Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Isaias 52:13-53:12

Ang Nagdurusang Lingkod ng Panginoon

13 Sinabi ng Panginoon, “Ang aking lingkod ay magtatagumpay. Magiging tanyag siya at pararangalan. 14 Marami ang magugulat sa kanya, dahil halos mawasak na ang kanyang mukha at parang hindi na mukha ng tao. 15 Pati ang mga bansa ay mamamangha sa kanya. Ang mga hari ay hindi makakapagsalita dahil sa kanya, dahil makikita nila ang mga bagay na hindi pa nasasabi sa kanila. At mauunawaan nila ang mga bagay na hindi pa nila naririnig.”

53 Sinong naniwala sa aming ibinalita? At kanino inihayag ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan? Kalooban ng Panginoon na lumago ang kanyang lingkod, gaya ng tanim na lumalago at nag-uugat sa tuyong lupa. Wala siyang kagandahan o katangiang makakaakit sa atin para siyaʼy lapitan. Hinamak siya at itinakwil ng mga tao. Dumanas siya ng mga sakit at hirap. Tinalikuran natin siya, hinamak, at hindi pinahalagahan. Ang totoo, tiniis niya ang mga sakit at mga kalungkutang dapat sanaʼy tayo ang dumanas. Ang akala natin ay pinarusahan siya ng Dios dahil sa kanyang mga kasalanan. Ang totoo, sinugatan siya dahil sa ating mga pagsuway; binugbog siya dahil sa ating kasamaan. Ang parusang tiniis niya ang naglagay sa atin sa magandang kalagayan. At dahil sa mga sugat niya ay gumaling tayo. Tayong lahat ay parang mga tupang naligaw. Bawat isa sa atin ay gumawa ng nais nating gawin. Pero siya ang pinarusahan ng Panginoon ng parusang dapat sana ay para sa ating lahat. Inapi siya at sinaktan, pero hindi man lang dumaing. Para siyang tupang dadalhin sa katayan para patayin, o tupang gugupitan na hindi man lang umiimik. Hinuli siya, hinatulan, at pinatay. Walang nakaisip, isa man sa mga salinlahi niya, na pinatay siya dahil sa kanilang mga kasalanan, na tiniis niya ang parusang dapat sana ay para sa kanila. Kahit na wala siyang ginawang kasalanan at anumang pandaraya,[a] inilibing siyang parang isang kriminal; inilibing siyang kasama ng mga mayayaman. 10 Pero kalooban ng Panginoon na saktan siya at pahirapan. Kahit na ginawa siyang handog ng Panginoon para mabayaran ang kasalanan ng mga tao, makikita niya ang kanyang mga lahi at tatanggap siya ng mahabang buhay. At sa pamamagitan niya ay matutupad ang kalooban ng Panginoon. 11 Kapag nakita niya ang bunga ng kanyang paghihirap, matutuwa siya. Sinabi ng Panginoon, “Sa pamamagitan ng karunungan ng aking matuwid na lingkod ay marami ang ituturing niyang matuwid, magdurusa siya para sa kanilang mga kasalanan. 12 Dahil dito, pararangalan ko siya katulad ng mga taong tanyag at makapangyarihan dahil ibinigay niya ang buhay niya. Ibinilang siya na isa sa mga makasalanan. Nagdusa siya para sa maraming makasalanan[b] at hiniling pa niya sa Dios na silaʼy patawarin.”

Salmo 22

Panawagan sa Dios para Tulungan

22 Dios ko! Dios ko! Bakit nʼyo ako pinabayaan?
    Bakit kay layo nʼyo sa akin?
    Dumadaing ako sa hirap, ngunit hindi nʼyo pa rin ako tinutulungan.
Dios ko, araw-gabiʼy tumatawag ako sa inyo,
    ngunit hindi nʼyo ako sinasagot,
    kaya wala akong kapahingahan.
Ngunit banal ka, at nakaluklok ka sa iyong trono,
    at pinupuri ng mga Israelita.
Ang aming mga ninuno ay sa inyo nagtiwala,
    at silaʼy inyong iniligtas.
Tinulungan nʼyo sila nang sila ay tumawag sa inyo.
    Sila ay nagtiwala at hindi nabigo.

Akoʼy hinahamak at hinihiya ng mga tao.
    Sinasabi nila na para akong higad at hindi tao.
Bawat makakita sa akin ay nangungutya, nang-aasar,
    at iiling-iling na nagsasabi,
“Hindi baʼt nagtitiwala ka sa Panginoon,
    bakit hindi ka niya iniligtas?
    Hindi baʼt nalulugod siya sa iyo, bakit hindi ka niya tinulungan?”
Ngunit kayo ang naglabas sa akin sa sinapupunan ng aking ina,
    at mula noong dumedede pa ako, iningatan nʼyo na ako.
10 Mula kapanganakan ko, nakadepende na ako sa inyo,
    at mula noon, kayo lang ang aking Dios.
11 Kaya huwag nʼyo akong pababayaan,
    dahil malapit nang dumating ang kaguluhan,
    at wala na akong ibang maaasahan.

12 Napapaligiran ako ng maraming kaaway,
    na para bang mababangis na mga toro mula sa Bashan.
13 Para rin silang mga leong umaatungal
    at nakanganga na handa akong lapain.

14 Nawalan ako ng lakas na parang tubig na ibinubuhos,
    at ang aking mga buto ay parang nalinsad[a] lahat.
    At nawalan ako ng lakas ng loob, para akong nauupos na kandila.
15 Ang aking kalakasan ay natuyo na parang tigang na lupa,
    at ang aking dila ay dumidikit sa aking ngala-ngala.
    O Panginoon, pinabayaan nʼyo ako sa lupa na parang isang patay.
16 Pinaligiran ako ng mga taong masama na parang mga aso.
    At binutasan nila ang aking mga kamay at mga paa.
17 Naglalabasan na ang lahat ng aking mga buto,
    ngunit akoʼy kanilang tinitingnan lamang.
18 Ang aking mga damit ay kanilang pinaghati-hatian sa pamamagitan ng palabunutan.
19 Ngunit kayo, Panginoon, huwag nʼyo akong lalayuan.
    Kayo ang aking kalakasan;
    magmadali kayo at akoʼy tulungan.
20 Iligtas nʼyo ang buhay ko sa espada ng aking mga kaaway na tulad ng mga pangil ng aso,
21 o mga kuko ng leon, o sungay ng toro. Sagutin nʼyo po ang aking dalangin.
22 Ikukuwento ko sa aking mga kababayan ang lahat ng tungkol sa inyo.
    At sa gitna ng kanilang pagtitipon, kayo ay aking papupurihan.

23 Kayong may takot sa Panginoon,
    purihin ninyo siya!
    Kayong mga lahi ni Jacob na siyang bayan ng Israel,
    parangalan ninyo siya
    at matakot kayo sa kanya!
24 Hindi niya binabalewala ang mga mahihirap.
    Hindi niya sila tinatalikuran,
    sa halip ay pinakikinggan pa niya ang kanilang mga pagtawag.

25 Panginoon, bigyan nʼyo ako ng kasiglahan na magpuri sa inyo sa gitna ng buong sambayanan.
    Sa gitna ng mga taong may takot sa inyo,
    tutuparin ko ang aking mga pangako sa inyo.
26 Kakain ang mga dukha hanggang sa mabusog.
    Pupurihin kayo ng mga lumalapit sa inyo.
    Sanaʼy sumakanila ang mabuti at mahabang buhay magpakailanman.
27 Panginoon, maaalala kayo ng tao sa buong mundo,
    at sila ay manunumbalik at sasamba sa inyo,
28 sapagkat kayo ang naghahari,
    at namumuno sa lahat ng bansa.
29 Kaya magdiriwang at sasamba sa inyo ang lahat ng mayayaman sa buong mundo.
    Luluhod sa inyo ang lahat ng mga mortal, ang mga babalik sa alikabok.
30 Ang susunod na salinlahi ay maglilingkod sa inyo.
    At tuturuan nila ang kanilang mga anak ng tungkol sa inyo, Panginoon.
31 Balang araw, silang hindi pa ipinapanganak ay malalaman ang mga ginawa nʼyo,
    at maging ang pagliligtas nʼyo sa inyong mga mamamayan.

Hebreo 10:16-25

16 “ ‘Ganito ang bagong kasunduan na gagawin ko sa kanila sa darating na panahon,’ sabi ng Panginoon:
    ‘Ilalagay ko ang aking mga utos sa puso nila at itatanim ko ang mga ito sa kanilang isipan.’ ”[a]

17 Dagdag pa niya, “Tuluyan ko nang lilimutin ang mga kasalanan at kasamaan nila.”[b] 18 At dahil napatawad na ang mga kasalanan natin, hindi na natin kailangan pang maghandog para sa ating mga kasalanan.

Lumapit Tayo sa Dios

19 Kaya mga kapatid, malaya na tayong makakapasok sa Pinakabanal na Lugar dahil sa dugo ni Jesus. 20 Sa pamamagitan ng paghahandog ng kanyang katawan, binuksan niya para sa atin ang bagong daan patungo sa Pinakabanal na Lugar na nasa kabila ng tabing. At ang daang ito ang nagdadala sa atin sa buhay na walang hanggan. 21 At dahil mayroon tayong dakilang punong pari na namamahala sa pamilya ng Dios, 22 lumapit tayo sa kanya nang may tapat na puso at matatag na pananampalataya, dahil nilinis[c] na ng dugo ni Jesus ang mga puso natin mula sa maruming pag-iisip, at nahugasan na ang mga katawan natin ng malinis na tubig. 23 Magpakatatag tayo sa pag-asa natin at huwag tayong mag-alinlangan, dahil tapat ang Dios na nangako sa atin. 24 At sikapin nating mahikayat ang isaʼt isa sa pagmamahalan at sa paggawa ng kabutihan. 25 Huwag nating pababayaan ang mga pagtitipon natin gaya ng nakaugalian na ng ilan. Sa halip, palakasin natin ang loob ng bawat isa, lalo na ngayong nalalapit na ang huling araw.

Hebreo 4:14-16

Si Cristo ang Ating Punong Pari

14 Kaya panghawakan nating mabuti ang pinaniniwalaan natin dahil mayroon tayong dakilang punong pari na pumasok sa kalangitan, na walang iba kundi si Jesus na Anak ng Dios. 15 Nadarama rin ng ating punong pari ang lahat ng kahinaan natin, dahil naranasan din niya ang lahat ng pagsubok na dumarating sa atin, pero hindi siya nagkasala. 16 Kaya huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng maawaing Dios para matanggap natin ang awa at biyayang makakatulong sa atin sa panahon ng pangangailangan.

Hebreo 5:7-9

Noong namumuhay pa si Jesus sa mundong ito, umiiyak siyang nananalangin at nagmamakaawa sa Dios na makapagliligtas sa kanya sa kamatayan. At dininig naman siya dahil lubos siyang naging masunurin. At kahit Anak siya mismo ng Dios, natutunan niya ang pagiging masunurin sa pamamagitan ng mga pagtitiis na dinanas niya. Naging ganap siya at pinagmulan ng walang hanggang kaligtasan[a] ng lahat ng sumusunod sa kanya.

Juan 18-19

Ang Pagdakip kay Jesus(A)

18 Pagkatapos manalangin ni Jesus, umalis siya kasama ang mga tagasunod niya at tumawid sila sa Lambak ng Kidron. Pumunta sila sa isang lugar na may taniman ng mga olibo. Alam ng traydor na si Judas ang lugar na iyon, dahil madalas magtipon doon si Jesus at ang mga tagasunod niya. Kaya pumunta roon si Judas kasama ang isang pangkat ng mga Romanong sundalo at ilang mga guwardya sa templo na isinugo ng mga namamahalang pari at ng mga Pariseo. May dala-dala silang mga sulo at mga sandata. Alam ni Jesus ang lahat ng mangyayari sa kanya, kaya sinalubong niya sila at tinanong, “Sino ang hinahanap nʼyo?” Sumagot sila, “Si Jesus na taga-Nazaret.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako iyon.”

Naroon din ang traydor na si Judas na nakatayong kasama ng mga taong naghahanap kay Jesus. Nang sabihin ni Jesus na siya ang hinahanap nila, napaurong sila at natumba sa lupa. Kaya muling nagtanong si Jesus, “Sino ang hinahanap nʼyo?” Sumagot silang muli, “Si Jesus na taga-Nazaret.” Sinabi sa kanila ni Jesus, “Hindi baʼt sinabi ko na sa inyo na ako iyon? Kung ako nga ang hinahanap nʼyo, hayaan nʼyong makaalis ang mga kasama ko.” (Sinabi niya ito para matupad ang sinabi niya sa Ama, “Wala ni isa mang napahamak sa mga ibinigay mo sa akin.”) 10 Sa pagkakataong iyon, bumunot ng espada si Simon Pedro at tinaga ang alipin ng punong pari. Naputol ang kanang tainga ng alipin na ang pangalan ay Malcus. 11 Pero sinaway ni Jesus si Pedro, “Ibalik mo ang espada mo sa lalagyan nito. Sa palagay mo baʼy hindi ko titiisin ang paghihirap na ibinigay sa akin[a] ng Ama?”

Dinala si Jesus kay Anas

12 Dinakip si Jesus ng mga Romanong sundalo sa pangunguna ng kanilang kapitan, kasama ng mga guwardyang Judio. Siyaʼy iginapos nila at 13 dinala muna kay Anas na biyenan ni Caifas. Si Caifas ang punong pari nang taon na iyon, 14 at siya ang nagpayo sa mga pinuno ng mga Judio na mabuting mamatay ang isang tao kaysa sa mapahamak ang buong bansa.

Ipinagkaila ni Pedro na Kilala Niya si Jesus(B)

15 Si Simon Pedro at ang isa pang tagasunod ay sumunod kay Jesus. At dahil kilala ng punong pari ang tagasunod na ito, nakapasok siyang kasama ni Jesus sa bakuran ng punong pari. 16 Naiwan namang nakatayo si Pedro sa labas ng pintuan. Lumabas muli ang tagasunod na kilala ng punong pari at nakiusap sa babaeng nagbabantay sa pinto, kaya pinapasok si Pedro. 17 Sinabi ng babae kay Pedro, “Hindi baʼt isa ka sa mga tagasunod ng taong iyan?” Sumagot si Pedro, “Hindi!”

18 Maginaw noon, kaya nagsiga ang mga alipin at mga guwardya, at tumayo sila sa paligid nito para magpainit. Nakihalo si Pedro sa kanila at nagpainit din.

Tinanong si Jesus ng Punong Pari(C)

19 Samantala, tinanong ng punong pari si Jesus tungkol sa mga tagasunod niya at sa mga itinuturo niya. 20 Sumagot si Jesus, “Hayagan akong nagsasalita sa mga tao. Lagi akong nangangaral sa mga sambahan at sa templo kung saan nagtitipon-tipon ang lahat ng Judio. Wala akong itinuro nang palihim. 21 Bakit nʼyo ako tinatanong ngayon? Tanungin nʼyo ang mga nakarinig sa akin; alam nila kung ano ang mga sinabi ko.” 22 Nang masabi ito ni Jesus, sinampal siya ng isa sa mga guwardya na malapit sa kanya. Sinabi ng guwardya, “Bakit ganyan ka sumagot sa punong pari?” 23 Sinagot siya ni Jesus, “Kung may masama akong sinabi, patunayan mo. Pero kung totoo ang sinabi ko, bakit mo ako sinampal?”

24 Habang nakagapos pa si Jesus, ipinadala siya ni Anas kay Caifas na punong pari.

Muling Ipinagkaila ni Pedro na Kilala Niya si Jesus(D)

25 Samantala, nakatayo pa rin si Simon Pedro malapit sa siga at nagpapainit. Tinanong siya ng mga naroon, “Hindi baʼt isa ka sa mga tagasunod niya?” “Hindi!” Tanggi ni Pedro. 26 Tinanong din si Pedro ng isa sa mga alipin ng punong pari, na kamag-anak ng pinutulan niya ng tainga, “Hindi baʼt nakita kitang kasama niya roon sa may taniman ng mga olibo?” 27 Muli itong itinanggi ni Pedro, at noon din ay tumilaok ang manok.

Dinala si Jesus kay Pilato

28 Mula kay Caifas, dinala si Jesus sa palasyo ng gobernador. Umaga na noon. Hindi pumasok ang mga Judio sa palasyo dahil ayon sa kautusan nila, ang pumasok sa bahay ng isang hindi Judio ay hindi magiging karapat-dapat kumain ng hapunan sa Pista ng Paglampas ng Anghel. 29 Kaya sa labas sila kinausap ni Pilato at tinanong, “Ano ang paratang nʼyo laban sa taong ito?” 30 Sumagot sila, “Kung hindi po siya kriminal ay hindi namin siya dadalhin sa inyo.” 31 Sinabi ni Pilato sa kanila, “Dalhin nʼyo siya at kayo na ang humatol ayon sa inyong Kautusan.” Sumagot ang mga pinuno ng mga Judio, “Ngunit wala kaming kapangyarihang humatol ng kamatayan.” 32 (Nangyari ang mga ito upang matupad ang sinabi ni Jesus tungkol sa uri ng kamatayang dadanasin niya.) 33 Muling pumasok si Pilato sa palasyo at ipinatawag si Jesus, at tinanong, “Ikaw ba ang hari ng mga Judio?” 34 Sumagot si Jesus, “Sa iyo ba nanggaling ang tanong na iyan o may nagsabi lang sa iyo tungkol sa akin?” 35 Sumagot si Pilato, “Judio ba ako? Dinala ka rito sa akin ng mga kababayan mo at ng mga namamahalang pari. Ano ba ang ginawa mo?” 36 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ang kaharian ko ay wala rito sa mundo. Kung nandito ang kaharian ko, makikipaglaban sana ang mga tagasunod ko upang hindi ako madakip ng mga Judio. Pero tulad nga ng sinabi ko, ang kaharian ko ay wala rito.” 37 Sinabi ni Pilato, “Kung ganoon, isa kang hari?” Sumagot si Jesus, “Tama ang sinabi mo na isa akong hari. At ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa mundo ay upang ipahayag ang katotohanan. At ang lahat ng gustong makaalam ng katotohanan ay nakikinig sa akin.” 38 Tinanong siya ni Pilato, “Ano ba ang katotohanan?”

Hinatulan si Jesus ng Kamatayan(E)

Nang masabi ito ni Pilato, lumabas siya at sinabi sa mga Judio, “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito. 39 Pero ayon sa kaugalian ninyo, dapat akong magpalaya ng isang bilanggo tuwing Pista ng Paglampas ng Anghel. Kaya gusto ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?” 40 Sumigaw ang mga tao, “Hindi siya. Si Barabas!” (Si Barabas ay isang tulisan.)

19 Kaya ipinakuha ni Pilato si Jesus at ipinahagupit. Gumawa ang mga sundalo ng koronang tinik at ipinutong kay Jesus, at sinuotan nila siya ng kulay ubeng kapa. At isa-isa silang lumapit sa kanya at nagsabi, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” at pinagsasampal siya. Muling lumabas si Pilato at sinabi sa mga tao, “Makinig kayo! Ihaharap ko siyang muli sa inyo. Gusto kong malaman nʼyo na wala akong nakitang kasalanan sa kanya!” Nang lumabas si Jesus, suot ang koronang tinik at ang kulay ubeng kapa, sinabi ni Pilato, “Tingnan nʼyo siya!” Nang makita si Jesus ng mga namamahalang pari at ng mga guwardya, sumigaw sila, “Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus!” Pero sumagot si Pilato, “Kayo ang kumuha sa kanya at magpako sa krus, dahil kung sa akin lang ay wala akong makitang kasalanan sa kanya.” Pero nagpumilit ang mga Judio, “May Kautusan kami. At ayon dito, dapat siyang mamatay dahil sinasabi niyang Anak siya ng Dios.”

Nang marinig ito ni Pilato, lalo pa siyang natakot. Kaya muli niyang dinala si Jesus sa loob ng palasyo at tinanong, “Taga-saan ka ba?” Pero hindi sumagot si Jesus. 10 Kaya sinabi ni Pilato, “Bakit ayaw mo akong sagutin? Hindi mo ba alam na may kapangyarihan akong palayain ka o ipapako sa krus?” 11 Sumagot si Jesus, “Wala kang maaaring gawin sa akin kung hindi ka binigyan ng Dios ng kapangyarihan. Kaya mas malaki ang kasalanan ng taong nagdala sa akin dito sa iyo.” 12 Nang marinig ito ni Pilato, muli niyang sinikap na mapalaya si Jesus. Pero nagsigawan ang mga Judio, “Kapag pinalaya mo ang taong iyan, hindi ka kaibigan ng Emperador! Sapagkat ang sinumang nagsasabing hari siya ay kaaway ng Emperador.” 13 Nang marinig ito ni Pilato, inilabas niya si Jesus sa palasyo. Pagkatapos, umupo siya sa upuan ng tagahatol, sa lugar na kung tawagin ay “Batong Plataporma”, (na sa wikang Hebreo ay “Gabbata”).

14 Bandang tanghali na noon ng bisperas ng Pista ng Paglampas ng Anghel. Sinabi ni Pilato sa mga Judio, “Narito ang hari nʼyo!” 15 Pero nagsigawan ang mga Judio, “Patayin siya! Patayin siya! Ipako siya sa krus!” Sinabi ni Pilato sa kanila, “Ipapako ko ba sa krus ang hari nʼyo?” Sumagot ang mga namamahalang pari, “Wala kaming ibang hari kundi ang Emperador!” 16 Kaya ibinigay ni Pilato sa kanila si Jesus upang ipako sa krus.

Ipinako sa Krus si Jesus(F)

Dinala si Jesus ng mga sundalo 17 palabas ng lungsod. Ipinapasan nila kay Jesus ang kanyang krus papunta sa lugar na tinatawag na “Lugar ng Bungo” (na sa wikang Hebreo ay Golgota). 18 Doon nila ipinako sa krus si Jesus, kasama ng dalawa pa. Sa kanan ang isa at ang isa namaʼy sa kaliwa, at nasa gitna nila si Jesus. 19 Pinalagyan ni Pilato ng karatula ang krus ni Jesus, at ganito ang nakasulat: “Si Jesus na taga-Nazaret, ang Hari ng mga Judio.” 20 Nakasulat ito sa mga wikang Hebreo, Latin, at Griego. Maraming Judio ang nakabasa nito, dahil malapit lang sa lungsod ang lugar kung saan ipinako sa krus si Jesus. 21 Nagreklamo ang mga namamahalang pari kay Pilato, “Hindi dapat ‘Hari ng mga Judio’ ang isinulat nʼyo kundi, ‘Sinabi ng taong ito na siya raw ang hari ng mga Judio.’ ” 22 Pero sinagot sila ni Pilato, “Kung ano ang isinulat ko, iyon na.”

23 Nang maipako na ng mga sundalo si Jesus, kinuha nila ang kanyang damit at hinati-hati sa apat, tig-isang bahagi ang bawat sundalo. Kinuha rin nila ang damit-panloob niya; hinabi ito nang buo at walang tahi o dugtong. 24 Sinabi ng isang sundalo, “Huwag na natin itong paghatian. Magpalabunutan na lang tayo kung kanino ito mapupunta.” Nangyari ito upang matupad ang sinabi sa Kasulatan,

    “Pinaghati-hatian nila ang aking damit,
    at nagpalabunutan sila para sa aking damit-panloob.”[b]

At ito nga ang ginawa ng mga sundalo.

25 Nakatayo malapit sa krus ni Jesus ang kanyang ina, ang kapatid ng kanyang ina, si Maria na asawa ni Clopas, at si Maria na taga-Magdala.[c] 26 Nang makita ni Jesus ang kanyang ina na nakatayo roon katabi ng minamahal niyang tagasunod, sinabi niya, “Babae, ituring mo siyang anak.” 27 At sinabi naman niya sa tagasunod niya, “Ituring mo siyang ina.” Mula noon, tumira na ang ina ni Jesus sa tahanan ng tagasunod na ito.

Ang Pagkamatay ni Jesus(G)

28 Alam ni Jesus na tapos na ang misyon niya, at para matupad ang nakasulat sa Kasulatan, sinabi niya, “Nauuhaw ako.” 29 May isang banga roon na puno ng maasim na alak. Isinawsaw ng mga sundalo ang isang espongha sa alak, ikinabit sa sanga ng isopo at inilapit sa bibig ni Jesus. 30 Nang masipsip na ni Jesus ang alak, sinabi niya, “Tapos na!” Iniyuko niya ang kanyang ulo at nalagot ang kanyang hininga.

Sinibat ang Tagiliran ni Jesus

31 Bisperas na noon ng pista, at kinabukasan ay espesyal na Araw ng Pamamahinga. Dahil ayaw ng mga Judio na maiwan sa krus ang mga bangkay sa Araw ng Pamamahinga, hiniling nila kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nakapako upang madali silang mamatay, at nang maalis agad ang mga bangkay. 32 Kaya ito nga ang ginawa ng mga sundalo. Binali nila ang mga binti ng dalawang kasama ni Jesus na ipinako. 33 Pero pagdating nila kay Jesus, nakita nilang patay na siya, kaya hindi na nila binali ang mga binti niya. 34 Sa halip, sinaksak ng sibat ng isa sa kanila ang tagiliran ni Jesus at biglang dumaloy ang dugo at tubig. 35 Nakita ko mismo ang mga pangyayari, at isinasalaysay ko ito sa inyo. Totoong nangyari ito, kaya alam kong totoo ang mga sinasabi ko. Isinasalaysay ko ito upang sumampalataya rin kayo.[d] 36 Nangyari ang mga bagay na ito upang matupad ang sinasabi sa Kasulatan: “Walang mababali ni isa man sa kanyang mga buto.”[e] 37 Sinasabi rin sa isa pang bahagi ng Kasulatan, “Pagmamasdan nila ang taong sinaksak nila.”[f]

Ang Paglilibing kay Jesus(H)

38 Pagkatapos nito, hiningi ni Jose na taga-Arimatea ang bangkay ni Jesus kay Pilato. (Si Jose ay isang tagasunod ni Jesus, ngunit palihim lang dahil natatakot siya sa mga pinuno ng mga Judio.) Pinayagan siya ni Pilato, kaya pinuntahan niya ang bangkay ni Jesus para kunin ito. 39 Sinamahan siya ni Nicodemus, ang lalaking bumisita noon kay Jesus isang gabi. Nagdala si Nicodemus ng mga 35 kilo ng pabango na gawa sa pinaghalong mira at aloe. 40 Kinuha nila ang bangkay ni Jesus at nilagyan ng dala nilang pabango habang ibinabalot ng telang linen, ayon sa nakaugalian ng mga Judio sa paglilibing. 41 Sa lugar kung saan ipinako si Jesus ay may halamanan. At doon ay may isang bagong libingan na hinukay sa gilid ng burol, na hindi pa napapaglibingan. 42 Dahil bisperas na noon ng pista, at dahil malapit lang ang libingang iyon, doon na nila inilibing si Jesus.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®