Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 3

Panalangin sa Oras ng Panganib

Panginoon, kay dami kong kaaway;
    kay daming kumakalaban sa akin!
Sinasabi nilang hindi nʼyo raw ako ililigtas.
Ngunit kayo ang aking kalasag.
    Pinalalakas nʼyo ako at pinagtatagumpay sa aking mga kaaway.
Tumawag ako sa inyo Panginoon at sinagot nʼyo ako mula sa inyong banal[a] na bundok.
At dahil iniingatan nʼyo ako, nakakatulog ako at nagigising pa.
Hindi ako matatakot kahit ilang libo pang kaaway ang nakapalibot sa akin.

Pumarito kayo, Panginoon!
    Iligtas nʼyo po ako, Dios ko,
    dahil noon ay inilagay nʼyo sa kahihiyan ang lahat ng mga kaaway ko,
    at inalis mo sa mga masamang tao ang kanilang kakayahang saktan ako.
Kayo, Panginoon, ang nagliligtas.
    Kayo rin po ang nagpapala sa inyong mga mamamayan.

Deuteronomio 26:5-10

At sasabihin ninyo ito sa presensya ng Panginoon na inyong Dios, ‘Ang amin pong ninuno na si Jacob ay isang Arameong walang permanenteng tirahan. Pumunta siya sa Egipto at nanirahan doon kasama ang kanyang pamilya. Kaunti lang sila noon, pero dumami sila at nang bandang huli ay naging makapangyarihang bansa. Ngunit pinagmalupitan po kami ng mga Egipcio. Pinahirapan nila kami at pinilit na magtrabaho. Humingi kami ng tulong sa inyo, Panginoon, ang Dios ng aming mga ninuno, at pinakinggan nʼyo kami. Nakita nʼyo ang mga paghihirap, mga pagtitiis at pagpapakasakit namin. Kaya kinuha nʼyo kami sa Egipto, Panginoon na aming Dios, sa pamamagitan ng dakila nʼyong kapangyarihan at nakakatakot na mga gawa. Gumawa kayo ng himala at mga kamangha-manghang bagay. Dinala nʼyo kami sa lugar na ito, at ibinigay sa amin ang maganda at masaganang lupain[a] na ito. 10 Kaya heto po kami ngayon, O Panginoon, dinadala namin ang unang bahagi ng ani ng lupaing ibinigay ninyo sa amin.’ Pagkatapos ninyo itong sabihin, ilagay ninyo ang basket sa presensya ng Panginoon na inyong Dios, at sumamba kayo sa kanya.

Hebreo 10:32-39

32 Alalahanin nʼyo ang nakaraang panahon, noong una kayong naliwanagan. Dumaan kayo sa matinding hirap, pero tiniis nʼyo ito at hindi kayo nadaig. 33 Kung minsan, inaalipusta kayo at pinag-uusig sa harapan ng mga tao. At kung minsan namaʼy dinadamayan nʼyo ang mga kapatid na dumaranas ng ganitong pagsubok. 34 Dinadamayan nʼyo ang mga kapatid na nakabilanggo. At kahit inagawan kayo ng mga ari-arian, tiniis nʼyo ito nang may kagalakan dahil alam ninyong mayroon kayong mas mabuting kayamanan na hindi mawawala kailanman. 35 Kaya huwag kayong mawawalan ng pananalig sa Dios, dahil may malaking gantimpalang nakalaan para sa inyo. 36 Kailangan ninyong magtiis para masunod nʼyo ang kalooban ng Dios, at matanggap nʼyo ang ipinangako niya. 37 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan,

    “Sandaling panahon na lang at darating na siya. Hindi na siya magtatagal.
38 At mabubuhay ang taong itinuring kong matuwid dahil sa pananampalataya niya. Ngunit kung tumalikod siya sa akin, hindi ko na siya kalulugdan.”[a]

39 Ngunit hindi tayo kabilang sa mga tumatalikod sa Dios at napapahamak, kundi kabilang tayo sa mga sumasampalataya at naliligtas.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®