Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 119:89-96

89 Panginoon, ang salita mo ay mananatili magpakailanman;
    hindi ito magbabago tulad ng kalangitan.
90 Ang inyong katapatan ay magpapatuloy sa lahat ng salinlahi.
    Matibay nʼyong itinatag ang mundo, kaya itoʼy nananatili.
91 Ang lahat ng bagay ay nananatili hanggang ngayon ayon sa inyong nais.
    Dahil ang lahat ng bagay ay sumusunod sa inyo.
92 Kung ang inyong kautusan ay hindi nagbibigay sa akin ng kaaliwan, namatay na sana ako dahil sa pagdadalamhati.
93 Hindi ko kailanman lilimutin ang inyong mga tuntunin,
    dahil sa pamamagitan nitoʼy patuloy nʼyo akong binubuhay.
94 Akoʼy inyo, kaya iligtas nʼyo po ako!
    Dahil pinagsisikapan kong sundin ang inyong mga tuntunin.
95 Nag-aabang ang masasama upang akoʼy patayin,
    ngunit iisipin ko ang inyong mga turo.
96 Nakita kong ang lahat ng bagay ay may katapusan,
    ngunit ang inyong mga utos ay mananatili magpakailanman.

Jeremias 36:11-26

11 Nang marinig ni Micaya na anak ni Gemaria at apo ni Shafan ang mensahe ng Panginoon na binasa ni Baruc, 12 pumunta siya sa palasyo, doon sa silid ng kalihim, kung saan nagtitipon ang lahat ng mga pinuno. Naroon sina Elishama na kalihim, si Delaya na anak ni Shemaya, si Elnatan na anak ni Acbor, si Gemaria na anak ni Shafan, si Zedekia na anak ni Hanania, at ang iba pang mga pinuno. 13 Isinalaysay ni Micaya ang lahat ng narinig niya sa binasa ni Baruc sa mga tao. 14 Kaya inutusan agad ng mga pinuno si Jehudi na anak ni Netanias at apo ni Shelemia, at apo sa tuhod ni Cushi na puntahan si Baruc at sabihing dalhin niya ang nakarolyong kasulatan na binasa niya sa mga tao, at pumunta sa kanila. Kaya pumunta si Baruc na dala ang kasulatang iyon.

15 Pagdating ni Baruc, sinabi ng mga pinuno, “Maupo ka at basahin mo sa amin ang kasulatan.” Kaya binasa naman ni Baruc ang kasulatan sa kanila. 16 Nang marinig nila ang lahat ng nakasulat doon, nagtinginan sila sa takot at sinabi nila kay Baruc, “Kailangan natin itong sabihin sa hari.” 17 Tinanong nila si Baruc, “Sabihin mo sa amin, paano mo naisulat ang lahat ng ito? Sinabi ba ito sa iyo ni Jeremias?”

18 Sumagot si Baruc, “Oo, sinabi sa akin ni Jeremias ang bawat salita sa nakarolyong ito at isinulat ko naman sa pamamagitan ng tinta.” 19 Sinabi ng mga pinuno kay Baruc, “Magtago na kayo ni Jeremias at huwag ninyong ipaalam kaninuman kung nasaan kayo.”

20 Inilagay ng mga pinuno ang kasulatang iyon doon sa silid ni Elishama na kalihim at pumunta sila sa hari roon sa bulwagan ng palasyo, at sinabi nila sa kanya ang lahat. 21 Kaya inutusan ng hari si Jehudi na kunin ang kasulatan. Kinuha ito ni Jehudi sa silid ni Elishama at binasa sa hari at sa lahat ng pinuno na nakatayo sa tabi niya. 22 Taglamig noon kaya ang hari ay nasa silid niyang pangtaglamig at nakaupo siya malapit sa apoy. 23 Sa bawat mababasa ni Jehudi na tatlo o apat na hanay, pinuputol ng hari ang bahaging iyon sa pamamagitan ng kanyang kutsilyo at itinatapon niya sa apoy hanggang sa masunog ang lahat ng kasulatan. 24 Hindi natakot ang hari at ang lahat ng pinuno niya sa narinig nila na isinasaad ng kasulatan. Ni hindi nila pinunit ang damit nila tanda ng pagdadalamhati. 25 Bagamaʼt nakiusap sina Elnatan, Delaya at Gemaria sa hari na kung maaari ay huwag sunugin ang kasulatan, hindi rin nakinig ang hari. 26 Sa halip, inutusan niya sina Jerameel na kanyang anak, Seraya na anak ni Azriel, at Shelemia na anak ni Abdeel na hulihin sina Baruc na kalihim at Propeta Jeremias. Pero itinago sila ng Panginoon.

2 Corinto 7:2-12

Ang Kagalakan ni Pablo

Tanggapin ninyo kami sa inyong mga puso. Wala kaming ginawang masama kahit kanino. Hindi namin siniraan o dinaya ang sinuman. Hindi ko sinasabi ito para ipahiya kayo. Gaya ng sinabi ko noong una, mahal na mahal namin kayo at handa kaming mabuhay o mamatay na kasama ninyo. Malaki ang tiwala ko sa inyo, at ipinagmamalaki ko kayo! Labis ninyong pinalakas ang aming loob at nag-uumapaw sa aming puso ang kagalakan sa kabila ng lahat ng aming mga paghihirap.

Nang dumating kami sa Macedonia, wala rin kaming pahinga, dahil kahit saan ay nagdalamhati kami. Sa paligid ay nariyan ang mga kumokontra sa amin, at sa loob naman namin ay may pag-aalala para sa mga mananampalataya. Ngunit pinalakas ng Dios ang aming loob nang dumating si Tito. Tunay na pinalalakas niya ang loob ng mga nalulumbay. At hindi lang ang pagdating ni Tito ang nagpalakas ng aming loob, kundi maging ang balita na pinalakas din ninyo ang loob niya. Ibinalita niya ang pananabik ninyo sa amin, ang inyong panaghoy sa mga pangyayari, at ang katapatan[a] ninyo sa akin. Dahil dito, lalo akong natuwa!

Kahit na nagdulot sa inyo ng kalungkutan ang aking sulat, hindi ko ito pinagsisisihan. Nagsisi ako noong una dahil nakita kong pinalungkot kayo ng aking sulat, ngunit sandali lamang. Ngunit masaya ako ngayon, hindi dahil malungkot kayo, kundi dahil naging paraan iyon para magsisi kayo. At iyan nga ang nais ng Dios na mangyari, kaya hindi nakasama sa inyo ang aking mga sinulat. 10 Sapagkat ang kalungkutang ayon sa kalooban ng Dios ay nagdadala sa atin sa pagsisisi, at nagdudulot ng kaligtasan. Hindi pinagsisihan ang ganitong kalungkutan. Ngunit ang kalungkutan ng mga taong makamundo ay nagdadala sa kanila sa kamatayan. 11 Tingnan ninyo ang idinulot ng kalungkutang ayon sa kalooban ng Dios! Naging masigasig kayong patunayan na wala kayong kasalanan tungkol sa mga bagay na sinasabi ko sa inyo. Nagalit kayo sa gumawa ng kasalanang iyon, at natakot sa maaaring idulot nito. Naging masigasig kayong maibalik ang dati nating samahan. Pinarusahan ninyo ang nagkasala, at pinatunayan ninyo sa lahat ng paraan na wala kayong kinalaman sa kasalanang iyon.

12 Ang dahilan ng pagsulat ko ay hindi para tuligsain ang nagkasala o ipagtanggol ang ginawan niya ng kasalanan, kundi para maipakita ninyo sa presensya ng Dios kung gaano kayo katapat sa amin.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®