Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin sa Oras ng Panganib
3 Panginoon, kay dami kong kaaway;
kay daming kumakalaban sa akin!
2 Sinasabi nilang hindi nʼyo raw ako ililigtas.
3 Ngunit kayo ang aking kalasag.
Pinalalakas nʼyo ako at pinagtatagumpay sa aking mga kaaway.
4 Tumawag ako sa inyo Panginoon at sinagot nʼyo ako mula sa inyong banal[a] na bundok.
5 At dahil iniingatan nʼyo ako, nakakatulog ako at nagigising pa.
6 Hindi ako matatakot kahit ilang libo pang kaaway ang nakapalibot sa akin.
7 Pumarito kayo, Panginoon!
Iligtas nʼyo po ako, Dios ko,
dahil noon ay inilagay nʼyo sa kahihiyan ang lahat ng mga kaaway ko,
at inalis mo sa mga masamang tao ang kanilang kakayahang saktan ako.
8 Kayo, Panginoon, ang nagliligtas.
Kayo rin po ang nagpapala sa inyong mga mamamayan.
19 Patuloy na pinapatnubayan ng Panginoon si Samuel habang siyaʼy lumalaki. Niloob ng Panginoon na matupad ang lahat ng sinabi ni Samuel. 20 Kaya kinilala si Samuel na propeta ng Panginoon mula Dan hanggang sa Beersheba.[a] 21 Patuloy na nagpapakita ang Panginoon kay Samuel doon sa Shilo, at doon ay ipinakikilala ng Panginoon ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa kanya.
4 Kumalat sa buong Israel ang mensahe ni Samuel.
Nakuha ng mga Filisteo ang Kahon ng Kasunduan
Nagkaroon ng digmaan sa pagitan ng mga Israelita at mga Filisteo nang mga panahong iyon. Nagkampo ang mga Israelita sa Ebenezer, at ang mga Filisteo naman ay sa Afek. 2 Sinugod ng mga Filisteo ang mga Israelita at tinalo ang mga ito; 4,000 Israelita ang napatay nila.
26 Sapagkat kung sasadyain pa nating magpatuloy sa paggawa ng kasalanan pagkatapos nating malaman ang katotohanan, wala nang handog na maiaalay pa para mapatawad ang mga kasalanan natin. 27 Tanging ang nakakatakot na paghuhukom at nagliliyab na apoy ang naghihintay sa mga taong kumakalaban sa Dios. 28 Ipinapapatay noon nang walang awa ang lumalabag sa Kautusan ni Moises, kapag napatunayan ng dalawa o tatlong saksi ang paglabag niya. 29 Gaano pa kaya kabigat ang parusang tatanggapin ng taong lumapastangan sa Anak ng Dios at nagpawalang-halaga sa dugo na nagpatibay sa kasunduan ng Dios at naglinis sa mga kasalanan niya? Talagang mas mabigat ang parusa sa mga taong ito na humamak sa maawaing Banal na Espiritu. 30 Sapagkat kilala natin ang Dios na nagsabi, “Ako ang maghihiganti; ako ang magpaparusa.”[a] At mayroon ding nakasulat na ganito: “Hahatulan ng Panginoon ang mga taong sakop niya.”[b] 31 Kakila-kilabot ang kahihinatnan ng mga hahatulan ng Dios na buhay.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®