Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 39

Pagtatapat ng Taong Nahihirapan

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit na si Jeduthun.

39 Ang sabi ko sa sarili, sa gawai'y mag-iingat,
    at hindi ko hahayaang ang dila ko ay madulas;
upang hindi magkasala, ako'y di magsasalita
    habang nakapalibot, silang mga masasama.
Ako'y sadyang nanahimik, wala akong sinasabi,
    hindi ako nagsalita maging tungkol sa mabuti;
ngunit lalo pang lumubha paghihirap ng sarili.
    Ako'y lubhang nabahala, nangangamba ang puso ko,
habang aking iniisip, lalo akong nalilito;
    nang di ako makatiis, ang sabi ko ay ganito:
“Yahweh, sana'y sabihin mo kung kailan mamamatay,
    kung gaanong katagal pa kaya ako mabubuhay.”

Ang damdam ko sa sarili'y pinaikli mo ang buhay,
    sa harap mo ang buhay ko'y parang walang kabuluhan;
ang buhay ng bawat tao'y parang hanging dumaraan. (Selah)[a]
    Ang buhay ng isang tao'y parang anino nga lamang,
at maging ang gawa niya ay wala ring kasaysayan;
    hindi batid ang kukuha ng tinipon niyang yaman!

Kung ganoon, Panginoon, nasaan ba ang pag-asa?
    Pag-asa ko'y nasa iyo, sa iyo ko nakikita.
Kaya ngayo'y iligtas mo, linisin sa aking kasalanan;
    ang hangal ay huwag bayaan na ako'y pagtawanan.
Tunay akong tatahimik, wala akong sasabihin,
    pagkat lahat ng dinanas, pawang dulot mo sa akin.
10 Huwag mo akong parusahan, parusa mo ay itigil;
    sa hampas na tinatanggap ang buhay ko'y makikitil.
11 Kung ang tao'y magkasala, ang parusa mo ay galit;
    parang isang gamu-gamong pinatay ang iniibig;
tunay na ang isang tao'y hangin lamang ang kaparis! (Selah)[b]

12 Pakinggan mo ako, Yahweh, dinggin ang aking hibik;
    sa daing ko't panalangin, huwag ka sanang manahimik.
Sa iyong piling ay dayuhan, ako'y hindi magtatagal,
    at tulad ng ninuno ko, sa daigdig ay lilisan.
13 Sa ganitong kalagayan, huwag na akong kagalitan, upang muling makalasap kahit konting kasiyahan,
    bago man lang mamayapa't makalimutan ng lahat.

Job 32

Ang Pananalita ni Elihu(A)

32 Hindi na nakipagtalo pa ang tatlong kausap ni Job sapagkat talagang iginigiit niyang wala siyang kasalanan. Samantala, may nakikinig noon sa kanilang pag-uusap, isang lalaki na nagngangalang Elihu. Siya ay anak ni Baraquel, apo ni Bus na mula sa angkan ni Ram. Nagalit si Elihu kay Job sapagkat nagmamatuwid si Job sa kanyang sarili at sinisisi pa niya ang Diyos. Nagalit din siya sa tatlong kaibigan ni Job sapagkat hindi nila masagot ang mga sinabi nito at parang lumalabas na ang Diyos ang may kasalanan. Pinakabata si Elihu sa mga naroon kaya hinintay niyang makapagsalita muna ang lahat. 5-6 Nang wala nang maisagot ang tatlo, nagalit ito at sinabi,

“Bata ako at kayo'y matatanda,
    kaya ako'y nag-aalangang magsalita.
Palagay ko'y nararapat na kayo muna ang magsalita,
    at mamahagi ng karunungan ang nakatatanda.
Ngunit ang karunungan ay saan ba nagbubuhat?
    Di ba sa Diyos na Makapangyarihan?
Ngunit hindi dahil matanda ay may pang-unawa,
    hindi dahil may edad na'y alam na ang tama.
10 Kaya makinig kayo ngayon sa aking sasabihin,
    itong aking opinyon, inyo namang dinggin.

11 “Matiyaga akong nakinig sa inyong pananalita,
    at habang naghahanap kayo ng mahuhusay na kataga.
12 Ngunit sa aking narinig, ako'y tunay na nalungkot,
    hindi ninyo napabulaanan ang sinabi nitong si Job.
13 Huwag ninyong sabihing natuklasan na ninyo ang karunungan,
    sa sinabi nitong si Job, Diyos lang ang may kasagutan.
14 Kayo at hindi ako ang kausap nitong si Job,
    kaya iba sa pahayag ninyo itong aking isasagot.

15 “Job, hindi sila makakibo at wala nang masabi,
16 sila ay natitigilan, hindi na makapagsalita,
    mananatili ba akong naghihintay sa wala?
17 Hindi! Sasagutin kong lahat ang iyong binanggit,
    sasabihin ko sa iyo ang aking iniisip.
18 Di na ako makapaghintay na magsalita,
    di ko na mapipigilan ang aking mga kataga.
19 Kapag ang nasa loob ko ay hindi naibulalas,
    ang dibdib ko ay puputok, laman nito'y sasambulat.
20 Hindi na nga maaari na ako ay maghintay pa,
    di na ako makatiis kaya ako'y nangusap na.
21 Sa inyong usapan ay wala akong papanigan,
    ang sinuman sa inyo'y hindi ko papupurihan.
22 Ang di tapat na papuri ay hindi ko nakaugalian,
    kapag ginawa ko ito, ako'y paparusahan.

Lucas 16:19-31

Ang Mayaman at si Lazaro

19 “May isang mayamang laging nakasuot ng mamahaling damit at saganang-sagana sa pagkain araw-araw. 20 May isa namang pulubing nagngangalang Lazaro na tadtad ng sugat sa katawan at nakahiga sa may pintuan ng mayaman 21 sa hangad na matapunan man lamang ng mga mumong nahuhulog mula sa hapag ng mayaman. At doo'y nilalapitan siya ng mga aso at dinidilaan ang kanyang mga sugat. 22 Namatay ang pulubi at siya'y dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay rin ang mayaman at inilibing. 23 Sa gitna ng kanyang pagdurusa sa daigdig ng mga patay,[a] natanaw ng mayaman si Lazaro sa piling ni Abraham. 24 Kaya't sumigaw siya, ‘Amang Abraham, maawa po kayo sa akin. Utusan po ninyo si Lazaro na isawsaw sa tubig ang dulo ng kanyang daliri at basain ang aking dila, dahil ako'y naghihirap sa apoy na ito.’ 25 Ngunit sumagot si Abraham, ‘Anak, alalahanin mong nagpasasa ka sa buhay noong ikaw ay nasa lupa, at si Lazaro naman ay nagtiis ng kahirapan. Subalit ngayon ay inaaliw siya rito samantalang ikaw nama'y nagdurusa riyan. 26 Bukod dito, may malaking bangin sa pagitan natin, kaya't ang mga naririto ay hindi makakapunta diyan at ang mga naririyan ay hindi makakapunta rito.’

27 “Ngunit sinabi ng mayaman, ‘Kung gayon po, Amang Abraham, ipinapakiusap kong papuntahin na lamang ninyo si Lazaro sa bahay ng aking ama, 28 sa aking limang kapatid na lalaki. Suguin po ninyo siya upang sila'y bigyang-babala at nang hindi sila humantong sa dakong ito ng pagdurusa.’ 29 Ngunit sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Nasa kanila ang mga kasulatan ni Moises at ng mga propeta; iyon ang kanilang pakinggan.’ 30 Sumagot ang mayaman, ‘Hindi po sapat ang mga iyon. Ngunit kung magpapakita sa kanila ang isang patay na muling nabuhay, magsisisi sila't tatalikuran ang kanilang mga kasalanan.’ 31 Sinabi naman sa kanya ni Abraham, ‘Kung ayaw nilang pakinggan ang mga sinulat ni Moises at ng mga propeta, hindi rin nila paniniwalaan kahit ang isang patay na muling nabuhay.’”