Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Sagot ng Diyos kay Job
38 Pagkatapos nito, sumagot ang Diyos kay Job sa pamamagitan ng malakas na bagyo,
2 “Sino kang mag-aalinlangan sa aking kaalaman?
Lalo lamang lumilitaw ang iyong kamangmangan.
3 Tumayo ka riyan at magpakalalaki,
tanong ko'y sagutin, ikaw ay magsabi.
4 Nasaan ka nang likhain ko ang mundo?
Kung talagang may alam ka, lahat ay sabihin mo.
5 Sino ang nagpasya tungkol sa lawak nito?
Sino ang sumukat, alam mo ba ito?
6 Sino ang may hawak ng mga haligi ng mundo?
Sino ang naglagay ng mga panulukang-bato?
7 Noong(A) umagang iyon, ang mga bitui'y nag-awitan,
at mga nilalang sa langit, sa tuwa'y nagsigawan.
34 “Ang mga ulap ba'y iyong mauutusan
upang sa lupa ay magbuhos ng malakas na ulan?
35 Mauutusan mo ba ang kidlat na ito'y kumislap,
sumunod naman kaya sa iyong mga atas?
36 Sino ang nagsasabi sa ibong Ibis kung kailan tataas ang Ilog Nilo,
at sino ang nagpapabatid sa tandang upang ibadya ang pagdating ng bukang-liwayway?
37 Sinong makakabilang sa ulap na makapal,
o makakapagtaob nito upang bumuhos ang ulan?
38 Ang ulan na sa alabok ay babasa, kapag iyon ay natuyo, magiging matigas na lupa.
39 “Maihahanap mo ba ng pagkain ang mga leon,
upang mapawi ang kanilang gutom?
40 Habang sila'y naroon sa kanilang taguan,
at wari bang pagkai'y kanilang hinihintay?
41 Sino ang nagbibigay ng pagkain sa mga ibon,
sino ang bumubusog sa kanilang inakay na nagugutom?
Awit ng Pagpuri sa Diyos na Manlilikha
104 Papurihan mo si Yahweh, O aking kaluluwa!
Ikaw, Yahweh na aking Diyos, kay dakila mong talaga!
Karangala't kamahalan, lubos na nadaramtan ka.
2 O Diyos, kayo po ay puspos ng maningning na liwanag,
kalangita'y parang tolda, na kamay mo ang nagladlad.
3 Ang ginawa mong tahanan ay ang tubig sa itaas,
ang karo mong sinasakyan ay ang papawiring-ulap,
sa pakpak ng mga hangin ay doon ka lumalakad.
4 Tagahatid(A) ng balita ay hangin ding sumisimoy,
at kidlat na matatalim ang lingkod mong tumutulong.
5 Ikaw na rin ang nagtayo ng saligan nitong lupa,
matatag na ginawa mo't hindi ito mauuga.
6 Ang ibabaw ng saliga'y ginawa mong karagatan,
at tubig din ang bumalot sa lahat ng kabundukan.
7 Ngunit noong magalit ka, itong tubig ay tumakas,
nang marinig ang sigaw mo, tumilapon agad-agad.
8 Bumuhos sa kabundukan, umagos sa kapatagan,
natipon sa isang dako't naging isang karagatan,
9 matapos, ang ginawa mo'y naglagay ka ng hangganan,
upang itong kalupaa'y di na muling laganapan.
24 Sa daigdig, ikaw, Yahweh, kay rami ng iyong likha!
Pagkat ikaw ay marunong kaya ito ay nagawa,
sa dami ng nilikha mo'y nakalatan itong lupa.
35 Ang lahat ng masasama sana'y alisin sa daigdig,
ang dapat ay lipulin na upang sila ay maalis.
Si Yahweh ay purihin mo, aking kaluluwa!
Purihin si Yahweh!
5 Ang bawat pinakapunong pari ay pinili mula sa mga tao at inilagay sa ganoong tungkulin upang maglingkod sa Diyos para sa mga tao. Siya ang nag-aalay ng mga kaloob at mga handog para mapatawad ang mga kasalanan. 2 Mahinahon niyang napapakitunguhan ang mga mangmang at naliligaw ng landas, sapagkat siya'y mahina ring tulad nila. 3 At(A) dahil sa kanyang kahinaan, kinakailangang siya'y mag-alay ng handog, hindi lamang para sa kasalanan ng iba, kundi para rin sa kanyang mga kasalanan. 4 Ang(B) karangalan ng pagiging pinakapunong pari ay hindi maaaring makuha ninuman sa kanyang sariling kagustuhan. Ang Diyos ang pumipili sa kanya, tulad ng pagkapili kay Aaron.
5 Gayundin(C) naman, hindi itinaas ni Cristo ang kanyang sarili upang maging Pinakapunong Pari. Siya'y pinili ng Diyos na nagsabi sa kanya,
“Ikaw ang aking Anak,
mula ngayo'y ako na ang iyong Ama.”
6 Sinabi(D) rin niya sa ibang bahagi ng kasulatan,
“Ikaw ay pari magpakailanman,
ayon sa pagkapari ni Melquisedec.”
7 Noong(E) si Jesus ay namumuhay pa rito sa lupa, siya'y nanalangin at lumuluhang nakiusap sa Diyos na makakapagligtas sa kanya sa kamatayan. At dininig siya ng Diyos dahil lubusan siyang nagpakumbaba. 8 Kahit na siya'y Anak ng Diyos, natutunan niya ang tunay na kahulugan ng pagsunod sa pamamagitan ng pagtitiis. 9 At nang siya'y maging ganap, siya ang naging sanhi upang magkamit ng walang hanggang kaligtasan ang lahat ng mga masunurin sa kanya. 10 Ginawa siya ng Diyos na Pinakapunong Pari ayon sa pagkapari ni Melquisedec.
Ang Pagiging Dakila(A)
35 Lumapit kay Jesus ang mga anak ni Zebedeo na sina Santiago at Juan. Sinabi nila, “Guro, may hihilingin po sana kami sa inyo.”
36 “Ano ang nais ninyo?” tanong ni Jesus.
37 Sumagot sila, “Sana po ay makasama kami sa inyong karangalan at maupo ang isa sa kanan at isa sa kaliwa.”
38 Ngunit(B) sabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Makakaya ba ninyong tiisin ang hirap na aking daranasin? Makakaya ba ninyo ang bautismong ibabautismo sa akin?”
39 “Opo,” tugon nila.
Sinabi ni Jesus, “Ang kopang aking iinuman ay iinuman nga ninyo, at babautismuhan nga kayo sa bautismong tatanggapin ko. 40 Ngunit hindi ako ang magpapasya kung sino ang mauupo sa aking kanan at sa aking kaliwa. Ang mga karangalang iyan ay para sa mga pinaglaanan.”
41 Nang malaman ito ng sampung alagad, nagalit sila sa magkapatid. 42 Kaya't(C) pinalapit sila ni Jesus at sinabi, “Alam ninyo na ang mga itinuturing na pinuno ng mga Hentil ay namumuno bilang mga panginoon sa kanila, at ang kagustuhan ng mga nasa kapangyarihan ang siyang nasusunod. 43 Ngunit(D) hindi ganyan ang dapat umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na nais maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo, 44 at ang sinumang nais maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. 45 Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at upang mag-alay ng kanyang buhay para sa ikatutubos ng marami.”
by