Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Samuel 1:4-20

Sa tuwing maghahandog si Elkana, hinahati niya ang ibang bahagi ng kanyang handog para kay Penina at sa mga anak niya. Pero doble ang bahagi na ibinibigay niya kay Hanna dahil mahal niya ito kahit hindi siya nagkakaanak, dahil ginawa siyang baog ng Dios. At dahil hindi nga siya magkaanak, lagi siyang iniinis at hinihiya ni Penina na kanyang karibal. Ganito ang laging nangyayari taun-taon. Sa tuwing pupunta si Hanna sa bahay ng Panginoon, iniinis siya ni Penina hanggang sa umiyak na lang siya at hindi na kumain. Sinasabi ni Elkana sa kanya, “Bakit ka umiiyak? Bakit ayaw mong kumain? Bakit ka malungkot? Mas mahalaga ba para sa iyo ang sampung anak kaysa sa akin?”

9-10 Minsan, pagkatapos nilang kumain sa bahay ng Panginoon sa Shilo, tumayo si Hanna at nanalangin nang umiiyak dahil sa labis na kalungkutan. Nakaupo noon ang pari na si Eli sa may pintuan ng bahay ng Panginoon.[a] 11 Nangako si Hanna sa Panginoon. Sinabi niya, “O Panginoong Makapangyarihan, tingnan po ninyo ang aking paghihirap. Alalahanin ninyo ang inyong lingkod at huwag ninyo akong kalimutan. Kung bibigyan nʼyo po ako ng isang anak na lalaki, ihahandog ko siya sa inyo para maglingkod sa inyo sa buong buhay niya. At bilang tanda nang lubos niyang pagsunod sa inyo, hindi ko po pagugupitan ang kanyang buhok.”

12-13 Habang patuloy siyang nananalangin sa Panginoon, nakita ni Eli na bumubuka ang bibig ni Hanna pero hindi naririnig ang kanyang boses. Inakala ni Eli na lasing si Hanna, 14 kaya sinabi niya sa kanya, “Hanggang kailan ka maglalasing? Tigilan mo na ang pag-inom!” 15 Sumagot si Hanna, “Hindi po ako lasing, at hindi po ako nakainom ng kahit anong klase ng inumin. Ibinubuhos ko lang po sa Panginoon ang paghihirap na aking nararamdaman. 16 Huwag po ninyong isipin na masama akong babae. Nananalangin po ako rito dahil sa labis na kalungkutan.”

17 Sinabi ni Eli, “Sige, umuwi kang mapayapa. Sanaʼy ipagkaloob ng Dios ng Israel ang hinihiling mo sa kanya.” 18 Sumagot si Hanna, “Salamat po sa kabutihan ninyo sa akin.” Pagkatapos ay umalis na siya at kumain, at nawala na ang lungkot sa kanyang mukha.

19 Kinabukasan, maagang bumangon si Elkana at ang kanyang pamilya, at silaʼy sumamba sa Panginoon. Pagkatapos ay umuwi sila sa bahay nila sa Rama. Sinipingan ni Elkana si Hanna at sinagot ng Panginoon ang panalangin ni Hanna na bigyan siya ng anak. 20 At dumating ang panahon na nagbuntis siya at nanganak ng isang lalaki. Pinangalanan niya itong Samuel,[b] dahil sinabi niya, “Hiningi ko siya sa Panginoon.”

1 Samuel 2:1-10

Ang Panalangin ni Hanna

At nanalangin si Hanna,

“Nagagalak ako sa Panginoon!
Dahil sa kanyang ginawa, hindi na ako mahihiya.
Tinatawanan ko ngayon ang aking mga kaaway.
Nagagalak ako sa pagliligtas niya sa akin.
Walang ibang banal maliban sa Panginoon.
Wala siyang katulad.
Walang Bato na kanlungan tulad ng ating Dios.
Walang sinumang makapagyayabang dahil alam ng Panginoong Dios ang lahat ng bagay,
at hinahatulan niya ang mga gawa ng tao.
Nililipol niya ang mga makapangyarihan,
ngunit pinalalakas niya ang mahihina.
Ang mayayaman noon, ngayon ay nagtatrabaho para lang may makain.
Ngunit ang mahihirap noon ay sagana na ngayon.
Ang dating baog ay marami nang anak.[a]
Ngunit ang may maraming anak ay nawalan ng mga ito.
May kapangyarihan ang Panginoon na patayin o buhayin ang tao.
May kapangyarihan siyang ilagay sila sa lugar ng mga patay o kunin sila roon.
Ang Panginoon ang nagpapadukha at nagpapayaman.
Itinataas niya ang iba at ang iba naman ay kanyang ibinababa.
Ibinabangon niya ang mga mahihirap sa kanilang kahirapan.
Pinapaupo niya sila kasama ng mga maharlika at pinararangalan.
Sa kanya ang pundasyon na kinatatayuan ng mundo.
Iniingatan niya ang tapat niyang mamamayan.
Ngunit lilipulin niya ang masasama.
Walang sinumang magtatagumpay sa pamamagitan ng sarili niyang kalakasan.
10 Dudurugin niya ang kanyang mga kaaway.
Padadagundungin niya ang langit laban sa kanila.
Ang Panginoon ang hahatol sa buong mundo.[b]
Dahil sa kanya, magiging makapangyarihan at laging magtatagumpay ang haring kanyang hinirang.”

Hebreo 10:11-14

11 Naglilingkod ang mga pari araw-araw, at paulit-ulit na nag-aalay ng ganoon ding mga handog, na hindi naman nakapag-aalis ng kasalanan. 12 Ngunit si Cristo ay minsan lamang naghandog para sa ating mga kasalanan, at hindi na ito mauulit kailanman. Pagkatapos nito, umupo na siya sa kanan ng Dios. 13 At hinihintay na lang niya ngayon ang panahong pasukuin sa kanya ng Dios ang mga kaaway niya. 14 Kaya sa pamamagitan lang ng minsang paghahandog, ginawa niyang ganap magpakailanman ang mga pinabanal[a] niya.

Hebreo 10:15-18

15 Ang Banal na Espiritu mismo ang nagpapatotoo tungkol dito. Sapagkat sinabi niya,

16 “ ‘Ganito ang bagong kasunduan na gagawin ko sa kanila sa darating na panahon,’ sabi ng Panginoon:
    ‘Ilalagay ko ang aking mga utos sa puso nila at itatanim ko ang mga ito sa kanilang isipan.’ ”[a]

17 Dagdag pa niya, “Tuluyan ko nang lilimutin ang mga kasalanan at kasamaan nila.”[b] 18 At dahil napatawad na ang mga kasalanan natin, hindi na natin kailangan pang maghandog para sa ating mga kasalanan.

Hebreo 10:19-25

Lumapit Tayo sa Dios

19 Kaya mga kapatid, malaya na tayong makakapasok sa Pinakabanal na Lugar dahil sa dugo ni Jesus. 20 Sa pamamagitan ng paghahandog ng kanyang katawan, binuksan niya para sa atin ang bagong daan patungo sa Pinakabanal na Lugar na nasa kabila ng tabing. At ang daang ito ang nagdadala sa atin sa buhay na walang hanggan. 21 At dahil mayroon tayong dakilang punong pari na namamahala sa pamilya ng Dios, 22 lumapit tayo sa kanya nang may tapat na puso at matatag na pananampalataya, dahil nilinis[a] na ng dugo ni Jesus ang mga puso natin mula sa maruming pag-iisip, at nahugasan na ang mga katawan natin ng malinis na tubig. 23 Magpakatatag tayo sa pag-asa natin at huwag tayong mag-alinlangan, dahil tapat ang Dios na nangako sa atin. 24 At sikapin nating mahikayat ang isaʼt isa sa pagmamahalan at sa paggawa ng kabutihan. 25 Huwag nating pababayaan ang mga pagtitipon natin gaya ng nakaugalian na ng ilan. Sa halip, palakasin natin ang loob ng bawat isa, lalo na ngayong nalalapit na ang huling araw.

Marcos 13:1-8

Sinabi ni Jesus ang tungkol sa Pagkawasak ng Templo(A)

13 Nang paalis na sina Jesus sa templo, sinabi ng isa sa mga tagasunod niya, “Guro, tingnan nʼyo po ang templo. Kay laki ng mga ginamit na bato at napakaganda ng pagkakagawa.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ang templong ito na nakikita ninyo ngayon, na gawa sa malalaking bato, ay siguradong magigiba at walang maiiwang magkapatong na bato!”

Mga Paghihirap at Pag-uusig na Darating(B)

Habang nakaupo si Jesus sa isang lugar sa Bundok ng mga Olibo na nakaharap sa templo, tinanong siya nang sarilinan nina Pedro, Santiago, Juan at Andres, “Sabihin ninyo sa amin kung kailan mangyayari ang sinabi ninyo? At ano ang mga palatandaan kung malapit nang mangyari ang lahat ng ito?”

Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo at huwag palilinlang kaninuman. Sapagkat marami ang darating at magsasabi na sila ang Cristo,[a] at marami ang ililigaw nila. Kapag nakarinig kayo ng mga digmaan malapit sa inyo, at nakabalitang may digmaan din sa malayo, huwag kayong matakot. Kinakailangang mangyari ang mga iyan, ngunit hindi pa ito ang katapusan. Sapagkat magdidigmaan ang mga bansa at mga kaharian. Lilindol sa ibaʼt ibang lugar at magkakaroon ng taggutom. Ang mga itoʼy pasimula pa lang ng mga paghihirap na darating.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®