Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Kahilingan ni Ruth kay Boaz
3 Isang araw, sinabi ni Naomi kay Ruth, “Anak, gusto kong makapag-asawa ka na para sa ikabubuti mo. 2 Natatandaan mo ba si Boaz na kamag-anak natin, na ang kanyang mga utusang babae ay nakasama mo sa pagtatrabaho? Alam mo, maggigiik siya ng sebada mamayang gabi. 3 Kaya maligo ka, magpabango, at isuot ang pinakamaganda mong damit. Pumunta ka sa giikan, pero huwag kang magpakita sa kanya hanggang sa makakain at makainom siya. 4 Kapag matutulog na siya, tingnan mo kung saan siya hihiga. At kapag tulog na siya, puntahan mo at iangat ang kumot sa paanan niya, at doon ka mahiga.[a] At sasabihin niya sa iyo kung ano ang gagawin mo.” 5 Sumagot si Ruth, “Gagawin ko po ang lahat ng sinabi ninyo.”
Ang mga Ninuno ni David
13 Kaya nagpakasal si Boaz kay Ruth, at niloob ng Panginoon na magdalantao si Ruth at manganak ng isang lalaki. 14 Sinabi ng mga kababaihan kay Naomi, “Purihin ang Panginoon! Binigyan ka niya ngayon ng apo na mag-aaruga sa iyo. Nawaʼy maging tanyag siya sa Israel! 15 Palalakasin at aalagaan ka niya kapag matanda ka na, dahil anak siya ng manugang mo na nagmamahal sa iyo ng higit pa sa pagmamahal ng pitong anak na lalaki.”
16 Palaging kinukuha ni Naomi ang bata at kinakalong. At siya ang nagbabantay nito. 17 Sinabi ng mga babaeng kapitbahay ni Naomi, “May apong lalaki na si Naomi!” Pinangalanan nila ang bata na Obed. At nang malaki na si Obed, nagkaanak siya na Jesse ang pangalan. At si Jesse ang naging ama ni David.
Papuri sa Kabutihan ng Dios
127 Kung wala ang tulong ng Panginoon sa pagtayo ng bahay, walang kabuluhan ang pagtatayo nito.
Kung wala ang pag-iingat ng Panginoon sa bayan, walang kabuluhan ang pagbabantay dito.
2 Walang kabuluhan ang paggising nang maaga at pagtulog nang gabing-gabi na sa pagtatrabaho upang may makain,
dahil ang Panginoon ang nagbibigay ng mga pangangailangan ng kanyang mga minamahal, kahit silaʼy natutulog.
3 Ang mga anak ay pagpapala at gantimpalang mula sa Panginoon.
4 Ang anak na isinilang sa panahon ng kabataan ng kanyang ama ay parang pana sa kamay ng sundalo.
5 Mapalad ang taong may maraming anak,
dahil may tutulong sa kanya kapag humarap siya sa kanyang mga kaaway sa hukuman.
24 Sapagkat hindi pumasok si Cristo sa isang banal na lugar na gawa ng tao at larawan lang ng mga bagay na nasa langit, kundi sa langit mismo. Siya ngayon ay namamagitan para sa atin sa harap ng Dios. 25 Ang punong pari ng mga Judio ay pumapasok sa Pinakabanal na Lugar bawat taon, na may dalang dugo ng hayop. Ngunit si Cristo ay minsan lamang naghandog ng kanyang sarili, at hindi na niya ito inulit-ulit pa. 26 Dahil kung kailangang ulit-ulitin, maraming beses sanang nagdusa si Cristo mula pa nang likhain ang mundo. Pero minsan lamang siya naparito sa mundo para alisin ang mga kasalanan natin sa pamamagitan ng paghahandog ng kanyang sarili. Ginawa niya ito nitong mga huling araw. 27 Itinakda sa mga tao ang mamatay nang minsan at pagkatapos nitoʼy ang paghuhukom ng Dios. 28 Ganoon din naman, minsan lang namatay si Cristo nang inihandog niya ang kanyang sarili para alisin ang kasalanan ng mga tao. At muli siyang babalik dito sa mundo, hindi na para akuing muli ang kasalanan ng mga tao, kundi para iligtas ang mga taong naghihintay sa kanya.
Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan(A)
38 Sinabi pa ni Jesus sa kanyang pagtuturo, “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan. Mahilig silang mamasyal na nakasuot ng espesyal na damit.[a] At gustong-gusto nilang batiin silaʼt igalang sa mga mataong lugar.[b] 39 Mahilig silang maupo sa mga upuang pandangal sa mga sambahan at mga handaan. 40 Dinadaya nila ang mga biyuda para makuha ang mga ari-arian ng mga ito, at pinagtatakpan nila ang mga ginagawa nila sa pamamagitan ng mahabang pagdarasal! Ang mga taong itoʼy tatanggap ng mas mabigat na parusa.”
Ang Kaloob ng Biyuda(B)
41 Umupo si Jesus malapit sa pinaglalagyan ng mga kaloob doon sa templo at pinagmamasdan ang mga taong naghuhulog ng pera. Maraming mayayamang naghulog ng malalaking halaga. 42 May lumapit doon na isang mahirap na biyuda at naghulog ng dalawang pirasong barya. 43 Tinawag ni Jesus ang mga tagasunod niya at sinabi, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, mas malaki ang ibinigay ng biyudang iyon kaysa sa lahat ng nagbigay. 44 Sapagkat silang lahat ay nagbigay lang ng sumobrang pera nila. Pero ang biyuda ay nagbigay sa kabila ng kanyang kahirapan. Ibinigay niya ang lahat ng kanyang ikinabubuhay.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®