Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Parangal para sa Jerusalem
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.
122 Ako ay nagalak nang sabihin nila:
“Pumunta na tayo sa bahay ni Yahweh.”
2 Sama-sama kami matapos sapitin,
ang pintuang-lunsod nitong Jerusalem.
3 Itong Jerusalem ay napakaganda,
matatag at maayos na lunsod siya.
4 Dito umaahon ang lahat ng angkan,
lipi ni Israel upang manambahan,
ang hangad, si Yahweh ay pasalamatan,
pagkat ito'y utos na dapat gampanan.
5 Doon din naroon ang mga hukuman
at trono ng haring hahatol sa tanan.
6 Ang kapayapaan nitong Jerusalem, sikaping kay Yahweh ito'y idalangin:
“Ang nangagmamahal sa iyo'y pagpalain.
7 Pumayapa nawa ang banal na bayan,
at ang palasyo mo ay maging tiwasay.”
8 Alang-alang sa kasama at pamilya ko,
sa iyo Jerusalem, ang sabi ko'y ito: “Ang kapayapaa'y laging sumaiyo.”
9 Dahilan sa bahay ni Yahweh, ating Diyos,
ang aking dalangi'y umunlad kang lubos.
Binitay si Haman
7 Si Haring Xerxes at si Haman ay dumalo sa ikalawang handaan ni Reyna Ester. 2 Habang sila'y nag-iinuman, itinanong ng hari, “Reyna Ester, ano nga ba ang hihilingin mo? Sabihin mo at ibibigay ko sa iyo, kahit ang kalahati ng aking kaharian.”
3 Sumagot si Reyna Ester, “Kung inyo pong mamarapatin, Mahal na Hari, nais ko po sanang hilingin na ako at ang aking mga kababayan ay inyong iligtas, 4 sapagkat kami po ay ipinagbili para patayin at lipulin. Kung kami po ay ipinagbili upang maging mga alipin, magsasawalang-kibo na lamang po ako at hindi na kayo gagambalain pa. Subalit kami po ay nililipol na!”
5 Itinanong ng hari, “Sinong may pakana ng mga bagay na ito?”
6 Sumagot si Ester, “Ang aming kaaway at taga-usig—ang masamang, si Haman!”
At si Haman ay nangatog sa takot sa harap ng hari at ng reyna. 7 Galit na galit na tumindig ang hari at nagpunta sa hardin ng palasyo. Naiwan naman si Haman at nagmakaawa kay Reyna Ester sapagkat natitiyak niyang siya'y paparusahan ng hari.
8 Nang magbalik ang hari, nakita niyang nakadapa si Haman sa harap ng reyna na noo'y nakahiga. Dahil dito'y pagalit na sinabi ng hari, “Pagbabalakan pa niya ng masama ang reyna at sa loob pa naman ng aking pamamahay?”
Hindi pa halos natatapos ang salita ng hari, tinakpan na ng mga lingkod ng hari ang mukha ni Haman.
9 Pagkatapos, sinabi ni Harbona, isa sa mga eunuko ng hari, “Nagpagawa na po si Haman ng isang bitayan para kay Mordecai na nagligtas sa buhay ninyo, Mahal na Hari. Ang taas po ng bitayan ay dalawampu't dalawa't kalahating metro at naroon sa tabi ng kanyang bahay.”
10 “Doon siya bitayin!” utos ng hari.
Binitay nga si Haman sa bitayang ginawa niya para kay Mordecai. Pagkatapos, napawi na ang galit ng hari.
Isang Pangitain tungkol kay Cristo
9 Ako'y si Juan, ang inyong kapatid at kasama sa kapighatian at pagtitiis na nararanasan ng mga kabilang sa kanyang kaharian dahil sa pakikipag-isa kay Jesus. Noon ako'y nasa isla ng Patmos sapagkat ipinangaral ko ang salita ng Diyos at nagpatotoo ako para kay Jesus. 10 Noon ay araw ng Panginoon, at habang nasa ilalim ako ng kapangyarihan ng Espiritu, narinig ko mula sa aking likuran ang isang malakas na tinig na parang tunog ng trumpeta. 11 Sabi niya, “Isulat mo sa isang aklat ang iyong nakita, at ipadala mo ito sa pitong iglesya: sa Efeso, Esmirna, Pergamo, Tiatira, Sardis, Filadelfia at Laodicea.”
12 Lumingon ako upang tingnan ang nagsasalita, at nakakita ako ng pitong ilawang ginto. 13 Nakatayo(A) sa gitna ng mga ilawan ang isang parang anak ng tao na nakasuot ng mahabang damit, at may gintong pamigkis sa kanyang dibdib. 14 Ang(B)(C) kanyang ulo at buhok ay kasimputi ng balahibo ng tupa o ng niyebe, at ang kanyang mga mata'y parang apoy na nagliliyab. 15 Kumikinang(D) ang kanyang mga paa na parang tansong pinakintab, at parang rumaragasang tubig ang kanyang tinig. 16 May hawak siyang pitong bituin sa kanang kamay, at lumabas sa kanyang bibig ang isang matalas na tabak na sa magkabila'y may talim. Ang kanyang mukha ay nakakasilaw tulad ng araw sa katanghaliang-tapat.
17 Pagkakita(E) ko sa kanya, para akong patay na bumagsak sa kanyang paanan, ngunit ipinatong niya sa akin ang kanyang kanang kamay at sinabi, “Huwag kang matakot! Ako ang simula at ang wakas, 18 at ang nabubuhay! Namatay ako ngunit tingnan mo, ako'y buháy ngayon at mananatiling buháy magpakailanman. Hawak ko ang mga susi ng kamatayan at ng daigdig ng mga patay.[a] 19 Kaya't isulat mo ang iyong nakikita, ang nangyayari ngayon at ang mangyayari pa pagkatapos nito. 20 Tungkol naman sa hiwaga ng pitong bituing hawak ko sa aking kanang kamay at sa pitong ilawang ginto: ang pitong bituin ay ang mga anghel ng pitong iglesya at ang pitong ilawang ginto ay ang pitong iglesya.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.