Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Samuel 23:1-7

Ang Mga Huling Pangungusap ni David

23 Pinatanyag ng Kataas-taasang Dios si David na anak ni Jesse. Pinili siya ng Dios ni Jacob para maging hari, at sumulat siya ng magagandang awit ng Israel. Ito ang mga huling pangungusap niya:

“Nagsalita ang Espiritu ng Panginoon sa pamamagitan ko;
    ang mga mensahe niyaʼy nasa aking mga labi.
Sinabi sa akin ng Dios, na bato na kanlungan ng Israel,
    ‘Ang namumuno nang matuwid at may takot sa Dios,
tulad ng liwanag ng araw na sumisikat sa umaga na walang maitim na ulap,
    na nagpapakinang sa mga damo pagkatapos ng ulan!’
Ganyan ang pamilya ko sa paningin ng Dios,
    at gumawa siya ng kasunduang walang hanggan sa akin.
    Maayos at detalyado ang kasunduang ito at hindi na mapapalitan.
    Kaya nakatitiyak ako na palagi akong ililigtas ng Dios
    at ibibigay niya sa akin ang lahat ng aking mga ninanais.
6-7 Ngunit ang masasamang taoʼy gaya ng matitinik na mga halaman na itinatapon.
    Hindi sila pwedeng kunin sa pamamagitan lang ng kamay, kailangan pa itong gamitan ng kagamitang gawa sa bakal o kahoy,
    at susunugin sila sa lugar na kinaroroonan nila.”

Salmo 132:1-12

Papuri sa Templo ng Dios

132 Panginoon, huwag nʼyong kalilimutan si David at ang lahat ng paghihirap na kanyang tiniis.
Alalahanin nʼyo ang pangako niya sa inyo Panginoon, kayo na Makapangyarihang Dios ni Jacob.
    Ipinangako niya,
“Hindi ako uuwi o mahihiga man sa aking higaan
o matulog
hanggaʼt hindi ako nakakakita ng lugar na matitirhan ng Panginoon, ang Makapangyarihang Dios ni Jacob.”

Nang kami ay nasa Efrata nabalitaan namin kung nasaan ang Kaban ng Kasunduan,
    at natagpuan namin ito sa kapatagan ng Jaar.
Sinabi namin, “Pumunta tayo sa tirahan ng Panginoon, at sumamba tayo sa kanya sa harap ng kanyang trono.”

Sige na po Panginoon, pumunta na kayo sa inyong templo kasama ng Kaban ng Kasunduan na sagisag ng inyong kapangyarihan.
Sanaʼy palaging mamuhay ng matuwid ang inyong mga pari,
    at umawit nang may kagalakan ang inyong mga tapat na mamamayan.
10 Alang-alang kay David na inyong lingkod,
    huwag nʼyong itatakwil ang haring inyong hinirang.
11 Nangako kayo noon kay David,
    at itoʼy tiyak na inyong tutuparin at hindi babawiin.
    Sinabi nʼyo, “Isa sa iyong angkan ang papalit sa iyo bilang hari.
12 At kung ang mga hari na nagmula sa iyong angkan ay susunod sa aking kasunduan at mga turo sa kanila,
    ang kanilang mga anak ay maghahari rin magpakailanman.”

Salmo 132:13-18

13 Hinangad at pinili ng Panginoon ang Zion na maging tahanan niya.
    Sinabi niya,
14 “Ito ang aking tirahan magpakailanman;
    dito ako maninirahan dahil ito ang nais ko.
15 Bibigyan ko ang Zion ng lahat niyang pangangailangan,
    at kahit ang mga mamamayan niyang dukha ay bubusugin ko ng pagkain.
16 Ililigtas ko ang kanyang mga pari,
    at ang kanyang tapat na mamamayan ay aawit sa kagalakan.

17 “Paghahariin ko sa Zion, ang haring mula sa angkan ni David,
    at gagawin ko siyang parang ilawang pumapatnubay sa mga tao.
18 Hihiyain ko ang kanyang mga kaaway, ngunit pauunlarin ko ang kaharian niya.”

Pahayag 1:4-8

Pagbati sa Pitong Iglesya

4-5 Mula kay Juan, para sa pitong iglesya sa probinsya ng Asia.

Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaang galing sa Dios, sa Espiritu, at kay Jesu-Cristo. Kung tungkol sa Dios, siyaʼy hindi nagbabago ngayon, noon, at sa hinaharap. Kung tungkol sa pitong Espiritu,[a] siyaʼy nasa harapan ng trono ng Dios. At kung tungkol kay Jesu-Cristo, siya ang mapagkakatiwalaang saksi. Siya ang unang nabuhay mula sa mga patay.[b] At siya rin ang namumuno sa lahat ng hari sa lupa. Iniibig niya tayo, at sa pamamagitan ng kanyang dugo[c] iniligtas niya tayo sa ating mga kasalanan. Ginawa niya tayong mga hari[d] at mga pari upang maglingkod sa Dios na kanyang Ama. Sa kanya ang kaluwalhatian at ang kapangyarihan magpakailanman. Amen.

Magsipaghanda kayo! Darating si Jesus na nasa mga ulap. Makikita siya ng lahat ng tao, pati na ng mga pumatay sa kanya. At iiyak ang mga tao sa lahat ng bansa sa mundo dahil sa takot nilang sila ay parurusahan na niya. Totoo ito at talagang mangyayari.

Ang Panginoong Dios ang makapangyarihan sa lahat. Kung ano siya noon, ganoon din siya ngayon at maging sa hinaharap. Kaya sinabi niya, “Ako ang Alpha at ang Omega.”[e]

Juan 18:33-37

33 Muling pumasok si Pilato sa palasyo at ipinatawag si Jesus, at tinanong, “Ikaw ba ang hari ng mga Judio?” 34 Sumagot si Jesus, “Sa iyo ba nanggaling ang tanong na iyan o may nagsabi lang sa iyo tungkol sa akin?” 35 Sumagot si Pilato, “Judio ba ako? Dinala ka rito sa akin ng mga kababayan mo at ng mga namamahalang pari. Ano ba ang ginawa mo?” 36 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ang kaharian ko ay wala rito sa mundo. Kung nandito ang kaharian ko, makikipaglaban sana ang mga tagasunod ko upang hindi ako madakip ng mga Judio. Pero tulad nga ng sinabi ko, ang kaharian ko ay wala rito.” 37 Sinabi ni Pilato, “Kung ganoon, isa kang hari?” Sumagot si Jesus, “Tama ang sinabi mo na isa akong hari. At ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa mundo ay upang ipahayag ang katotohanan. At ang lahat ng gustong makaalam ng katotohanan ay nakikinig sa akin.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®