Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 104:1-9

Awit ng Pagpuri sa Diyos na Manlilikha

104 Papurihan mo si Yahweh, O aking kaluluwa!
    Ikaw, Yahweh na aking Diyos, kay dakila mong talaga!
Karangala't kamahalan, lubos na nadaramtan ka.
O Diyos, kayo po ay puspos ng maningning na liwanag,
    kalangita'y parang tolda, na kamay mo ang nagladlad.
Ang ginawa mong tahanan ay ang tubig sa itaas,
    ang karo mong sinasakyan ay ang papawiring-ulap,
    sa pakpak ng mga hangin ay doon ka lumalakad.
Tagahatid(A) ng balita ay hangin ding sumisimoy,
    at kidlat na matatalim ang lingkod mong tumutulong.
Ikaw na rin ang nagtayo ng saligan nitong lupa,
    matatag na ginawa mo't hindi ito mauuga.
Ang ibabaw ng saliga'y ginawa mong karagatan,
    at tubig din ang bumalot sa lahat ng kabundukan.
Ngunit noong magalit ka, itong tubig ay tumakas,
    nang marinig ang sigaw mo, tumilapon agad-agad.
Bumuhos sa kabundukan, umagos sa kapatagan,
    natipon sa isang dako't naging isang karagatan,
matapos, ang ginawa mo'y naglagay ka ng hangganan,
    upang itong kalupaa'y di na muling laganapan.

Mga Awit 104:24

24 Sa daigdig, ikaw, Yahweh, kay rami ng iyong likha!
    Pagkat ikaw ay marunong kaya ito ay nagawa,
    sa dami ng nilikha mo'y nakalatan itong lupa.

Mga Awit 104:35

35 Ang lahat ng masasama sana'y alisin sa daigdig,
    ang dapat ay lipulin na upang sila ay maalis.

Si Yahweh ay purihin mo, aking kaluluwa!
Purihin si Yahweh!

Job 36:1-16

Ipinahayag ni Elihu ang Kadakilaan ng Diyos

36 Idinagdag pa ni Elihu,
“Magtiyaga ka pa nang kaunti at makinig sa akin,
    pagkat ayon sa Diyos itong aking sasabihin.
Ibubuhos kong lahat ang aking nalalaman
    upang patunayang ang aking Diyos ay makatarungan.
Lahat ng sasabihin ko ay pawang katotohanan,
    pagkat akong kausap mo'y malawak ang kaalaman.

“Ang Diyos ay dakila at di nagtatakwil ng sinuman,
    siya ay dakila sa taglay niyang kaalaman.
Hindi niya pinatatagal ang buhay ng mga makasalanan,
    ang mga mahihirap ay binibigyan niya ng katarungan.
Ang matuwid ay kanyang iniingatan,
    ginagawang parang hari,
    at binibigyang-karangalan sa lahat ng sandali.
Kung ang tao'y nagagapos o natatanikalaan
    o kaya'y nagdurusa sa nagawang kasalanan,
    ipinamumukha ng Diyos ang kanilang kasamaan,
    at ang naghaharing hambog na isipan.
10 Sila'y kanyang sinasaway at binabalaan
    na tumalikod sa kanilang kasamaan.
11 Kung sila ay makinig at sa Diyos ay maglingkod,
    buhay na sagana at payapa, sa kanila'y idudulot.
12 Ngunit kapag sila'y di nakinig at pinairal ang kamangmangan,
    tiyak na kamatayan ang kanilang hahantungan.

13 “Poot ang naghahari sa dibdib ng masama,
    parusahan man ng Diyos, ayaw pa ring magmakaawa.
14 Sa kanilang kabataan sila ay namamatay,
    nagwakas sa kahihiyan ang kanilang mga buhay.
15 Ang tao'y pinaghihirap ng Diyos upang bigyang-aral,
    at kanyang pinagdurusa upang mabuksan ang kanilang pananaw.

16 “Inalis ka ng Diyos sa kaguluhan,
    pinagtamasa ka niya ng kapayapaan,
    at pinuno ng pagkain ang iyong tahanan.

Roma 15:7-13

Ang Magandang Balita ay para rin sa mga Hentil

Kung paanong kayo'y malugod na tinanggap ni Cristo, tanggapin ninyo ang isa't isa upang mapapurihan ang Diyos. Sinasabi ko sa inyo, si Cristo'y naglingkod sa mga Judio upang patunayang ang Diyos ay tapat, at tumutupad sa mga pangako niya sa kanilang mga ninuno, at(A) upang ang mga Hentil naman ay magpuri sa Diyos dahil sa kanyang habag. Tulad ng nasusulat,

“Kaya't sa gitna ng mga Hentil, ika'y aking pupurihin,
    At aawitan ko ang iyong pangalan.”

10 Sinabi(B) rin,

“Magalak kayo mga Hentil, kasama ng kanyang bayan!”

11 At(C) muling sinabi,

“Magpuri kayo sa Panginoon, kayong mga Hentil,
    lahat ng bansa ay magpuri sa kanya!”

12 Sinabi pa ni Isaias,

“May isisilang sa angkan ni Jesse,
    upang maghari sa mga Hentil;
    siya ang kanilang magiging pag-asa.”

13 Puspusin nawa kayo ng Diyos na siyang bukal ng pag-asa, at nawa ay pagkalooban niya kayo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, upang mag-umapaw ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.