Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin ng Isang Pinagtaksilan ng Kaibigan
Isang Maskil[a] ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.
55 Ang panalangin ko, O Diyos, pakinggan,
mga daing ko ay huwag namang layuan.
2 Lingapin mo ako, ako ay sagipin,
sa bigat ng aking mga suliranin.
3 Sa maraming banta ng mga kaaway,
nalilito ako't hindi mapalagay.
Ang dulot sa akin nila'y kaguluhan,
namumuhi sila't may galit ngang tunay.
4 Itong aking puso'y tigib na ng lumbay,
sa aking takot na ako ay pumanaw.
5 Sa tindi ng takot, ako'y nanginginig,
sinasaklot ako ng sindak na labis.
6 Wika ko, “Kung ako lamang ay may pakpak, parang kalapati, ako ay lilipad;
hahanapin ko ang dakong panatag.
7 Aking liliparin ang malayong lugar,
at doon sa ilang ako mananahan. (Selah)[b]
8 Ako ay hahanap agad ng kanlungan
upang makaiwas sa bagyong darating.”
9 Sila ay wasakin, Yahweh, guluhin mo; pag-uusap nila'y bayaang malito,
yamang karahasan ang nakikita ko, at sa lunsod nila ay nagkakagulo.
10 Sa lunsod na puno ng sama't ligalig,
araw-gabi'y doon sila lumiligid;
11 Sa gitna ng lunsod na wasak nang tunay, naghahari pa rin ang katiwalian;
pati pang-aapi ay nasasaksihan.
12 Kaya kong mabata at mapagtiisan,
kung ang mangungutya ay isang kaaway;
kung ang maghahambog ay isang kalaban,
kayang-kaya ko pang siya'y pagtaguan!
13 Ang mahirap nito'y tunay kong kasama,
aking kaibigang itinuturing pa!
14 Dati'y kausap ko sa bawat sandali
at maging sa templo, kasama kong lagi.
15 Biglang kamatayan nawa ay dumating,
ihuhulog ng buháy, sa daigdig ng mga patay;
sa kanilang puso't maging sa tahanan, yaong naghahari'y pawang kasamaan.
Makatarungan ang Diyos
8 Ito naman ang sagot ni Bildad na Suhita:
2 “Hanggang kailan ka magsasalita ng ganyan,
mga salitang parang hangin at walang kabuluhan?
3 Hindi pinipilipit ng Diyos ang katarungan;
hindi binabaluktot ng Makapangyarihan ang katuwiran.
4 Maaaring nagkasala sa Diyos ang iyong mga anak,
kaya't ibinigay niya sa kanila ang parusang nararapat.
5 Ngunit kung ikaw ay lalapit at makiusap sa Diyos na Makapangyarihan,
6 kung ikaw ay talagang tapat, at malinis ang kalooban,
tutulungan ka ng Diyos;
gagantimpalaan at ibabalik niya ang iyong sambahayan.
7 Maliit na bagay ang mga nawala mong kayamanan,
kung ihahambing ang sa iyo'y kanyang ibibigay.
8 “Alamin(A) mo ang mga nagdaang kasaysayan,
itanong sa matatanda ang kaalamang natuklasan.
9 Buhay nati'y maikli lang, at kaalaman nati'y kulang;
parang anino lamang tayong dumaan sa ibabaw ng sanlibutan.
10 Pakaisipin mo ang kanilang mga aral,
ang kanilang sinasabi ay iyong pakinggan.
11 “Ang halaman sa tubigan ay di mabubuhay,
kundi sa matubig at malamig na lugar lamang.
12 Ito'y unang nalalanta kapag ito ay natuyuan,
kahit bagong tubo pa lang at di pa napuputulan.
13 Ganyan ang katulad ng mga taong walang Diyos,
pag-asa ay mawawala kapag ang Diyos ay nilimot.
14 Ang mga bagay na pinagkakatiwalaan nila'y kasingrupok lamang ng sapot ng gagamba.
15 Kapag ito'y sinandalan, agad itong nalalagot,
kapag ito'y hinawakan, tiyak itong masisira.
16 “Ang masasamang tao'y parang damong nagsusulputan,
tulad ng masamang damong kumakalat sa halamanan.
17 Bumabalot sa mga bato ang kanilang mga ugat,
at sa bawat bato sila'y humahawak.
18 Ngunit kapag sila'y nabunot sa kinatatamnan,
wala nang nakakaalala sa dati nilang kalagayan.
19 Ganyan ang kasiyahan ng masasamang tao,
may iba namang lilitaw at kukuha ng kanilang puwesto.
20 “Hindi pababayaan ng Diyos ang mabuting tao,
ngunit sa masama'y hindi siya sasaklolo.
21 Patatawanin ka niya at pasisigawin sa tuwa,
22 ngunit ang mga kaaway mo'y kanyang ipapahiya,
at ang tahanan ng masasama ay ganap na mawawala.”
Mga Katanungan tungkol sa Pag-aasawa
7 Tungkol naman sa inyong sulat, ganito ang masasabi ko: Mabuti sa isang tao na huwag makipagtalik[a]. 2 Ngunit dahil sa lumalaganap na pakikiapid, bawat lalaki o babae ay dapat magkaroon ng sariling asawa. 3 Dapat tuparin ng lalaki ang tungkulin niya sa kanyang asawa, at gayundin naman ang babae. 4 Sapagkat hindi na ang babae ang may karapatan sa sarili niyang katawan kundi ang kanyang asawa. Gayundin naman, hindi na ang lalaki ang may karapatan sa sarili niyang katawan kundi ang kanyang asawa. 5 Huwag ninyong ipagkait ang inyong sarili sa isa't isa, maliban na lamang kung napagkasunduan ninyong huwag munang magsiping sa maikling panahon upang maiukol ninyo ang inyong mga sarili sa pananalangin. Ngunit pagkatapos, muli kayong magsiping upang hindi kayo matukso ni Satanas dahil sa hindi na kayo makapagpigil.
6 Ang sinabi ko'y hindi utos kundi pag-unawa sa inyong kalagayan. 7 Nais ko sanang ang bawat isa ay makatulad ko. Ngunit ang bawat tao'y may kanya-kanyang kaloob mula sa Diyos at ang mga ito'y hindi pare-pareho.
8 Ito naman ang masasabi ko sa mga walang asawa at sa mga biyuda: mabuti pa sa kanila ang manatiling katulad ko na walang asawa. 9 Ngunit kung hindi sila makapagpigil sa sarili, mag-asawa na lang sila; mas mabuting mag-asawa kaysa hindi makapagpigil sa matinding pagnanasa.
by