Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 31:9-16

Panginoon, kahabagan nʼyo po ako,
    dahil akoʼy labis nang nahihirapan.
    Namumugto na ang aking mga mata sa pag-iyak,
    at nanghihina na ako.
10 Ang buhay koʼy punong-puno ng kasawian;
    umiikli ang buhay ko dahil sa pag-iyak at kalungkutan.
    Nanghihina na ako sa kapighatiang aking nararanasan,
    at parang nadudurog na ang aking mga buto.
11 Kinukutya ako ng aking mga kaaway,
    at hinahamak ng aking mga kapitbahay.
    Iniiwasan na ako ng mga dati kong kaibigan;
    kapag nakikita nila ako sa daan, akoʼy kanilang nilalayuan.
12 Para akong patay na kanilang kinalimutan,
    at parang basag na sisidlan na wala nang halaga.
13 Marami akong naririnig na banta laban sa akin.
    Natatakot akong pumunta kahit saan,
    dahil plano nilang patayin ako.
14 Ngunit ako ay nagtitiwala sa inyo, Panginoon.
    Sinasabi kong,
    “Kayo ang aking Dios!”
15 Ang aking kinabukasan ay nasa inyong mga kamay.
    Iligtas nʼyo po ako sa aking mga kaaway na umuusig sa akin.
16 Ipadama nʼyo ang inyong kabutihan sa akin na inyong lingkod.
    Sa inyong pagmamahal, iligtas nʼyo ako.

Isaias 54:9-10

“Para sa akin, katulad ito noong panahon[a] ni Noe nang nangako akong hindi ko na gugunawin ang mundo. Ngayon naman, nangangako akong hindi na ako magagalit o magpaparusa sa inyo. 10 Gumuho man ang mga burol at bundok, ang pag-ibig ko sa iyoʼy hindi mawawala, maging ang kasunduan ko sa iyo na ilalagay kita sa magandang kalagayan. Ako, ang Panginoong naaawa sa iyo, ang nagsasabi nito.

Hebreo 2:10-18

10 Ginawa ng Dios ang lahat ng bagay, at ginawa niya ito para sa sarili niya. Kaya marapat lang na pumayag siyang maghirap si Jesus, para lubos na magampanan ni Jesus ang nararapat bilang pinagmumulan ng kaligtasan. Sa ganoon, maraming mga tao ang magiging kanyang mga anak na kanyang mapaparangalan. 11 Si Jesus ang naglilinis ng ating mga kasalanan. At ang kanyang Ama ay siya rin nating Ama. Kaya hindi niya ikinakahiya na ituring tayong mga kapatid niya. 12 Ito ang sinabi niya sa kanyang Ama:

    “Ipapahayag ko sa aking mga kapatid ang mga ginawa mo, at aawit ako ng papuri sa iyo sa piling ng mga sumasamba sa iyo.”[a]

13 Sinabi rin niya,

    “Magtitiwala ako sa Dios.”[b]

At idinagdag pa niya,

    “Narito ako, kasama ang mga anak ng Dios na kanyang ibinigay sa akin.”[c]

14 At yamang ang mga anak ng Dios na binanggit niya ay mga taong may laman at dugo, naging tao rin si Jesus upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan ay malupig niya ang diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan. 15 Sa ganitong paraan, pinalaya niya sila na naging alipin ng takot sa kamatayan sa buong buhay nila. 16 Kaya malinaw na hindi ang mga anghel ang tinutulungan ni Jesus kundi ang lahi ni Abraham. 17 Ito ang dahilan kung bakit kinailangang magkatawang-tao ni Jesus, upang maging katulad siya ng mga kapatid niya sa lahat ng bagay. Sa ganoon, siya ay magiging punong pari nila na maawain at tapat, na makapaghahandog sa Dios para sa kapatawaran ng mga kasalanan ng tao. 18 At dahil siya mismo ay nakaranas ng paghihirap nang tinukso siya, matutulungan niya ang mga dumaranas ng tukso.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®