Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Diyos ang Siyang Huhusga
Isang Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit.
75 Salamat, O Diyos, maraming salamat,
sa iyong pangalan kami'y tumatawag,
upang gunitain sa lahat ng oras ang mga gawa mo na kahanga-hanga.
2 Wika ng Panginoon, “Sa takdang panahon,
walang pagtatanging ako ay hahatol.
3 Itong mundong ito'y kahit na mayanig,
maubos ang tao dito sa daigdig,
ang saligan nito'y aking ititindig.” (Selah)[a]
4 “Sabi ko sa hambog sila ay mag-ingat, at ang masasama'y huwag magpasikat.
5 Ang pagmamalaki'y dapat na iwasan, kung magsasalita'y gawing malumanay.”
6 Hindi sa silangan, hindi sa kanluran,
hindi rin sa timog o sa hilaga man magmumula, hatol na inaasahan.
7 Tanging Diyos lamang ang siyang hahatol,
sa mapapahamak o sa magtatagumpay.
8 Si Yahweh na Diyos ay may kopang hawak,
sariwa't matapang yaong lamang alak;
ipauubaya niyang ito'y tunggain
ng taong masama, hanggang sa ubusin.
9 Subalit ako ay laging magagalak;
ang Diyos ni Jacob, aking itataas.
10 Lakas ng masama'y papatiding lahat,
sa mga matuwid nama'y itataas!
40 Sinabi ni Yahweh kay Job,
2 “Ang mapaghanap ba ng mali ay mangangatwiran,
at sa Makapangyarihan ay makikipaglaban?
Sinumang sa Diyos ay nakikipagtalo,
ay dapat sumagot sa tanong na ito.”
3 Tumugon naman si Job,
4 “Narito, ako'y hamak at walang kabuluhan,
wala akong maisasagot, bibig ay tatakpan.
5 Sa panig ko'y nasabi na ang lahat ng sasabihin,
ako'y di na kikibo, nasabi'y di na uulitin.”
Ang Kapahayagan ng Kapangyarihan ng Diyos
6 Buhat sa bagyo, sinagot ni Yahweh si Job,
7 “Tumayo ka ngayon at magpakalalaki,
tanong ko'y sagutin, ikaw ay magsabi.
8 Ako pa ba ang nais mong palabasing masama
upang iyong palitawin na ikaw ang siyang tama?
9 Ang iyong lakas ba ay katulad ng sa Diyos?
Tinig mo ba'y dumadagundong, katulad ng kulog?
10 Kung gayon, balutin mo ang sarili ng dangal at kadakilaan,
magbihis ka muna ng luwalhati't kaningningan.
11 Ibuhos mo nga ang tindi ng iyong poot,
at ang mga palalo'y iyong ilugmok.
12 Subukin mong pahiyain ang mga palalo,
at ang masasama'y tapakan sa kanilang puwesto.
13 Ibaon mo silang lahat sa ilalim ng lupa,
sa daigdig ng mga patay sila'y itanikala.
14 Kung iyan ay magawâ mo, maniniwala ako sa iyo
na kaya mong magtagumpay sa sariling kakayahan mo.
15 “Ang dambuhalang hayop ay tingnan mo,
gaya mo'y nilikha ko dito sa mundo.
Ito'y parang baka kung kumain ng damo.
16 Ang lakas niya'y naiipon sa kanyang katawan;
ang kapangyarihan, sa himaymay ng kanyang laman.
17 Ang tigas ng buntot niya ay sedar ang katulad,
ang kanyang mga hita'y siksik at matatag.
18 Parang tanso ang kanyang mga buto,
sintigas ng bakal ang kanyang mga braso.
19 “Siya ay pangunahin sa mga nilikha,
ngunit magagapi nang sa kanya'y lumikha.
20 Siya'y nanginginain doon sa mga bundok,
doon sa tirahan ng kapwa niya hayop.
21 Siya'y doon lumalagi sa ilalim ng tinikan,
nakatago sa gitna ng mga talahib sa putikan.
22 Sanga ng mga puno ang sa kanya'y tumatakip,
sa kanya'y nakapaligid sa tabi nitong batis.
23 Hindi siya natatakot lumakas man ang agos;
ang Jordan man ay lumalim, mahinahon pa rin kung kumilos.
24 Siya kaya ay mahuli sa pamamagitan ng bingwit,
makuha kaya siya sa ilong sa pamamagitan ng kawit?
6 Kaya't iwan na natin ang mga panimulang aralin tungkol kay Cristo at magpatuloy tayo sa mga aral na para sa mga may sapat na gulang na. Tigilan na natin ang muling paglalagay ng pundasyon tungkol sa pagtalikod sa mga gawang walang kabuluhan at tungkol sa pananampalataya sa Diyos, 2 tungkol sa mga iba't ibang seremonya ng paglilinis at pagpapatong ng mga kamay, at tungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay at sa hatol na walang hanggan. 3 Magpatuloy nga tayo; at iyan ang gagawin natin kung loloobin ng Diyos.
4 Sapagkat paano pang panunumbalikin upang magsisi ang mga tumalikod na sa kanilang pananampalataya? Dati'y naliwanagan na sila, nakalasap ng makalangit na kaloob at naging kabilang sa mga tumanggap ng Espiritu Santo. 5 Nakalasap na rin sila ng kabutihan ng Salita ng Diyos, at nakadama ng kapangyarihan ng Diyos na lubusang mahahayag sa panahong darating. 6 Kapag sila'y tumalikod pagkatapos malasap ang lahat ng ito, hindi na sila maaaring panumbalikin upang magsisi sapagkat muli nilang ipinapako sa krus at inilalantad sa kahihiyan ang Anak ng Diyos.
7 Sapagkat pinagpapala ng Diyos ang lupang pagkatapos tumanggap ng masaganang ulan ay sinisibulan ng halamang pinapakinabangan ng mga magsasaka. 8 Subalit(A) kung mga damo at halamang matitinik ang tumutubo doon, walang kabuluhan ang lupang iyon at nanganganib pang sumpain ng Diyos at tupukin sa apoy.
9 Mga minamahal, kahit ganito ang sinasabi namin, natitiyak namin na nasa mas mabuti kayong kalagayan patungkol sa inyong kaligtasan. 10 Makatarungan ang Diyos; hindi niya malilimutan ang inyong ginawa at ang pagmamahal na inyong ipinakita at hanggang ngayo'y ipinapakita sa pamamagitan ng paglilingkod ninyo sa mga hinirang ng Diyos. 11 Ang nais namin ay patuloy na magsumikap hanggang wakas ang bawat isa sa inyo upang makamtan ninyo ang inyong inaasahan. 12 Kaya't huwag kayong maging tamad. Tularan ninyo ang mga taong dahil sa kanilang pagtitiis at pananalig sa Diyos ay tumatanggap ng mga ipinangako niya.
by