Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
25 Ginawa mo'y pupurihin sa dakilang kapulungan,
sa harap ng masunurin, mga lingkod mong hinirang,
ang panata kong handog ay doon ko iaalay.
26 Ang naghihikahos ay sasagana sa pagkain,
mga lumalapit kay Yahweh, siya'y pupurihin.
Maging sagana nawa sila at laging pagpalain!
27 Mga bansa sa lupa'y kay Yahweh magsisibaling,
lahat ng mga lahi'y maaalala siya't sasambahin.
28 Kay Yahweh nauukol ang pamamahala,
naghahari siya sa lahat ng mga bansa.
29 Magsisiluhod lahat ang palalo't mayayabang,
yuyuko sa harap niya, mga taong hahatulan.
30 Mga susunod na salinlahi'y maglilingkod sa kanya,
ang tungkol sa Panginoon ay ipahahayag nila.
31 Maging ang mga di pa isinisilang ay babalitaan,
“Iniligtas ni Yahweh ang kanyang bayan.”
7 Sinasabi ni Yahweh,
“Para sa akin, kayong mga taga-Israel, ay kapantay lang ng mga taga-Etiopia.
Hinango ko ang Israel mula sa Egipto;
iniahon ko ang mga Filisteo sa Caftor at ang mga taga-Siria mula sa Kir.
8 Ako ang Panginoong Yahweh na nagmamasid sa makasalanang kaharian ng Israel.
Lilipulin ko sila sa balat ng lupa,
ngunit di ko lubusang pupuksain ang lahi ni Jacob.
9 “Iuutos kong ligligin
ang bayan ng Israel kasama ng lahat ng bansa;
tulad ng pag-alog sa salaan,
ngunit walang butil na babagsak sa lupa.
10 Ang mga makasalanan sa aking bayan ay masasawi sa digmaan;
lahat ng nagsasabing, ‘Hindi ipahihintulot ng Diyos na tayo'y mapahamak.’”
Manunumbalik ang Israel
11 “Sa(A) araw na iyon, ibabangon kong muli
ang nawasak na kaharian ni David,
at aayusin kong muli ang mga nasirang dako.
Ibabalik ang mga guho;
itatayo kong muli iyon, kagaya noong una.
12 Sa gayon ay sasakupin ng Israel ang nalalabi sa lupain ng Edom
at ang lahat ng bansang dati'y aking pag-aari,”
sabi ni Yahweh na siyang gagawa ng mga bagay na ito.
13 Sinabi rin ni Yahweh, “Darating ang panahon,
mag-aararo ang magbubukid habang nag-aani pa ang manggagapas;
at maghahasik na ng binhi ng ubas ang magsasaka habang gumagawa pa ng alak ang mag-aalak.
Dadaloy sa mga bundok ang bagong alak,
at masaganang aagos sa mga burol.
14 Ibabalik ko sa kanilang lupain ang aking bayan.
Itatayo nilang muli ang kanilang mga lunsod na nawasak, at doon sila maninirahan.
Tatamnan nilang muli ang mga ubasan at sila'y iinom ng alak.
Magtatanim silang muli sa mga halamanan at kakain ng mga bunga niyon.
15 Ibabalik ko ang Israel sa lupaing ibinigay ko sa kanila,
at hindi na sila maaalis pang muli roon.”
Si Yahweh na inyong Diyos ang nagsasalita.
Ang Talinghaga ng Butil ng Mustasa(A)
30 “Saan pa natin maihahambing ang kaharian ng Diyos? Anong talinghaga ang gagamitin natin upang mailarawan ito?” tanong ni Jesus. 31 “Ang katulad nito ay butil ng mustasa na siyang pinakamaliit sa lahat ng binhi. 32 Ngunit kapag itinanim, ito'y lumalago at nagiging pinakamalaki sa lahat ng tanim; ito'y nagkakasanga nang mayabong, kaya't ang mga ibon ay nakakapamugad sa lilim nito.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.