hindi tayo lubusang nalipol. 23 Araw-araw ay ipinapakita niya ang kanyang habag. Dakila ang katapatan ng Panginoon! 24 Kaya sinabi ko sa aking sarili, “Ang Panginoon ang lahat para sa akin, kaya sa kanya ako nagtitiwala.”

Salmo 31:1-4

Dalangin ng Pagtitiwala

31 Panginoon, sa inyo ako humihingi ng kalinga.
    Huwag nʼyong hayaang mapahiya ako.
    Iligtas nʼyo ako dahil matuwid kayo.
Pakinggan nʼyo ako at agad na iligtas.
    Kayo ang aking batong kanlungan,
    at pader na tanggulan para sa aking kaligtasan.
Dahil kayo ang bato na matibay na kong kanlungan,
    pangunahan nʼyo ako at patnubayan nang kayo ay aking maparangalan.
Ilayo nʼyo ako sa bitag ng aking mga kaaway,
    dahil kayo ang aking matibay na tanggulan.

Salmo 31:15-16

15 Ang aking kinabukasan ay nasa inyong mga kamay.
    Iligtas nʼyo po ako sa aking mga kaaway na umuusig sa akin.
16 Ipadama nʼyo ang inyong kabutihan sa akin na inyong lingkod.
    Sa inyong pagmamahal, iligtas nʼyo ako.

1 Pedro 4:1-8

Ang Bagong Buhay

Dahil naghirap si Cristo sa katawang-tao niya, dapat ay handa rin kayong maghirap. Sapagkat hindi na gumagawa ng kasalanan ang taong nagtitiis ng hirap. Hindi na siya sumusunod sa masasama niyang ugali kundi sumusunod na siya sa kalooban ng Dios. Kaya huwag na ninyong gawin ang mga ginagawa nʼyo noon, ang mga bagay na gustong gawin ng mga taong hindi kumikilala sa Dios. Puno ng kahalayan ang buhay nʼyo noon at sinunod nʼyo ang nasa ng inyong laman. Palagi kayong nagtitipon-tipon para mag-inuman at gumagawa ng mga bagay na kahiya-hiya. At sa pagsamba ninyo sa inyong mga dios-diosan, kung anu-ano pang masasamang bagay ang ginagawa ninyo. Pero nagtataka ngayon sa inyo ang mga taong hindi kumikilala sa Dios kung bakit hindi na kayo nakikisama sa magulo at maluho nilang pamumuhay. Kaya nagsasalita sila ng masama sa inyo. Ngunit mananagot sila sa Dios sa ginagawa nila, dahil hahatulan ng Dios ang lahat ng tao, buhay man o patay. Ito ang dahilan kung bakit ipinangaral ang Magandang Balita sa mga taong patay na. Nang sa ganoon, kahit patay na sila sa laman, at mahatulan tulad ng lahat ng tao, mabubuhay pa rin sila sa espiritu gaya ng Dios.

Gamitin Ninyo ang Kaloob na Ibinigay ng Dios

Malapit na ang katapusan ng mundo. Kaya pigilan ninyo ang sarili nʼyo para hindi kayo makagawa ng masama at nang walang maging hadlang sa mga panalangin ninyo. Higit sa lahat, magmahalan kayo nang tapat. Sapagkat kung mahal mo ang kapwa mo, mapapatawad mo siya kahit gaano pa karami ang nagawa niyang kasalanan.

Mateo 27:57-66

Ang Paglilibing kay Jesus(A)

57 Nang magtakip-silim, isang mayamang lalaki na taga-Arimatea ang dumating. Siya ay si Jose na isa ring tagasunod ni Jesus. 58 Pumunta siya kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. At iniutos naman ni Pilato na ibigay ito sa kanya. 59 Kaya kinuha ni Jose ang bangkay at binalot ng malinis na telang linen. 60 Inilagay niya ito sa bagong libingang hinukay sa gilid ng burol, na ipinagawa niya para sana sa sarili. Pagkatapos, pinagulong niya ang isang malaking bato upang takpan ang pintuan ng libingan, at saka siya umalis. 61 Si Maria na taga-Magdala at ang isa pang Maria ay naroong nakaupo sa harap ng libingan.

Naglagay ng mga Guwardya sa Libingan

62 Kinabukasan, Araw ng Pamamahinga, pumunta ang mga namamahalang pari at ang mga Pariseo kay Pilato. 63 Sinabi nila, “Natatandaan po namin na noong buhay pa ang mapagpanggap na iyon, sinabi niya na mabubuhay daw siyang muli pagkatapos ng tatlong araw. 64 Kaya mabuti sigurong pabantayan po ninyo ang kanyang libingan sa mga susunod na araw, dahil baka nakawin ng mga tagasunod niya ang kanyang bangkay at ipamalitang nabuhay siya. Kapag nangyari ito, mas magiging masahol pa ang pandarayang ito kaysa sa noong una.” 65 Sumagot si Pilato sa kanila, “May mga guwardya kayo. Kayo na ang magpabantay ayon sa nalalaman ninyo.” 66 Kaya pumunta sila sa libingan, at tinatakan nila ang bato na nakatakip sa libingan upang malaman nila kung may nagbukas, at nag-iwan sila roon ng ilang mga bantay.

Juan 19:38-42

Ang Paglilibing kay Jesus(A)

38 Pagkatapos nito, hiningi ni Jose na taga-Arimatea ang bangkay ni Jesus kay Pilato. (Si Jose ay isang tagasunod ni Jesus, ngunit palihim lang dahil natatakot siya sa mga pinuno ng mga Judio.) Pinayagan siya ni Pilato, kaya pinuntahan niya ang bangkay ni Jesus para kunin ito. 39 Sinamahan siya ni Nicodemus, ang lalaking bumisita noon kay Jesus isang gabi. Nagdala si Nicodemus ng mga 35 kilo ng pabango na gawa sa pinaghalong mira at aloe. 40 Kinuha nila ang bangkay ni Jesus at nilagyan ng dala nilang pabango habang ibinabalot ng telang linen, ayon sa nakaugalian ng mga Judio sa paglilibing. 41 Sa lugar kung saan ipinako si Jesus ay may halamanan. At doon ay may isang bagong libingan na hinukay sa gilid ng burol, na hindi pa napapaglibingan. 42 Dahil bisperas na noon ng pista, at dahil malapit lang ang libingang iyon, doon na nila inilibing si Jesus.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®