Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
8 1 nagtipon silang lahat sa Jerusalem nang may pagkakaisa, doon sa plasa na nasa harapan ng Pintuan ng Tubig. Hiniling nila kay Ezra na tagapagturo ng kautusan na kunin niya at basahin ang Aklat ng Kautusan ni Moises na iniutos ng Panginoon sa mga Israelita.
2-3 Kaya nang araw na iyon, ang unang araw ng ikapitong buwan, dinala ng paring si Ezra ang Kautusan sa harap ng mga tao – mga lalaki, babae, at mga batang nakakaunawa na. Binasa niya ito sa kanila nang malakas mula sa pagsikat ng araw hanggang tanghali, doon sa plasa na nasa harapan ng Pintuan ng Tubig. At pinakinggang mabuti ng lahat ang Aklat ng Kautusan.
5 Nakikita si Ezra ng lahat dahil mataas ang kinatatayuan niya. At nang binuksan niya ang aklat, tumayo ang lahat ng tao. 6 Pinapurihan ni Ezra ang Panginoon, ang makapangyarihang Dios! At sumagot ang mga tao, “Amen! Amen!” habang itinataas nila ang kanilang mga kamay. Pagkatapos, nagpatirapa sila at sumamba sa Panginoon.
8 Bumasa sila mula sa Aklat ng Kautusan ng Dios at ipinaliwanag ang kahulugan nito,[a] para maunawaan ng mga tao.
9 Habang nakikinig ang mga tao sa sinasabi ng Kautusan ay umiiyak sila. Sinabi sa kanila nina Nehemias na gobernador, Ezra na pari at tagapagturo ng kautusan, at ng mga Levita na nagpapaliwanag sa kanila ng Kautusan, “Ang araw na ito ay banal sa Panginoon na inyong Dios, kaya huwag kayong umiyak.” 10 Sinabi pa ni Nehemias, “Magdiwang kayo, kumain ng masasarap na pagkain at uminom ng masasarap na inumin. Bigyan nʼyo ang mga walang pagkain, dahil ang araw na ito ay banal sa Panginoon. At huwag kayong mabalisa, dahil ang kagalakang ibinigay ng Panginoon ay magpapatatag sa inyo.”
Ang Kadakilaan ng Salita ng Dios
19 Ipinapakita ng kalangitan ang kadakilaan ng Dios,
ang gawa ng kanyang kamay.
2 Araw at gabi, ang kalangitan ay parang nagsasabi tungkol sa kanyang kapangyarihan.
3 Kahit na walang salita o tinig kang maririnig,
4 ang kanilang mensahe ay napapakinggan pa rin sa buong daigdig.
Iginawa ng Dios ang araw ng tirahan sa kalangitan.
5 Tuwing umagaʼy sumisikat ang araw,
na parang lalaking bagong kasal na lumalabas sa bahay nila nang may galak.
O katulad din ng isang manlalarong kampeon sa takbuhan, na nasasabik na tumakbo.
6 Itoʼy sumisikat sa silangan, at lumulubog sa kanluran.
At ang kanyang init, hindi mapagtataguan.
Ang Kautusan ng Panginoon
7 Ang kautusan ng Panginoon ay walang kamalian.
Itoʼy nagbibigay sa atin ng bagong kalakasan.
Ang mga turo ng Panginoon ay mapagkakatiwalaan,
at nagbibigay karunungan sa mga walang kaalaman.
8 Ang mga tuntunin ng Panginoon ay tama at sa pusoʼy nagbibigay kagalakan.
Ang mga utos ng Panginoon ay malinaw at nagbibigay liwanag sa kaisipan.
9 Ang pagkatakot sa Panginoon ay nagpapadalisay ng puso; mananatili ito magpakailanman.
Ang mga utos niya ay matuwid at makatarungan.
10 Ang mga itoʼy higit pa kaysa purong ginto,
at mas matamis pa kaysa sa pulot-pukyutan.
11 Ang inyong mga utos Panginoon, ang nagbibigay babala sa akin na inyong lingkod.
May dakilang gantimpala kapag itoʼy sinusunod.
12 Hindi namin napapansin ang aming mga kamalian.
Kaya linisin nʼyo po ako sa mga kasalanang hindi ko nalalaman.
13 Ilayo nʼyo rin ako sa kasalanang sadya kong ginagawa,
at huwag nʼyong payagan na alipinin ako nito.
Para mamuhay akong ganap at walang kapintasan,
at lubos na lalaya sa maraming kasalanan.
14 Sanaʼy maging kalugod-lugod sa inyo Panginoon ang aking iniisip at sinasabi.
Kayo ang aking Bato na kanlungan at Tagapagligtas!
Tayoʼy Bahagi ng Iisang Katawan
12 Ang katawan ng tao ay binubuo ng maraming parte, ngunit iisa pa ring katawan. Ganoon din sa ating mga mananampalataya na siyang katawan ni Cristo. 13 Tayong lahat, Judio man o hindi, alipin o malaya ay nabautismuhan sa iisang Espiritu upang maging isang katawan. At iisang Espiritu rin ang tinanggap nating lahat.
14 Ang katawan ay binubuo ng maraming parte at hindi ng isang parte lamang. 15 Kaya kung sabihin ng paa, “Dahil hindi ako kamay, hindi ako parte ng katawan,” hindi ito nangangahulugang hindi siya parte ng katawan. 16 At kung sabihin naman ng tainga, “Dahil hindi ako mata, hindi ako parte ng katawan,” hindi rin ito nangangahulugang hindi siya parte ng katawan. 17 Dahil kung ang buong katawan ay puro mata, paano ito makakarinig? At kung ang katawan ay puro lang tainga, paano ito makakaamoy? 18 Ngunit nilikha ng Dios ang ating katawan na may ibaʼt ibang parte ayon sa kanyang nais. 19 Kung ang katawan ay binubuo lamang ng isang parte, matatawag pa ba itong katawan? 20 Ang totooʼy ang katawan ay binubuo ng maraming parte, ngunit iisang katawan lamang ito.
21 Kaya hindi maaaring sabihin ng mata sa kamay, “Hindi kita kailangan,” at hindi rin masasabi ng ulo sa paa, “Hindi kita kailangan.” 22 Ang totoo, ang mga parte ng katawan na parang mahina ang siya pang kailangang-kailangan. 23 Ang mga parte ng katawan na sa tingin natin ay hindi gaanong mahalaga ay inaalagaan nating mabuti, at ang mga parteng hindi maganda ay ating pinapaganda. 24 Hindi na kailangang pagandahin ang mga parteng maganda na. Ganoon din nang isaayos ng Dios ang ating katawan, binigyan niya ng karangalan ang mga parteng hindi gaanong marangal, 25 upang hindi magkaroon ng pagkakahati-hati kundi pagmamalasakit sa isaʼt isa. 26 Kaya kung nasasaktan ang isang parte ng katawan, ang ibang parte ay nasasaktan din. At kung ang isang parte ay pinararangalan, ang ibang parte ay natutuwa rin.
27 Kayong lahat ang bumubuo ng katawan ni Cristo, at ang bawat isaʼy parte ng kanyang katawan. 28 At sa katawang ito, na walang iba kundi ang iglesya, naglagay ang Dios ng mga sumusunod: una, mga apostol; pangalawa, mga propeta; pangatlo, mga guro. Naglagay din siya ng mga gumagawa ng mga himala, mga nagpapagaling sa mga may sakit, mga matulungin, mga tagapangasiwa, at mga nagsasalita sa ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan. 29 Alam naman natin na hindi lahat ay apostol; hindi lahat ay propeta o guro. Hindi lahat ay may kapangyarihang gumawa ng mga himala, 30 magpagaling ng mga may sakit, makapagsalita sa ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan o magpaliwanag nito. 31 Ngunit sikapin ninyong makamtan ang mas mahalagang mga kaloob. At ngayon ay ituturo ko sa inyo ang pinakamabuti sa lahat.
Sinimulan ni Jesus ang Kanyang Gawain(A)
14 Bumalik si Jesus sa Galilea na taglay ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Kumalat sa lahat ng lugar doon ang balita tungkol sa kanya. 15 Nagturo siya sa mga sambahan ng mga Judio, at pinuri siya ng lahat.
Hindi Tinanggap si Jesus sa Nazaret(B)
16 Umuwi si Jesus sa Nazaret, sa bayang kinalakihan niya. At katulad ng nakaugalian niya, pumunta siya sa sambahan ng mga Judio sa Araw ng Pamamahinga. Tumayo siya upang bumasa ng Kasulatan. 17 Ibinigay sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Binuksan niya ito at pagkakita sa bahagi ng Kasulatan na kanyang hinahanap, binasa niya ito na nagsasabing:
18 “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon,
dahil pinili niya ako upang ipangaral sa mga dukha ang Magandang Balita.
Sinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na malaya na sila,
at sa mga bulag na makakakita na sila.
Sinugo rin niya ako upang palayain ang mga inaapi,
19 at ipahayag na dumating na ang panahon ng pagliligtas ng Panginoon.”[a]
20 Pagkatapos, ibinilot ni Jesus ang Kasulatan at isinauli sa tagapag-ingat nito. Umupo siya para magsimulang mangaral. Nakatingin sa kanya ang lahat ng naroon. 21 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang bahaging ito ng Kasulatan ay natupad na sa araw na ito habang nakikinig kayo.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®