Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Si Yahweh ang Ating Pastol
Awit ni David.
23 Si Yahweh ang aking pastol, hindi ako magkukulang;
2 pinapahimlay(A) niya ako sa luntiang pastulan,
at inaakay niya sa tahimik na batisan.
3 Pinapanumbalik ang aking kalakasan,
at pinapatnubayan niya sa tamang daan,
upang aking parangalan ang kanyang pangalan.
4 Dumaan man ako sa madilim na libis ng kamatayan,
wala akong katatakutan, pagkat ika'y aking kaagapay.
Ang tungkod mo at pamalo, aking gabay at sanggalang.
5 Ipinaghahanda mo ako ng salu-salo,
na nakikita pa nitong mga kalaban ko;
sa aking ulo langis ay ibinubuhos,
sa aking saro, pagpapala'y lubus-lubos.
6 Kabutiha't pag-ibig mo sa aki'y di magkukulang, siyang makakasama ko habang ako'y nabubuhay;
at magpakailanma'y sa bahay ni Yahweh mananahan.
Si Jacob at ang Kanyang Sambahayan sa Egipto
28 Si Juda ang isinugo ni Israel kay Jose upang siya'y salubungin. 29 Dali-daling ipinahanda ni Jose ang sasakyan niya at sinalubong ang kanyang ama sa Goshen. Nang sila'y magkita, agad niyang niyakap ang kanyang ama, at matagal na umiyak. 30 Sinabi naman ni Israel, “Ngayo'y handa na akong mamatay sapagkat nakita na kitang buháy.”
31 Sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid at sa buong sambahayan ni Jacob, “Ibabalita ko sa Faraon na dumating na kayo buhat sa Canaan. 32 Sasabihin kong kayo'y mga pastol; dala ninyo ang inyong mga kawan, at lahat ninyong ari-arian. 33 Kung ipatawag kayo ng Faraon at tanungin kung ano ang inyong gawain, 34 sabihin ninyong kayo'y nag-aalaga na ng mga baka buhat sa pagkabata, tulad ng inyong mga ninuno. Sa gayon, maaari kayong manirahan sa lupaing ito.” Sinabi niya ito sapagkat ang mga taga-Egipto'y namumuhi sa mga pastol.
47 Isinama ni Jose ang lima sa kanyang mga kapatid at nagpunta sa Faraon. Sinabi niya, “Dumating na po ang aking ama't mga kapatid buhat sa Canaan, dala ang kanilang mga kawan, at lahat ng ari-arian. Naroon po sila ngayon sa Goshen.” At ipinakilala niya sa Faraon ang kanyang mga kapatid.
3 Tinanong sila ng Faraon, “Ano ang trabaho ninyo?”
“Kami po'y mga pastol, tulad ng aming mga ninuno,” tugon nila. 4 “Nakarating po kami rito sapagkat sa amin sa Canaan ay wala na kaming mapagpastulan. Kung maaari po, doon na ninyo kami patirahin sa lupain ng Goshen.”
5 Sinabi ng Faraon kay Jose, “Ngayong narito na ang iyong ama at mga kapatid, 6 at ikaw naman ang namamahala sa buong Egipto, ibigay mo sa kanila ang pinakamainam na lupain. Doon mo sila patirahin sa Goshen. Kung may mapipili kang mahuhusay na pastol, sila ang pamahalain mo sa aking mga kawan.”
Sina Pedro at Juan sa Harap ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio
4 Nagsasalita pa sina Pedro at Juan sa mga taong bayan nang dumating ang mga paring Judio,[a] ang kapitan ng mga bantay sa Templo at ang mga Saduseo. 2 Galit na galit sila sa dalawang apostol dahil itinuturo ng mga ito sa mga tao na si Jesus ay muling nabuhay, at iyon ang katibayan na muling mabubuhay ang mga patay. 3 Kaya't dinakip nila ang dalawa, at ikinulong muna hanggang kinabukasan sapagkat gabi na noon. 4 Gayunman, marami sa nakarinig ng kanilang pangangaral ang sumampalataya kay Jesus, kaya't umabot sa limanlibo ang bilang ng mga lalaki.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.