Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Pagpupuri
145 Ako ay magpupuri sa inyo, aking Dios at Hari.
Pupurihin ko kayo magpakailanman.
2 Pupurihin ko kayo araw-araw,
at itoʼy gagawin ko magpakailanman.
3 Panginoon, kayoʼy makapangyarihan at karapat-dapat na purihin.
Ang inyong kadakilaan ay hindi kayang unawain.
4 Ang bawat salinlahi ay magsasabi sa susunod na salinlahi ng tungkol sa inyong makapangyarihang gawa.
5 Pagbubulay-bulayan ko ang inyong kadakilaan at kapangyarihan, at ang inyong kahanga-hangang mga gawa.
6 Ipamamalita ng mga tao ang inyong kapangyarihan at kahanga-hangang mga gawa,
at ipamamalita ko rin ang inyong kadakilaan.
7 Ipamamalita nila ang katanyagan ng inyong kabutihan,
at aawit sila nang may kagalakan tungkol sa inyong katuwiran.
8 Panginoon, kayoʼy mahabagin at matulungin;
hindi madaling magalit at sagana sa pagmamahal.
9 Panginoon, mabuti kayo sa lahat;
nagmamalasakit kayo sa lahat ng inyong nilikha.
10 Pasasalamatan kayo, Panginoon, ng lahat ng inyong nilikha;
pupurihin kayo ng inyong mga tapat na mamamayan.
11 Ipamamalita nila ang inyong kapangyarihan at ang kadakilaan ng inyong paghahari,
12 upang malaman ng lahat ang inyong dakilang mga gawa at ang kadakilaan ng inyong paghahari.
13 Ang inyong paghahari ay magpakailanman.
Panginoon, tapat kayo sa inyong mga pangako,
at mapagmahal kayo sa lahat ng inyong nilikha.
14 Tinutulungan nʼyo ang mga dumaranas ng kahirapan,
at pinalalakas ang mga nanghihina.
15 Ang lahat ng nilalang na may buhay ay umaasa sa inyo,
at binibigyan nʼyo sila ng pagkain sa panahong kailangan nila.
16 Sapat ang inyong ibinibigay at silaʼy lubos na nasisiyahan.
17 Panginoon, matuwid kayo sa lahat ng inyong pamamaraan,
at matapat sa lahat ng inyong ginagawa.
18 Kayoʼy malapit sa lahat ng tapat na tumatawag sa inyo.
19 Ibinibigay nʼyo ang nais ng mga taong may takot sa inyo;
pinapakinggan nʼyo ang kanilang mga daing at inililigtas nʼyo sila.
20 Binabantayan nʼyo ang mga umiibig sa inyo,
ngunit ang masasama ay lilipulin ninyo.
21 Pupurihin ko kayo, Panginoon!
Ang lahat ng nilikha ay magpupuri sa inyo magpakailanman.
Lalaki
4 Napakaganda mo, O irog ko. Ang mga mata mong natatakpan ng belo ay parang mga mata ng kalapati. Ang buhok moʼy parang kawan ng kambing na pababa sa Bundok ng Gilead. 2 Ang mga ngipin moʼy kasimputi ng tupang bagong gupit at pinaliguan. Buong-buo at maganda ang pagkakahanay. 3 Ang mga labi moʼy parang pulang laso, tunay ngang napakaganda. Ang mga pisngi mong natatakpan ng beloʼy mamula-mula na parang bunga ng pomegranata. 4 Ang leeg moʼy kasingganda ng tore ni David. Napapalamutian ng kwintas na tila isang libong kalasag ng mga kawal. 5 Ang dibdib moʼy kasing tikas ng tindig ng kambal na batang usa na nanginginain sa gitna ng mga liryo. 6 Bago magbukang-liwayway at bago mawala ang dilim, mananatili ako sa dibdib mong tila mga bundok na pinabango ng mira at insenso. 7 O irog ko, ang lahat sa iyoʼy maganda. Walang maipipintas sa iyo.
8 O aking magiging kabiyak, sumama ka sa akin mula sa Lebanon. Bumaba tayo mula sa tuktok ng mga bundok ng Amana, Senir at Hermon, na tinitirhan ng mga leopardo at leon.
3 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Mga Pagpapala Mula kay Cristo
4 Lagi akong nagpapasalamat sa Dios dahil sa mga pagpapalang ibinigay niya sa inyo sa pamamagitan ng inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus. 5 Sapagkat sa inyong pakikipag-isa sa kanya, pinalago kayo ng Dios sa lahat ng bagay – sa pananalita at kaalaman. 6 Dahil dito, napatunayan sa inyo na ang mga itinuro namin tungkol kay Cristo ay totoo. 7 Kaya hindi kayo kinukulang sa anumang kaloob na espiritwal habang hinihintay ninyo ang pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 8 Pananatilihin niya kayong matatag sa pananampalataya hanggang sa katapusan, upang kayoʼy maging walang kapintasan sa araw ng kanyang pagdating. 9 Tapat ang Dios na tumawag sa inyo upang makipag-isa sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo na ating Panginoon.
Dapat Magkaisa ang mga Mananampalataya
10 Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na magkaisa kayong lahat, na walang hidwaang mamagitan sa inyo. Magkaisa kayo sa isip at layunin. 11 Sinasabi ko ito, dahil may nagbalita sa akin mula sa tahanan ni Cloe na may mga nag-aalitan sa inyo. 12 Ito ang ibig kong sabihin: Ang iba daw sa inyo ay nagsasabi, “Kay Pablo ako”; ang iba naman ay “Kay Apolos ako.” May iba ring nagsasabi, “Kay Pedro[a] ako”; at ang iba naman ay “Kay Cristo ako.” 13 Bakit, nahahati ba si Cristo? Si Pablo ba ang ipinako sa krus para sa inyo? Binautismuhan ba kayo sa pangalan ni Pablo?
14 Salamat sa Dios at wala akong binautismuhan sa inyo maliban kina Crispus at Gaius. 15 Kaya walang makapagsasabing binautismuhan kayo sa pangalan ko. 16 (Binautismuhan ko rin pala si Stefanas at ang kanyang pamilya. Maliban sa kanila, wala na akong natatandaang binautismuhan ko.) 17 Sapagkat hindi ako isinugo ni Cristo upang magbautismo, kundi upang mangaral ng Magandang Balita. At hindi ko ito ginagawa sa pamamagitan ng mahusay na pananalita at karunungan ng tao, upang hindi mawalan ng kapangyarihan ang pagkamatay ni Cristo sa krus.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®