Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
62 Dahil sa mahal ko ang Jerusalem, hindi ako tatahimik hanggaʼt hindi dumarating ang kanyang tagumpay at katuwiran na parang nagbubukang-liwayway; at hanggang sa mapasakanya ang kanyang kaligtasan na parang nagniningas na sulo. 2 O Jerusalem, makikita ng mga bansa at ng kanilang mga hari ang iyong tagumpay, katuwiran, at ang iyong kapangyarihan. Bibigyan ka ng Panginoon ng bagong pangalan. 3 Ikaw ay magiging parang koronang maganda sa kamay ng Panginoon na iyong Dios. 4 Hindi ka na tatawaging, “Itinakwil” o “Pinabayaan”. Ikaw ay tatawaging, “Kaligayahan ng Dios” o “Ikinasal sa Dios”, dahil nalulugod sa iyo ang Dios at para bang ikaw ay ikakasal sa kanya. 5 Siya na lumikha sa iyo[a] ay magpapakasal sa iyo na parang isang binata na ikakasal sa isang birhen. At kung papaanong ang nobyo ay nagagalak sa kanyang nobya, ang iyong Dios ay nagagalak din sa iyo.
5 Panginoon, ang inyong pag-ibig at katapatan
ay umaabot hanggang sa kalangitan.
6 Ang inyong katuwiran ay kasintatag ng kabundukan.
Ang inyong paraan ng paghatol ay sinlalim ng karagatan.
Ang mga tao o hayop man ay inyong iniingatan, O Panginoon.
7 Napakahalaga ng pag-ibig nʼyong walang hanggan, O Dios!
Nakakahanap ang tao ng pagkalinga sa inyo,
tulad ng pagkalinga ng inahing manok
sa kanyang mga inakay sa ilalim ng kanyang pakpak.
8 Sa inyong tahanan ay pinakakain nʼyo sila ng masaganang handa,
at pinaiinom nʼyo sila sa inyong ilog ng kaligayahan.
9 Dahil kayo ang nagbibigay ng buhay.
Pinapaliwanagan nʼyo kami,
at naliliwanagan ang aming isipan.
10 Patuloy nʼyong ibigin ang mga kumikilala sa inyo,
at bigyan nʼyo ng katarungan ang mga namumuhay nang matuwid.
Mga Kaloob ng Banal na Espiritu
12 Ngayon, mga kapatid, nais kong maunawaan ninyo ang tungkol sa mga kaloob ng Banal na Espiritu. 2 Alam naman ninyo na noong hindi pa kayo nakakakilala sa Dios, iniligaw kayo upang sumamba sa mga dios-diosan, na hindi naman nakakapagsalita. 3 Kaya gusto kong malaman ninyo na walang taong pinapatnubayan ng Espiritu ng Dios ang magsasabi, “Sumpain si Jesus!” At wala ring taong makapagsasabi na, “Si Jesus ay Panginoon,” kung hindi siya pinapatnubayan ng Banal na Espiritu.
4 May ibaʼt iba tayong kaloob, ngunit iisa lang ang Espiritung pinagmulan nito. 5 May ibaʼt ibang paraan ng paglilingkod, ngunit iisa lang ang Panginoong pinaglilingkuran natin. 6 Ibaʼt iba ang ipinapagawa ng Dios sa atin, ngunit iisa lang ang Dios na nagbibigay sa atin ng kakayahang gawin ang mga ito. 7 Ang bawat isa ay binigyan ng kakayahan na nagpapakita na sumasakanya ang Banal na Espiritu, upang makatulong siya sa kapwa niya mananampalataya. 8 Sa isaʼy ipinagkaloob ng Espiritu ang kakayahang maghayag ng kaalaman tungkol sa Dios, at sa isa naman ay ang kakayahang unawain ito. 9 Ang ibaʼy pinagkalooban ng Espiritu ng malaking pananalig sa Dios, at ang iba naman ay binigyan ng kakayahang magpagaling sa mga may sakit. 10 Ang ibaʼy pinagkalooban ng Espiritu ng kapangyarihang gumawa ng mga himala, at ang iba naman ay binigyan ng kakayahang maghayag ng mensahe ng Dios. Mayroon namang pinagkalooban ng kakayahang makakilala kung ang kapangyarihan ng isang tao ay mula sa Banal na Espiritu o sa masasamang espiritu. Sa ibaʼy ipinagkaloob ang kakayahang magsalita sa ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan, at sa iba naman ay ang kakayahang maipaliwanag ang sinasabi ng mga wikang iyon. 11 Ngunit iisang Espiritu lang ang nagbigay ng lahat ng ito, at ipinamamahagi niya sa bawat tao ayon sa kanyang kagustuhan.
Ang Kasalan sa Cana
2 Pagkalipas ng dalawang araw, may ginanap na kasalan sa bayan ng Cana na sakop ng Galilea. Naroon ang ina ni Jesus. 2 Inimbita rin si Jesus at ang mga tagasunod niya. 3 Nang maubos ang alak sa handaan, sinabi ng ina ni Jesus sa kanya, “Naubusan sila ng alak.” 4 Sumagot si Jesus, “Babae,[a] huwag po ninyo akong pangunahan. Hindi pa po dumarating ang panahon ko.” 5 Sinabi ng ina ni Jesus sa mga katulong, “Sundin ninyo ang anumang iutos niya.”
6 May anim na tapayan doon na ginagamit ng mga Judio sa ritwal nilang paghuhugas.[b] Ang bawat tapayan ay naglalaman ng 20 hanggang 30 galon ng tubig. 7 Sinabi ni Jesus sa mga katulong, “Punuin ninyo ng tubig ang mga tapayan.” At pinuno nga nila ang mga ito. 8 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumalok kayo at dalhin sa namamahala ng handaan.” Sumalok nga sila at dinala sa namamahala. 9 Tinikman ng namamahala ang tubig na naging alak. Hindi niya alam kung saan nanggaling ang alak. (Pero alam ito ng mga katulong na sumalok ng tubig.) Kaya ipinatawag niya ang lalaking ikinasal 10 at sinabi, “Karaniwan, ang pinakamainam na alak muna ang inihahanda, at kapag marami nang nainom ang mga tao, saka naman inilalabas ang ordinaryong alak. Pero iba ka, dahil ngayon mo lang inilabas ang espesyal na alak.”
11 Ang nangyaring ito sa Cana, Galilea ay ang unang himala na ginawa ni Jesus. Sa ginawa niyang ito, ipinakita niya ang kanyang kapangyarihan, at sumampalataya sa kanya ang mga tagasunod niya.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®