Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin sa Gabi
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng instrumentong may kuwerdas.
4 Sagutin mo po ang aking pagtawag,
O Diyos, na aking kalasag!
Sa kagipitan ko, ako'y iyong tinulungan,
kaawaan mo ako ngayon, dalangin ko'y pakinggan.
2 Kayong mga tao, hanggang kailan ninyo ako hahamakin?
Ang walang kabuluhan at kasinungalingan,
hanggang kailan ninyo iibigin? (Selah)[a]
3 Dapat ninyong malamang itinalaga ni Yahweh ang matuwid,
kapag tumatawag ako sa kanya, siya'y nakikinig.
4 Huwag(A) hayaang magkasala ka nang dahil sa galit;
sa iyong silid, pag-isipa't ika'y manahimik. (Selah)[b]
5 Nararapat na handog, inyong ialay,
pagtitiwala n'yo'y kay Yahweh ibigay.
6 Tanong ng marami, “Sinong tutulong sa atin?”
Ikaw, O Yahweh, ang totoong mahabagin!
7 Puso ko'y iyong pinuno ng lubos na kagalakan,
higit pa sa pagkain at alak na inumin.
8 Sa aking paghiga, nakakatulog nang mahimbing,
pagkat ikaw, Yahweh, ang nag-iingat sa akin.
2 Noon, akong si Daniel ay tatlong linggo nang nagluluksa. 3 Tatlong linggo na rin akong hindi kumain ng anumang masarap na pagkain, ni tumikim man lamang ng karne o alak. Ni hindi ako naglagay ng langis sa aking ulo. 4 Noong ikadalawampu't apat na araw ng unang buwan, habang nakatayo ako sa pampang ng malaking Ilog Tigris, 5 tumingala(A) ako at may nakita akong isang lalaking nakadamit ng telang lino at may sinturong yari sa lantay na ginto. 6 Ang katawan niya'y kumikinang na parang topaz at ang kanyang mukha ay kumikislap na parang kidlat. Nagliliyab na parang sulo ang kanyang mga mata at ang kanyang mga paa't kamay ay nagniningning na parang makinis na tanso. Ang kanyang tinig ay parang ingay ng napakaraming tao. 7 Akong si Daniel lamang ang nakakita sa pangitain sapagkat nagtakbuhang nanginginig sa takot at nagsipagtago ang aking mga kasama. 8 Naiwan akong mag-isa, kaya ako lang ang nakakita sa pangitain. Nawalan ako ng lakas at ako'y namutla. 9 Nagsalita ang lalaking iyon; at nang marinig ko ang kanyang tinig, walang malay akong nasubasob sa lupa.
Ipinaliwanag ang Pangitain
10 Walang anu-ano, may kamay na biglang humawak sa akin. Dahil sa takot, nanginginig pa rin ang aking mga kamay at mga tuhod. 11 Sinabi niya, “O Daniel, lubos kitang minamahal, tumayo ka at pakinggan mong mabuti ang sasabihin ko. Isinugo ako para sabihin ito sa iyo.” Nanginginig naman akong tumayo. 12 Sinabi pa niya sa akin, “Huwag kang matakot, Daniel, sapagkat mula pa nang nagpakumbaba ka sa harapan ng Diyos upang magkaroon ka ng pang-unawa, dininig na ang iyong dalangin. Kaya naparito ako. 13 Ngunit(B) pinigilan ako ng pinuno ng kaharian ng Persia sa loob ng dalawampu't isang araw, hanggang sa dumating si Miguel, isa sa mga pangunahing pinuno na sumaklolo sa akin sapagkat naiwan ako noong nag-iisa kasama ng mga hari ng Persia.[a] 14 Nagtuloy na ako rito upang ipaliwanag kung ano ang mangyayari sa iyong mga kababayan pagdating ng araw. Ang nakita mong pangitain ay tungkol sa hinaharap.”
15 Matapos niyang sabihin ito, napayuko na lamang ako at hindi makapagsalita. 16 At may isang kahawig ng tao na biglang humipo sa aking labi at muli akong nakapagsalita. Sinabi ko sa aking kaharap, “Ginoo, nabagabag po ako at nawalan ng lakas dahil sa pangitaing ito. 17 Hindi po ako makapagsalitang tulad ninyo sapagkat wala nga akong lakas. Halos hindi ako makahinga.”
18 Kaya muli niya akong hinipo at nanumbalik ang aking lakas. 19 Sinabi niya sa akin, “Ikaw na labis na minamahal, huwag kang matakot. Ipanatag mo ang iyong kalooban at magpakatapang ka.” Pagkatapos niyang magsalita, tuluyan nang nagbalik ang aking lakas.
Sinabi ko, “Magpatuloy kayo, ginoo, at naibalik na ninyo ang aking lakas.”
26 Isinusulat ko sa inyo ito upang bigyan kayo ng babala laban sa mga taong nagnanais na iligaw kayo. 27 Gayunpaman, ang Espiritu'y ipinagkaloob na ni Cristo sa inyo. At habang ang Espiritu'y nananatili sa inyo, hindi ninyo kakailanganing turuan pa kayo ng iba. Ang Espiritu ang nagtuturo sa inyo tungkol sa lahat ng bagay. Lahat ng itinuturo niya ay totoo, at walang bahid ng kasinungalingan. At tulad ng itinuro ng Espiritu, manatili kayo kay Cristo.
28 Kaya nga, mga anak, manatili kayo sa kanya upang maging panatag ang ating loob sa muling pagparito niya, at nang hindi tayo mahiya sa kanya sa araw na iyon.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.