Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Katha ni David.
28 Tagapagtanggol kong Yahweh, ako'y nananawagan,
sana'y iyong pakinggan itong aking karaingan.
Kung katugunan ay hindi mo ibibigay,
para na rin akong nasa daigdig ng mga patay.
2 Pakinggan mo sana ang paghingi ko ng saklolo,
kapag itinataas ang kamay ko sa iyong banal na Templo.
3 Huwag mo akong ibilang sa mga masasama,
na pawang kalikuan ang mga ginagawa;
kung magsalita'y parang mga kaibigan,
ngunit sa puso'y may pagkamuhing taglay.
4 Parusahan(A) mo sila sa kanilang ginagawa,
pagkat mga gawa nila'y pawang masasama.
Parusa sa kanila'y iyong igawad,
ibigay sa kanila ang hatol na dapat.
5 Mga gawa ni Yahweh ay di nila pinapansin,
mabubuti niyang gawa'y ayaw intindihin;
kaya't sila'y kanyang pupuksain,
at hindi na muling pababangunin.
6 Si Yahweh ay dapat purihin!
Dininig niya ang aking mga daing.
7 Si Yahweh ang lakas ko at kalasag,
tiwala ko'y sa kanya nakalagak.
Tinutulungan niya ako at pinasasaya,
sa awiti'y pinasasalamatan ko siya.
8 Iniingatan ni Yahweh ang kanyang sambayanan;
siya ang kanlungan ng kanyang haring hinirang.
9 Iligtas mo, Yahweh, ang iyong bayan,
ang mga sa iyo, ay iyong basbasan.
Alagaan mo sila magpakailanman,
tulad ng pastol sa kanyang kawan.
Inamin ng mga Tao ang Kanilang Kasalanan
9 Dahil dito, ang katarungan ay malayo sa amin,
hindi namin alam kung ano ang katuwiran.
Alam na namin ngayon kung bakit hindi kami iniligtas ng Diyos, sa mga nagpahirap sa amin.
Umasa kaming liwanag ay darating, ngunit kadiliman ang aming kinasadlakan.
10 Tulad nami'y bulag na nangangapa sa paglakad,
nadarapa kami tulad ng mga walang paningin.
Sa katanghaliang-tapat, kami'y natatalisod na para bang gabi na,
parang kami'y nasa dilim tulad ng mga patay.
11 Umuungal tayong lahat na gaya ng mga oso;
dumaraing tayo at nagdadalamhati tulad ng mga kalapati.
Ang hinihintay nating katarungan ay hindi dumarating.
Nais nating maligtas sa kaapihan at kahirapan ngunit ang kaligtasan ay malayo.
12 Yahweh, maraming beses kaming naghimagsik laban sa iyo;
inuusig kami ng aming mga kasalanan.
Alam naming kami'y naging makasalanan.
Nalalaman namin ang aming mga pagkakasala.
13 Naghimagsik kami sa iyo, O Yahweh, at itinakwil ka namin
at hindi na sumunod sa iyo.
Ang sinasabi namin ay pawang pang-aapi at pagtataksil;
ang inuusal ng aming mga bibig ay mga kasinungalingan, na katha ng aming mga isip.
14 Itinakwil namin ang katarungan
at lumayo kami sa katuwiran.
Ang katotohanan ay nahandusay sa mga liwasang-bayan,
at hindi makapanaig ang katapatan.
15 Hindi matagpuan ang katotohanan,
kaya nanganganib ang buhay ng mga tao, na ayaw gumawa ng kasamaan.
Humanda si Yahweh para Iligtas ang Kanyang Bayan
Nang makita ni Yahweh na wala nang katarungan,
siya ay nalungkot.
16 Nakita(A) niya na wala kahit isang magmalasakit sa mga api.
Dahil dito'y gagamitin niya ang kanyang kapangyarihan
upang sila'y iligtas, at siya'y magtatagumpay.
17 Ang(B) suot niya sa dibdib ay baluti ng katuwiran,
at sa kanyang ulo naman ang helmet ng kaligtasan.
Paghihiganti ang kanyang kasuotan,
at poot naman ang kanyang balabal.
18 Paparusahan niya ang mga kaaway ayon sa kanilang ginawa,
kahit ang nasa malalayong lugar ay kanyang gagantihan.
19 Kaya katatakutan siya ng mga taga-kanluran,
at dadakilain sa dakong silangan;
darating si Yahweh, tulad ng malakas na agos ng tubig,
gaya ng ihip ng malakas na hangin.
Ang Batong Buháy at ang Bayang Pinili
2 Kaya nga, talikuran na ninyo ang lahat ng kasamaan, ang lahat ng pandaraya, pagkukunwari, pagkainggit at paninirang-puri. 2 Gaya ng sanggol, kayo'y manabik sa dalisay na gatas na espirituwal upang lumago kayo tungo sa kaligtasan, 3 sapagkat(A) “Naranasan na ninyo ang kabutihan ng Panginoon.”
4 Lumapit kayo sa kanya, sa batong buháy na itinakwil ng mga tao ngunit pinili ng Diyos at mahalaga sa kanyang paningin. 5 Tulad ng mga batong buháy, maging bahagi kayo ng isang templong espirituwal. Bilang mga paring itinalaga para sa Diyos, mag-alay kayo sa Diyos ng mga handog na espirituwal na kalugud-lugod sa kanya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, 6 sapagkat(B) sinasabi ng kasulatan,
“Tingnan ninyo,
inilalagay ko sa Zion ang isang batong-panulukan, pinili at mahalaga;
hindi mapapahiya ang sinumang sumasampalataya sa kanya.”
7 Kaya(C) nga, mahalaga siya sa inyong mga sumasampalataya sa kanya, ngunit sa mga hindi sumasampalataya, natutupad ang mga ito:
“Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay
ang siyang naging batong-pundasyon.”
8 At(D)
“Ito ang batong katitisuran ng mga tao,
batong ikadadapa nila.”
Natisod sila sapagkat hindi sila sumunod sa salita ng Diyos; ganoon ang nakatakda para sa kanila.
9 Ngunit(E) kayo ay isang lahing pinili, mga maharlikang pari, isang bansang hinirang, bayang pag-aari ng Diyos, pinili upang magpahayag ng mga kahanga-hangang ginawa niya. Siya ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman patungo sa kanyang kahanga-hangang kaliwanagan. 10 Kayo'y(F) hindi bayan ng Diyos noon; ngunit ngayon, kayo'y bayang hinirang niya. Noon ay hindi kayo nakatanggap ng habag, ngunit ngayo'y tumanggap na kayo ng kanyang habag.
by