Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Gawa 8:26-40

Si Felipe at ang Pinunong Taga-Etiopia

26 Pagkatapos, sinabi ng isang anghel ng Panginoon kay Felipe, “Pumunta ka sa gawing timog sa daang mula sa Jerusalem papuntang Gaza.” Halos hindi na iyon dinadaanan ngayon. 27 Pumunta nga doon si Felipe. Samantala, isang eunuko na pinunong taga-Etiopia, na ingat-yaman ng Candace, reyna ng Etiopia, ang nagtungo sa Jerusalem upang sumamba 28 at pauwi na noon, nakasakay sa kanyang karwahe at nagbabasa ng aklat ni Propeta Isaias. 29 “Sabayan mo ang sasakyang iyon,” utos ng Espiritu kay Felipe. 30 Kaya patakbong lumapit si Felipe at narinig niyang binabasa ng pinuno ang aklat ni Propeta Isaias. Tinanong ni Felipe ang pinuno, “Nauunawaan ba ninyo ang inyong binabasa?”

31 Sagot naman nito, “Paano ko mauunawaan ito kung walang magpapaliwanag sa akin?” At si Felipe ay inanyayahan niyang sumakay sa karwahe at umupo sa kanyang tabi. 32 Ito(A) ang bahagi ng kasulatang binabasa niya:

“Siya ay tulad ng isang tupang dinadala sa katayan;
    tulad ng isang korderong hindi tumututol kahit na gupitan.
    At hindi umiimik kahit kaunti man.
33 Siya'y hinamak at pinagkaitan ng katarungan.
    Walang sinumang makapagsasalaysay tungkol sa kanyang angkan,
    sapagkat kinitil nila ang kanyang buhay.”

34 Nagtanong kay Felipe ang pinuno, “Sabihin mo nga sa akin, sino ba ang tinutukoy dito ng propeta? Sarili ba niya o iba?”

35 Simula sa kasulatang ito ay isinalaysay sa kanya ni Felipe ang Magandang Balita tungkol kay Jesus. 36 Nagpatuloy sila sa paglalakbay, at dumating sa isang lugar na may tubig. Kaya't sinabi ng pinuno, “Tingnan mo, may tubig dito! Mayroon bang hadlang upang ako'y bautismuhan?” [37 Sinabi sa kanya ni Felipe, “Maaari, kung sumasampalataya ka nang buong puso.” Sumagot ang pinuno, “Sumasampalataya ako na si Jesu-Cristo ang Anak ng Diyos!”][a]

38 Pinatigil ng pinuno ang karwahe, lumusong silang dalawa sa tubig at binautismuhan siya ni Felipe. 39 Pagkaahon nila sa tubig, si Felipe ay kinuha ng Espiritu ng Panginoon at hindi na siya nakita pa ng pinuno. Ang pinuno ay tuwang-tuwang nagpatuloy sa paglalakbay. 40 Namalayan na lamang ni Felipe na siya'y nasa Azoto. Mula roon, ipinangaral niya ang Magandang Balita tungkol kay Jesus sa lahat ng bayang dinaraanan niya hanggang sa marating niya ang Cesarea.

Mga Awit 22:25-31

25 Ginawa mo'y pupurihin sa dakilang kapulungan,
    sa harap ng masunurin, mga lingkod mong hinirang,
    ang panata kong handog ay doon ko iaalay.
26 Ang naghihikahos ay sasagana sa pagkain,
    mga lumalapit kay Yahweh, siya'y pupurihin.
Maging sagana nawa sila at laging pagpalain!

27 Mga bansa sa lupa'y kay Yahweh magsisibaling,
    lahat ng mga lahi'y maaalala siya't sasambahin.
28 Kay Yahweh nauukol ang pamamahala,
    naghahari siya sa lahat ng mga bansa.

29 Magsisiluhod lahat ang palalo't mayayabang,
    yuyuko sa harap niya, mga taong hahatulan.
30 Mga susunod na salinlahi'y maglilingkod sa kanya,
    ang tungkol sa Panginoon ay ipahahayag nila.
31 Maging ang mga di pa isinisilang ay babalitaan,
    “Iniligtas ni Yahweh ang kanyang bayan.”

1 Juan 4:7-21

Ang Diyos ay Pag-ibig

Mga minamahal, mag-ibigan tayo sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig. Ang bawat umiibig ay anak ng Diyos at kumikilala sa Diyos. Ang hindi umiibig ay hindi kumikilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig. Inihayag ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang isugo niya sa mundo ang kanyang kaisa-isang Anak upang magkaroon tayo ng buhay sa pamamagitan niya. 10 Ito ang pag-ibig: hindi sa inibig natin ang Diyos, kundi tayo ang inibig niya at isinugo niya ang kanyang Anak upang maging handog para mapatawad ang ating mga kasalanan.

11 Mga minamahal, kung ganoon kadakila ang pag-ibig ng Diyos sa atin, dapat din tayong magmahalan. 12 Kailanma'y(A) wala pang taong nakakita sa Diyos, ngunit kung tayo'y nagmamahalan, nasa atin ang Diyos at nagiging ganap sa atin ang kanyang pag-ibig.

13 Nalalaman nating nananatili tayo sa Diyos at siya naman sa atin, sapagkat pinagkalooban niya tayo ng kanyang Espiritu. 14 Nakita namin at pinapatotohanang isinugo ng Ama ang kanyang Anak upang iligtas ang sanlibutan. 15 Ang nagpapahayag na si Jesus ang Anak ng Diyos ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos nama'y nananatili sa kanya. 16 Nalalaman nating tayo'y iniibig ng Diyos at lubos tayong nananalig sa katotohanang ito.

Ang Diyos ay pag-ibig. Ang nagpapatuloy sa pag-ibig ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos ay nananatili naman sa kanya. 17 Ang pag-ibig ay nagiging ganap sa atin kaya't panatag ang ating kalooban para sa Araw ng Paghuhukom, sapagkat tayo'y tulad ni Cristo, kahit nasa daigdig pang ito. 18 Walang kasamang takot ang pag-ibig at pinapawi ng ganap na pag-ibig ang anumang takot. Hindi pa ganap ang pag-ibig ng sinumang natatakot, sapagkat ang takot ay kaugnay ng parusa.

19 Tayo'y umiibig[a] sapagkat ang Diyos ang unang umibig sa atin. 20 Ang nagsasabing, “Iniibig ko ang Diyos,” subalit napopoot naman sa kanyang kapatid ay sinungaling. Kung ang kapatid na kanyang nakikita ay hindi niya magawang ibigin, paano niya maiibig ang Diyos na hindi niya nakikita? 21 Ito ang utos na ibinigay sa atin ni Cristo: ang umiibig sa Diyos ay dapat ding umibig sa kanyang mga kapatid.

Juan 15:1-8

Ang Tunay na Puno ng Ubas

15 “Ako ang tunay na puno ng ubas at ang aking Ama ang tagapag-alaga. Inaalis niya ang bawat sangang hindi nagbubunga, at kanya namang pinuputulan at nililinis ang bawat sangang nagbubunga upang magbunga pa nang lalong sagana. Nalinis na kayo sa pamamagitan ng salitang sinabi ko sa inyo. Manatili kayo sa akin at mananatili din ako sa inyo. Hindi magbubunga ang sangang hindi nananatili sa puno. Gayundin naman, hindi kayo magbubunga kung hindi kayo mananatili sa akin.

“Ako ang puno ng ubas at kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang nagbubunga nang sagana, sapagkat wala kayong magagawa kung kayo'y hiwalay sa akin. Ang hindi nananatili sa akin, gaya ng sanga ay itinatapon at natutuyo. Ang ganoong mga sanga ay tinitipon, inihahagis sa apoy at nasusunog. Kung nananatili kayo sa akin at nananatili sa inyo ang aking mga salita, hingin ninyo ang anumang nais ninyo at matutupad iyon para sa inyo. Napaparangalan ang aking Ama kung kayo'y masaganang nagbubunga at sa gayon kayo'y magiging mga alagad ko.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.