Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
89 Panginoon, ang salita mo ay mananatili magpakailanman;
hindi ito magbabago tulad ng kalangitan.
90 Ang inyong katapatan ay magpapatuloy sa lahat ng salinlahi.
Matibay nʼyong itinatag ang mundo, kaya itoʼy nananatili.
91 Ang lahat ng bagay ay nananatili hanggang ngayon ayon sa inyong nais.
Dahil ang lahat ng bagay ay sumusunod sa inyo.
92 Kung ang inyong kautusan ay hindi nagbibigay sa akin ng kaaliwan, namatay na sana ako dahil sa pagdadalamhati.
93 Hindi ko kailanman lilimutin ang inyong mga tuntunin,
dahil sa pamamagitan nitoʼy patuloy nʼyo akong binubuhay.
94 Akoʼy inyo, kaya iligtas nʼyo po ako!
Dahil pinagsisikapan kong sundin ang inyong mga tuntunin.
95 Nag-aabang ang masasama upang akoʼy patayin,
ngunit iisipin ko ang inyong mga turo.
96 Nakita kong ang lahat ng bagay ay may katapusan,
ngunit ang inyong mga utos ay mananatili magpakailanman.
Binasa ni Baruc ang Pahayag ng Panginoon
36 Noong ikaapat na taon ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Haring Josia ng Juda, sinabi ng Panginoon kay Jeremias, 2 “Kumuha ka ng masusulatan at isulat mo ang lahat ng sinabi ko sa iyo tungkol sa Israel, Juda, at sa lahat ng bansa. Isulat mo ang lahat ng sinabi ko, mula nang una kitang kausapin sa panahon ni Haring Josia hanggang ngayon. 3 Baka sakaling magsisi ang mga mamamayan ng Juda kapag narinig nila ang kapahamakang binabalak kong gawin sa kanila at talikuran nila ang masasama nilang ugali. At kapag nangyari ito, patatawarin ko sila sa mga kasamaan at kasalanan nila.”
4 Kaya ipinatawag ni Jeremias si Baruc na anak ni Neria at idinikta sa kanya ang lahat ng sinabi ng Panginoon, at isinulat naman ni Baruc sa nakarolyong sulatan. 5 Pagkatapos, sinabi ni Jeremias kay Baruc, “Pinagbabawalan akong pumunta sa templo ng Panginoon. 6 Kaya ikaw na lang ang pumunta roon sa araw ng pag-aayuno. Magtitipon doon ang mga mamamayan ng Juda galing sa bayan nila. Basahin mo sa kanila ang sinasabi ng Panginoon sa kasulatang ito na isinalaysay ko sa iyo. 7 Baka sakaling sa pamamagitan nitoʼy lumapit sila sa Panginoon at talikuran nila ang masasama nilang pag-uugali. Sapagkat binigyan na sila ng babala ng Panginoon na silaʼy parurusahan niya dahil sa matindi niyang galit sa kanila.”
8 Ginawa ni Baruc ang iniutos sa kanya ni Jeremias. Binasa nga niya roon sa templo ang ipinapasabi ng Panginoon. 9 Nangyari ito noong araw ng pag-aayuno sa presensya ng Panginoon, nang ikasiyam na buwan nang ikalimang taon ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Haring Josia ng Juda. Nagtipon sa templo ang mga mamamayan ng Jerusalem at ng mga bayan ng Juda. 10 Binasa ni Baruc ang mga sinabi ni Jeremias na nakasulat sa nakarolyong sulatan sa templo malapit sa silid ni Gemaria na kalihim na anak ni Shafan. Ang silid ni Gemaria ay nasa itaas ng bulwagan ng templo, malapit sa dinadaanan sa Bagong Pintuan.
Ang Pagsasalita ng Ibang Wika na Hindi Natutunan
14 Sikapin ninyong makamtan ang pag-ibig, ngunit sikapin din ninyong makamtan ang mga kaloob na espiritwal, lalo na ang pagpapahayag ng mensahe ng Dios. 2 Ang taong nagsasalita sa ibang wika na hindi niya natutunan ay nakikipag-usap hindi sa tao kundi sa Dios, dahil wala namang nakakaunawa sa kanya. Nagsasalita siya ng mga hiwaga sa tulong ng Banal na Espiritu. 3 Ngunit ang taong nagpapahayag ng mensahe ng Dios ay nagsasalita sa mga tao upang silaʼy matulungan, mapalago at mapalakas ang loob. 4 Ang nagsasalita sa ibang wika na hindi niya natutunan ay pinatitibay ang kanyang sarili, ngunit ang nagpapahayag ng mensahe ng Dios ay nagpapatibay sa iglesya. 5 Gusto ko sanang kayong lahat ay makapagsalita sa ibang wika na hindi natutunan, ngunit mas ninanais kong makapagpahayag kayo ng mensahe ng Dios. Sapagkat ang taong nagpapahayag ng mensahe ng Dios ay mas mahalaga kaysa sa nagsasalita sa ibang wika na hindi natutunan, maliban na lamang kung ipapaliwanag niya ang kahulugan ng kanyang sinasabi upang mapatibay ang iglesya. 6 Ano ba ang mapapala ninyo, mga kapatid, kung pumunta ako riyan at magsalita ng ibang wika na hindi ninyo naiintindihan? Wala! Maliban na lang kung magbigay ako sa inyo ng pahayag mula sa Dios, o kaalaman, mensahe, o aral.
7 Kahit na ang mga instrumentong walang buhay tulad ng plauta at alpa, kung hindi malinaw ang mga notang tinutugtog, paano malalaman ng nakakarinig kung anong awit ang tinutugtog? 8 At kung hindi malinaw ang tunog ng trumpeta sa mga sundalo, sinong maghahanda para sa labanan? 9 Ganito rin sa inyo. Paano makakaunawa ang isang mananampalataya sa sinasabi mo sa ibang wika kung hindi naman niya naiintindihan? Para ka na ring nakikipag-usap sa hangin. 10 Maraming wika sa buong mundo at ang bawat salita nito ay may kahulugan. 11 Ngunit kung hindi ko maintindihan ang sinasabi ng isang tao at hindi rin naman niya ako maintindihan, wala kaming mapapala sa isaʼt isa. 12 At dahil nga hinahangad naman ninyo ang mga kaloob ng Banal na Espiritu, pagsikapan ninyong matanggap ang mga kaloob na nagpapatibay sa iglesya.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®