Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Kabutihan ng Dios sa Kanyang mga Mamamayan
106 Purihin nʼyo ang Panginoon!
Magpasalamat kayo sa kanya dahil siyaʼy mabuti;
ang kanyang pag-ibig ay walang hanggan.
2 Walang makapagsasabi at makapagpupuri nang lubos sa makapangyarihang gawa ng Panginoon.
3 Mapalad ang taong gumagawa nang tama at matuwid sa lahat ng panahon.
4 Panginoon, alalahanin nʼyo ako kapag tinulungan nʼyo na ang inyong mga mamamayan;
iligtas nʼyo rin ako kapag iniligtas nʼyo na sila,
5 upang akoʼy maging bahagi rin ng kaunlaran ng inyong bansang hinirang,
at makadama rin ng kanilang kagalakan,
at maging kasama nila sa pagpupuri sa inyo.
6 Kami ay nagkasala sa inyo katulad ng aming mga ninuno;
masama ang aming ginawa.
7 Nang silaʼy nasa Egipto, hindi nila pinansin ang kahanga-hangang mga ginawa ninyo.
Nilimot nila ang mga kabutihang ipinakita nʼyo sa kanila,
at silaʼy naghimagsik sa inyo doon sa Dagat na Pula.
8 Ngunit iniligtas nʼyo pa rin sila,
upang kayo ay maparangalan
at maipakita ang inyong kapangyarihan.
9 Inutusan ng Panginoon ang Dagat na Pula na matuyo, at itoʼy natuyo;
pinangunahan niya ang kanyang mga mamamayan na makatawid na parang lumalakad lamang sa disyerto.
10 Iniligtas niya sila sa kanilang mga kaaway.
11 Tinabunan niya ng tubig ang kanilang mga kaaway,
at walang sinumang nakaligtas sa kanila.
12 Kaya naniwala sila sa kanyang mga pangako,
at umawit sila ng mga papuri sa kanya.
Si Debora at si Barak
4 Pagkamatay ni Ehud, muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon. 2 Kaya hinayaan ng Panginoon na sakupin sila ni Haring Jabin ng Hazor, na isang hari ng mga Cananeo. Ang kumander ng mga sundalo ni Jabin ay si Sisera na nakatira sa Haroshet Hagoyim. 3 May 900 karwaheng yari sa bakal si Jabin, at labis niyang pinagmalupitan ang mga Israelita sa loob ng 20 taon. Kaya muling humingi ng tulong ang mga Israelita sa Panginoon.
4 Nang panahong iyon, ang pinuno ng Israel ay si Debora, na isang propeta ng Dios at asawa ni Lapidot. 5 Kapag gustong ayusin ng mga Israelita ang kanilang mga di-pagkakaunawaan, pumupunta sila kay Debora na nasa ilalim ng puno ng palma na pag-aari nito, sa pagitan ng Rama at Betel sa kabundukan ng Efraim.
6 Isang araw, ipinatawag ni Debora si Barak na anak ni Abinoam na taga-Kedesh na sakop ng lahi ni Naftali. Pagdating ni Barak, sinabi ni Debora sa kanya, “Inuutusan ka ng Panginoon, ang Dios ng Israel, na kumuha ng 10,000 lalaki sa lahi ni Naftali at Zebulun, at dalhin sila sa Bundok ng Tabor. 7 Lilinlangin ko si Sisera, ang kumander ng mga sundalo ni Jabin, na pumunta sa Lambak ng Kishon, kasama ang kanyang mga sundalo at mga karwahe. At doon pagtatagumpayin ko kayo laban sa kanila.”
8 Sinabi ni Barak kay Debora, “Pupunta ako kung sasama ka, pero kung hindi ka sasama, hindi ako pupunta.” 9 Sumagot si Debora, “Sige, sasama ako sa iyo, pero hindi mapupunta sa iyo ang karangalan dahil ipapatalo ng Panginoon si Sisera sa isang babae.” Kaya sumama si Debora kay Barak at pumunta sila sa Kedesh. 10 Doon, ipinatawag ni Barak ang mga lahi ni Naftali at ni Zebulun, at 10,000 tao ang sumama sa kanya. Sumama rin sa kanya si Debora.
11 Nang panahong iyon, si Heber na Keneo ay nagtayo ng tolda niya malapit sa puno ng terebinto sa Zaananim malapit sa Kedesh. Humiwalay siya sa ibang mga Keneo na mula sa angkan ni Hobab na bayaw[a] ni Moises.
12 Ngayon, may nakapagsabi kay Sisera na papunta si Barak sa Bundok ng Tabor. 13 Kaya tinipon ni Sisera ang 900 karwahe niyang yari sa bakal at ang lahat ng sundalo niya. At umalis sila mula sa Haroshet Hagoyim papunta sa Lambak ng Kishon.
14 Sinabi ni Debora kay Barak, “Humanda ka! Ito na ang araw na pagtatagumpayin ka ng Panginoon laban kay Sisera. Pangungunahan ka ng Panginoon.” Kaya bumaba si Barak sa Bundok ng Tabor kasama ng 10,000 niyang sundalo. 15 Nang lumusob na sina Barak, nilito ng Panginoon si Sisera at ang lahat ng mangangarwahe at sundalo niya. Pagkatapos, tumalon si Sisera sa karwahe niya at tumakas. 16 Hinabol nila Barak ang mga sundalo at ang mga mangangarwahe ni Sisera hanggang sa Haroshet Hagoyim at nilipol ang mga ito. Wala ni isang natira sa kanila.
Mga Kagamitang Pandigma na Kaloob ng Dios
10 At bilang pangwakas, magpakatatag kayo sa Panginoon sa pamamagitan ng dakila niyang kapangyarihan. 11 Gamitin nʼyo ang lahat ng kagamitang pandigma na ibinigay sa inyo ng Dios para malabanan nʼyo ang mga lalang ng diyablo. 12 Sapagkat ang kalaban natin ay hindi mga tao kundi masasamang espiritu sa himpapawid – mga pinuno, may kapangyarihan at mga tagapamahala ng kadilimang namamayani sa mundong ito. 13 Kaya gamitin nʼyo ang lahat ng kagamitang pandigma na ibinigay sa inyo ng Dios, para sa oras na dumating ang kasamaan ay magawa ninyong makipaglaban, at pagkatapos ng pakikipaglaban ay manatili pa rin kayong matatag.
14 Kaya maging handa kayo. Gawin ninyong sinturon ang katotohanan. Isuot nʼyo ang pagkamatuwid bilang pananggalang sa dibdib ninyo. 15 Isuot nʼyo bilang sapatos ang pagiging handa sa pangangaral ng Magandang Balita na nagbibigay ng kapayapaan. 16 Hindi lang iyan, gamitin din ninyo bilang panangga ang pananampalataya ninyo para hindi kayo tablan ng mga panunukso ni Satanas na parang mga palasong nagliliyab. 17 Isuot nʼyo bilang helmet ang tinanggap ninyong kaligtasan, at gamitin nʼyo bilang espada ang Salita ng Dios na kaloob ng Banal na Espiritu.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®