Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 22:1-15

Panambitan at Awit ng Papuri

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Isang Usa sa Bukang-Liwayway”.

22 O(A) Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo ako pinabayaan?
    Sumisigaw ako ng saklolo, ngunit bakit di mo ako tinutulungan?
Araw-gabi'y tumatawag ako sa iyo, O Diyos,
    di ako mapanatag, di ka man lang sumasagot.
Ngunit ikaw ang Banal na pinaparangalan,
    at sa Israel ikaw ay pinapupurihan.
Ang mga ninuno nami'y nagtiwala sa iyo,
    sa iyo umasa kaya sila'y iniligtas mo.
Tumawag sila sa iyo at sa panganib ay nakawala,
    nagtiwala sila sa iyo at di naman sila napahiya.

Ngunit ako'y parang uod at hindi na isang tao,
    hinahamak at pinagtatawanan ng kahit na sino!
Pinagtatawanan(B) ako ng bawat makakita sa akin,
    inilalabas ang kanilang dila at sila'y pailing-iling.
Sabi(C) nila, “Nagtiwala siya kay Yahweh; hayaang iligtas siya nito.
Kung talagang mahal siya nito,
    darating ang kanyang saklolo!”

Noong ako ay iluwal, ikaw, O Diyos, ang patnubay,
    magmula sa pagkabata, ako'y iyong iningatan.
10 Mula nang ako'y isilang, sa iyo na umaasa,
    mula nang ipanganak, ikaw lang ang Diyos na kilala.
11 Huwag mo akong lilisanin, huwag mo akong iiwanan,
    pagkat walang sasaklolo sa papalapit na kapahamakan.

12 Akala mo'y mga toro, ang nakapaligid na kalaban,
    mababangis na hayop na galing pa sa Bashan.
13 Bibig nila'y nakabuka, parang mga leong gutom,
    umuungal at sa aki'y nakahandang lumamon.

14 Parang natapong tubig, nawalan ako ng lakas,
    ang mga buto ko'y parang nagkalinsad-linsad;
pinagharian ang dibdib ko ng matinding takot,
    parang kandila ang puso ko, natutunaw, nauubos!
15 Itong aking lalamuna'y tuyong abo ang kagaya,
    ang dila ko'y dumidikit sa aking ngalangala,
sa alabok, iniwan mo ako na halos patay na.

Job 18

Inilarawan ni Bildad ang Wakas ng Masama

18 Sumagot si Bildad na Suhita,
“Kay rami naman ng iyong sinasabi,
    tumahimik ka muna at pakinggan kami.
Kami ba'y ano sa iyong palagay?
    Mga bakang hangal at walang nalalaman?
Sarili mo lang ang iyong sinasaktan, dahil sa galit na iyong tinataglay.
    Pababayaan ba ang daigdig dahil lamang sa iyo,
    at aalisin ang mga bundok sa kanilang puwesto?

“Ang(A) ilaw ng masama'y tiyak na papatayin,
    ang kanyang apoy ay di na papaningasin.
Ang ilaw sa kanyang tahana'y pagdidilimin.
Ang matatag niyang hakbang ngayon ay nabubuwal,
    pagbagsak niya'y nalalapit sa kanya ring kasamaan.
Di niya namamalayang ang kanyang mga paa ay sa bitag pupunta,
    kaya naman nasisilo itong kanyang mga paa.
10 Isang silo ang sa kanya'y iniumang,
    may bitag na nakahanda sa kanyang daraanan.

11 “Saanman siya bumaling, takot ay naghihintay;
    sinusundan siya nito sa bawat hakbang.
12 Mayaman siya noon ngunit ngayo'y hikahos,
    naghihintay sa kanya'y hirap at pagdarahop.
13 Nakamamatay na sakit, sa katawan niya'y kumakalat,
    mga bisig at paa niya'y unti-unting naaagnas.
14 Dati siya'y panatag sa kanyang tahanan;
    ngayo'y kinakaladkad patungo kay Kamatayan.
15 May iba nang nakatira doon sa dati niyang tahanan,
    matapos malagyan ng gamot at malinis nang lubusan.
16 Ang kanyang mga ugat at mga sanga, lahat ay natuyo at pawang nalanta.
17 Lahat niyang alaala ay napawi nang lubusan;
    nakalimutan nang lahat pati kanyang pangalan.
18 Mula sa liwanag, inihagis siya sa karimlan,
    at pinalayas siya sa daigdig ng mga buháy.
19 Isang anak man o apo ay wala siyang naiwan, ni isa'y walang natira sa kanyang sambahayan.
20 Mula silangan hanggang kanluran, nanginginig at kinikilabutan
    dahil sa kanyang matinding kasawian.
21 Ang masasamang tao'y ganyan ang kapalaran,
    mga di kumikilala sa Diyos ganyan ang kahihinatnan.”

Mga Hebreo 4:1-11

Kaya nga habang nananatili ang pangako ng Diyos, na tayo'y makakapasok sa kapahingahang sinabi niya, mag-ingat kayo at baka mayroon sa inyong hindi makatanggap ng pangakong ito. Sapagkat tulad nila'y napakinggan din natin ang Magandang Balita, ngunit hindi nila pinakinabangan ang balitang kanilang narinig dahil hindi nila ito tinanggap nang may pananampalataya. Tayong(A) mga sumampalataya ay tumatanggap ng kapahingahang ipinangako. Ito'y ayon sa kanyang sinabi,

“Sa galit ko'y aking isinumpa,
    ‘Hindi sila makakapasok sa lupain ng kapahingahang aking ipinangako.’”

Sinabi niya ito kahit tapos na niya ang kanyang mga gagawin mula nang likhain ang sanlibutan. Sapagkat(B) sinasabi sa isang bahagi ng kasulatan ang ganito tungkol sa ikapitong araw, “At sa ikapitong araw, nagpahinga ang Diyos sa kanyang paglikha.” At(C) muli pang sinabi, “Hindi sila makakapasok sa lupain ng kapahingahang aking ipinangako.” Ang mga unang nakarinig ng Magandang Balita ay hindi nakapasok sa lupain ng kapahingahan dahil hindi sila sumampalataya. Ngunit may mga inaanyayahan pa ring pumasok sa lupaing iyon ng kapahingahan. Kaya't(D) muling nagtakda ang Diyos ng isa pang araw na tinawag niyang “Ngayon”. Pagkalipas ng mahabang panahon, sinabi sa pamamagitan ni David sa kasulatang nabanggit,

“Ngayon, kapag narinig ninyo ang tinig ng Diyos,
    huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso.”

Kung(E) ang mga tao noon ay nabigyan ni Josue ng lubos na kapahingahan, hindi na sana ipinangako pa ng Diyos ang tungkol sa isa pang araw ng kapahingahan. Kung paanong nagpahinga ang Diyos sa ikapitong araw, mayroon ding kapahingahang nakalaan sa mga taong sumasampalataya sa Diyos, 10 sapagkat(F) ang sinumang makapasok sa lupain ng kapahingahang ipinangako ng Diyos ay magpapahinga rin sa kanyang pagpapagal, tulad ng Diyos na nagpahinga sa kanyang paglikha. 11 Kaya't sikapin nating makamtan ang kapahingahang iyon at huwag mabigong tulad ng mga hindi sumasampalataya.