Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Papuri sa Templo ng Dios
132 Panginoon, huwag nʼyong kalilimutan si David at ang lahat ng paghihirap na kanyang tiniis.
2 Alalahanin nʼyo ang pangako niya sa inyo Panginoon, kayo na Makapangyarihang Dios ni Jacob.
Ipinangako niya,
3 “Hindi ako uuwi o mahihiga man sa aking higaan
4 o matulog
5 hanggaʼt hindi ako nakakakita ng lugar na matitirhan ng Panginoon, ang Makapangyarihang Dios ni Jacob.”
6 Nang kami ay nasa Efrata nabalitaan namin kung nasaan ang Kaban ng Kasunduan,
at natagpuan namin ito sa kapatagan ng Jaar.
7 Sinabi namin, “Pumunta tayo sa tirahan ng Panginoon, at sumamba tayo sa kanya sa harap ng kanyang trono.”
8 Sige na po Panginoon, pumunta na kayo sa inyong templo kasama ng Kaban ng Kasunduan na sagisag ng inyong kapangyarihan.
9 Sanaʼy palaging mamuhay ng matuwid ang inyong mga pari,
at umawit nang may kagalakan ang inyong mga tapat na mamamayan.
10 Alang-alang kay David na inyong lingkod,
huwag nʼyong itatakwil ang haring inyong hinirang.
11 Nangako kayo noon kay David,
at itoʼy tiyak na inyong tutuparin at hindi babawiin.
Sinabi nʼyo, “Isa sa iyong angkan ang papalit sa iyo bilang hari.
12 At kung ang mga hari na nagmula sa iyong angkan ay susunod sa aking kasunduan at mga turo sa kanila,
ang kanilang mga anak ay maghahari rin magpakailanman.”
13 Hinangad at pinili ng Panginoon ang Zion na maging tahanan niya.
Sinabi niya,
14 “Ito ang aking tirahan magpakailanman;
dito ako maninirahan dahil ito ang nais ko.
15 Bibigyan ko ang Zion ng lahat niyang pangangailangan,
at kahit ang mga mamamayan niyang dukha ay bubusugin ko ng pagkain.
16 Ililigtas ko ang kanyang mga pari,
at ang kanyang tapat na mamamayan ay aawit sa kagalakan.
17 “Paghahariin ko sa Zion, ang haring mula sa angkan ni David,
at gagawin ko siyang parang ilawang pumapatnubay sa mga tao.
18 Hihiyain ko ang kanyang mga kaaway, ngunit pauunlarin ko ang kaharian niya.”
Mga Pagbabago na Ginawa ni Josia(A)
23 Pagkatapos, ipinatawag ni Haring Josia ang lahat ng tagapamahala ng Juda at Jerusalem. 2 Pumunta siya sa templo ng Panginoon kasama ang lahat ng mamamayan ng Juda at Jerusalem, mula sa pinakatanyag hanggang sa pinakamababa. Sumama rin ang mga pari at mga propeta. Binasa sa kanila ni Josia ang lahat ng nakasulat sa Aklat ng Kasunduan ng Dios na nakita sa templo ng Panginoon. 3 Pagkatapos, tumayo si Josia sa gilid ng haligi. At gumawa siya ng kasunduan sa presensya ng Panginoon na susunod siya sa Panginoon sa pamamagitan ng pagtupad sa kanyang mga utos, katuruan, at tuntunin nang buong pusoʼt kaluluwa. Sa ganitong paraan matutupad ang mga ipinapatupad na kasunduan ng Dios na nasusulat sa aklat na ito. At nangako rin ang mga tao na tutupad sila sa kasunduan.
4 Pagkatapos, inutusan ni Haring Josia ang punong pari na si Hilkia, ang mga paring pumapangalawa sa katungkulan ni Hilkia at ang mga paring nagbabantay sa pintuan ng templo, na alisin sa templo ng Panginoon ang lahat ng kagamitan na ginagamit sa pagsamba kina Baal, Ashera, at sa lahat ng bagay na nasa langit. Ipinasunog niya ito sa labas ng Jerusalem, sa bukid ng Lambak ng Kidron, at dinala ang abo sa Betel. 5 Pinaalis niya sa tungkulin ang mga paring naglilingkod sa mga dios-diosan. Ang mga paring ito ay pinagkakatiwalaan ng mga hari ng Juda sa pagsunog ng mga insenso sa mga sambahan sa matataas na lugar[a] doon sa mga bayan ng Juda at sa paligid ng Jerusalem. Nagsunog sila ng mga insenso para kay Baal at sa mga nasa langit – sa araw, buwan at mga bituin. 6 Pinaalis din ni Haring Josia ang posteng simbolo ng diosang si Ashera sa templo ng Panginoon at dinala sa labas ng Jerusalem, sa Lambak ng Kidron, at sinunog doon. Pagkatapos, ipinadurog niya ito nang pino at isinabog ang abo sa libingan ng mga tao. 7 Ipinagiba rin niya ang mga bahay ng mga lalaki at babaeng bayaran na nasa templo ng Panginoon, kung saan nananahi ang mga babae ng mga damit na ginagamit sa pagsamba kay Ashera.[b]
8 Pinabalik ni Josia sa Jerusalem ang lahat ng pari na nakatira sa ibang mga bayan ng Juda. Dinungisan niya[c] ang mga sambahan sa matataas na lugar, mula sa Geba hanggang sa Beersheba kung saan nagsusunog ang mga pari ng mga insenso. Ipinagiba niya ang mga sambahan sa Pintuan ni Josue, ang gobernador ng Jerusalem. Ang pintuang ito ay nasa kaliwang bahagi ng pintuan ng lungsod. 9 Ang mga paring naglilingkod sa mga sambahan sa matataas na lugar ay hindi pinayagang maglingkod sa altar ng Panginoon sa Jerusalem, pero pinayagan silang kumain ng tinapay na walang pampaalsa kasama ng ibang mga pari.
10 Ipinagiba rin ni Josia ang altar ng Tofet, sa Lambak ng Ben Hinom, para walang sinumang maghahandog ng mga anak nila sa pamamagitan ng apoy para kay Molec. 11 Kinuha rin niya sa pintuan ng templo ng Panginoon ang mga kabayo[d] na inialay ng mga hari ng Juda para sa araw. Ang mga kabayong ito ay nasa bandang bakuran ng templo, malapit sa kwarto ng opisyal na si Natan Melec. Sinunog din ni Josia ang mga karwahe na inihahandog sa araw.
12 Ipinagiba niya ang mga altar na ipinatayo ng mga hari ng Juda sa bubong ng kwarto ni Ahaz, pati ang mga altar na ipinagawa ni Manase sa bakuran ng templo ng Panginoon. Ipinadurog niya ito ng pino at isinabog ang abo sa Lambak ng Kidron. 13 Dinungisan din niya ang mga sambahan sa matataas na lugar sa silangan ng Jerusalem at sa timog ng Bundok ng Kasamaan. Ang mga sambahang ito ay ipinatayo ni Haring Solomon ng Israel para kay Ashtoret, ang kasuklam-suklam na diosa mga Sidoneo, para kay Kemosh, ang kasuklam-suklam na dios-diosan ng mga Moabita, at para rin kay Molec, ang kasuklam-suklam dios-diosan ng mga Ammonita. 14 Ipinadurog ni Josia ang mga alaalang bato at pinagpuputol ang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera. Pagkatapos, dinungisan niya ang mga lugar na iyon sa pamamagitan ng pagkalat ng mga buto ng tao.
Ang Nagmula sa Langit
31 Sinabi pa ni Juan, “Si Cristoʼy nagmula sa langit, kaya dakila siya sa lahat. Tayo naman ay taga-lupa at nagsasalita tungkol lang sa mga bagay dito sa lupa. Ngunit si Cristo na nagmula sa langit ay dakila sa lahat. 32 Ipinapahayag niya ang nakita at narinig niya sa langit, ngunit ilan lang ang naniniwala sa kanyang pahayag. 33 Ngunit ang naniniwala sa pahayag niya ay nagpapatunay na totoo ang mga sinasabi ng Dios. 34 Sapagkat si Cristo na sinugo ng Dios ay nagpapahayag sa atin ng mga sinasabi ng Dios, dahil lubos na ipinagkaloob sa kanya ang Banal na Espiritu. 35 Mahal ng Ama ang kanyang Anak, at ipinailalim sa kapangyarihan niya ang lahat. 36 Ang sumasampalataya sa Anak ng Dios ay may buhay na walang hanggan. Ngunit ang hindi sumusunod sa kanya ay hindi magkakaroon ng buhay na walang hanggan kundi mananatili sa kanya ang galit ng Dios.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®