Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
5 Panginoon, ang inyong pag-ibig at katapatan
ay umaabot hanggang sa kalangitan.
6 Ang inyong katuwiran ay kasintatag ng kabundukan.
Ang inyong paraan ng paghatol ay sinlalim ng karagatan.
Ang mga tao o hayop man ay inyong iniingatan, O Panginoon.
7 Napakahalaga ng pag-ibig nʼyong walang hanggan, O Dios!
Nakakahanap ang tao ng pagkalinga sa inyo,
tulad ng pagkalinga ng inahing manok
sa kanyang mga inakay sa ilalim ng kanyang pakpak.
8 Sa inyong tahanan ay pinakakain nʼyo sila ng masaganang handa,
at pinaiinom nʼyo sila sa inyong ilog ng kaligayahan.
9 Dahil kayo ang nagbibigay ng buhay.
Pinapaliwanagan nʼyo kami,
at naliliwanagan ang aming isipan.
10 Patuloy nʼyong ibigin ang mga kumikilala sa inyo,
at bigyan nʼyo ng katarungan ang mga namumuhay nang matuwid.
19 Ako mismo ang nagsasabi, ‘Natutuwa ako na ituring kayong mga anak ko at bigyan ng magandang lupain na pinakamagandang pamana sa buong mundo.’ At akala koʼy tatawagin ninyo akong ‘Ama’ at hindi na kayo hihiwalay sa akin. 20 Pero kayong mga mamamayan ng Israel ay nagtaksil sa akin, tulad ng babaeng nagtaksil sa asawa niya. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
21 “May naririnig na mga ingay sa itaas ng bundok. Nag-iiyakan at nagmamakaawa ang mga mamamayan ng Israel dahil naging masama ang kanilang pamumuhay at kinalimutan nila ako, ang Panginoon na kanilang Dios. 22 Kayong mga naliligaw kong anak, manumbalik kayo sa akin at itutuwid ko ang inyong kataksilan.
“Sumagot sila, ‘Opo, lalapit po kami sa inyo dahil kayo ang Panginoon naming Dios. 23 Talagang mali po ang pagsamba namin sa mga dios-diosan sa mga bundok. Sa inyo lamang ang kaligtasan ng Israel, Panginoon naming Dios. 24 Mula po sa kabataan namin, ang mga nakakahiyang dios-diosan ang nakinabang sa mga pinaghirapan ng mga ninuno namin ang mga hayop at anak nila. 25 Dapat nga po kaming magtago dahil sa hiya dahil kami at ang mga ninuno namin ay nagkasala sa inyo, Panginoon naming Dios. Mula sa kabataan namin hanggang ngayon, hindi po kami sumunod sa inyo.’ ”
Tungkol sa Pag-aasawa
7 Ngayon, ito naman ang masasabi ko tungkol sa mga bagay na isinulat ninyo sa akin. Mas makabubuti sa isang lalaki kung hindi na lang mag-aasawa. 2 Ngunit dahil sa marami ang natutuksong gumawa ng sekswal na imoralidad, mas mabuti pa na mag-asawa na lang ang bawat lalaki o babae. 3 Dapat tuparin ng lalaki ang kanyang tungkulin sa kanyang asawa, at ganoon din naman ang babae. 4 Sapagkat ang lalaki ay may karapatan sa katawan ng kanyang asawa. At ganoon din naman, ang babae sa kanyang asawa. 5 Kaya huwag ninyong ipagkait ang pagsiping sa inyong asawa, maliban na lamang kung napagkasunduan ninyong ipagpaliban ito, upang mailaan ninyo ang inyong mga sarili sa pananalangin. Ngunit pagkalipas ng inyong pinagkasunduan, magsiping na uli kayo dahil baka hindi na kayo makapagpigil at matukso kayo ni Satanas.
6 Ang sinasabi koʼy hindi isang utos kundi mungkahi lamang. 7 Kung pwede lang, gusto ko sanang kayong lahat ay maging katulad ko na walang asawa. Ngunit may kanya-kanyang kaloob sa atin ang Dios, at hindi ito pare-pareho.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®