Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 63

Pananabik sa Dios

63 O Dios, kayo ang aking Dios.
    Hinahanap-hanap ko kayo.
    Nananabik ako sa inyo nang buong pusoʼt kaluluwa,
    na tulad ng lupang tigang sa ulan.
Nakita ko ang inyong kapangyarihan at kaluwalhatian sa inyong templo.
Ang inyong pag-ibig ay mahalaga pa kaysa sa buhay,
    kaya pupurihin ko kayo.
Pasasalamatan ko kayo habang akoʼy nabubuhay.
    Itataas ko ang aking mga kamay sa paglapit sa inyo.
Masisiyahan ako tulad ng taong nabusog sa malinamnam na handaan.
    At magpupuri ako sa inyo ng awit ng kagalakan[a]
Sa aking paghiga, kayo ang naaalala ko.
    Sa buong magdamag kayo ang iniisip ko.
Dahil kayo ang tumutulong sa akin, aawit[b] ako,
    habang akoʼy nasa inyong pangangalaga.[c]
Lumapit ako sa inyo at inalalayan nʼyo ako ng inyong kanang kamay upang hindi ako mapahamak.
Ngunit silang nagtatangka sa aking buhay ay mapupunta sa lugar ng mga patay.
10 Mamamatay sila sa labanan at ang kanilang mga bangkay ay kakainin ng mga asong-gubat.[d]
11 Matutuwa ang hari sa ginawa ng Dios sa kanya.
    Matutuwa rin ang mga nangako sa Panginoon.
    Ngunit ang lahat ng sinungaling ay patatahimikin ng Panginoon!

2 Samuel 2:1-7

Ginawang Hari ng Juda si David

Pagkatapos nito, nagtanong si David sa Panginoon, “Pupunta po ba ako sa isa sa mga bayan ng Juda?” Sumagot ang Panginoon, “Pumunta ka.” Muling nagtanong si David, “Saan po roon?” Sumagot ang Panginoon, “Sa Hebron.” Kaya pumunta roon si David kasama ang dalawa niyang asawang sina Ahinoam na taga-Jezreel at Abigail na biyuda ni Nabal na taga-Carmel. Isinama rin ni David ang mga tauhan niya at mga pamilya nila, at doon sila tumira sa Hebron at sa mga lugar sa paligid nito. Di nagtagal, pumunta ang mga pinuno ng Juda sa Hebron, at pinahiran ng langis ang ulo ni David bilang pagkilala na siya na ang hari ng Juda.

Nang mabalitaan ni David na ang mga taga-Jabes Gilead ang naglibing kay Saul, nagpadala siya ng mga mensahero na nagsabi, “Pagpalain sana kayo ng Panginoon sa ipinakita nʼyong kabutihan kay Saul na hari ninyo sa pamamagitan ng paglilibing sa kanya. Ipakita sana ng Panginoon ang pagmamahal at katapatan niya sa inyo, at ipapakita ko rin sa inyo ang kabutihan ko dahil sa ginawa ninyo. At ngayon, magpakatatag kayo at lakasan nʼyo ang loob nʼyo kahit patay na ang hari[a] ninyong si Saul. Ako naman ay pinili ng mga taga-Juda bilang kanilang hari.”

Juan 16:25-33

Napagtagumpayan ni Jesus ang Kapangyarihan ng Mundo

25 “Sinasabi ko sa inyo ang mga ito sa pamamagitan ng mga talinghaga, pero darating ang panahon na hindi na ako magsasalita sa inyo nang ganito. Sa halip, tuwiran ko nang sasabihin sa inyo ang tungkol sa Ama. 26 Sa araw ding iyon, kayo na mismo ang hihingi sa Ama sa pamamagitan ng aking pangalan. Hindi na kailangang ako pa ang humingi sa Ama para sa inyo. 27 Sapagkat kayo mismo ay minamahal ng Ama, dahil minamahal nʼyo ako at naniniwala kayo na nagmula ako sa Dios. 28 Galing ako sa Ama at naparito ako sa mundo. Pero ngayon ay aalis na ako at babalik na sa Ama.”

29 Sinabi ng mga tagasunod niya, “Ngayon poʼy nagsasalita na kayo sa amin nang malinaw at hindi sa pamamagitan ng talinghaga. 30 Ngayon alam na namin na alam nʼyo ang lahat ng bagay, dahil kahit hindi namin kayo tinatanong, alam nʼyo kung ano ang itatanong namin. Kaya naniniwala kami na galing kayo sa Dios.” 31 Sumagot si Jesus sa kanila, “Kung ganoon, sumasampalataya na ba kayo ngayon sa akin? 32 Pero darating ang oras, at dumating na nga, na magkakawatak-watak kayo at magkakanya-kanya, at iiwan nʼyo akong nag-iisa. Ngunit kahit iwan nʼyo ako, hindi ako nag-iisa dahil kasama ko ang Ama. 33 Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito para magkaroon kayo ng kapayapaan sa akin.[a] Daranas kayo ng paghihirap dito sa mundo,[b] pero magpakatatag kayo dahil nagtagumpay na ako laban sa kapangyarihan ng mundo.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®