Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Exodo 12:1-4

Ang Pista ng Paskwa

12 Sinabi(A) ni Yahweh kina Moises at Aaron sa Egipto, “Mula ngayon, ang buwang ito ang siyang magiging unang buwan ng taon para sa inyo. At sabihin ninyo sa buong sambayanan ng Israel na sa ikasampung araw ng buwang ito, bawat pamilya ay pipili ng isang tupa o batang kambing para sa kanila. Kung maliit ang pamilya at hindi makakaubos ng isang buong tupa, magsasalo sila ng malapit na kapitbahay, na hindi rin makakaubos ng isang buo. Ang dami ng magsasalu-salo sa isang tupa ay ibabatay sa dami ng makakain ng bawat isa.

Exodo 12:5-10

Kailangang lalaki ang tupa o ang kambing, isang taóng gulang, walang kapintasan. Aalagaan ito hanggang sa ikalabing apat ng buwan at sa kinagabihan, sabay-sabay na papatayin ng buong bayan ang kani-kanilang inalagaang hayop. Kukuha sila ng dugo nito at ipapahid sa magkabilang poste at itaas ng pintuan ng bahay na kakainan ng kinatay na hayop. Sa gabi ring iyon, lilitsunin ito at kakaining kasama ng tinapay na walang pampaalsa at ng mapapait na gulay. Huwag ninyong kakainin nang hilaw o nilaga ang hayop; kundi lilitsunin ninyo ito nang buo, kasama ang ulo, ang mga pata at ang laman-loob. 10 Huwag kayong magtitira para sa kinabukasan. Kung may matira, kailangang sunugin kinaumagahan.

Exodo 12:11-14

11 Kapag kakainin na ninyo ito, dapat nakabihis na kayo, nakasandalyas at may hawak na tungkod. Magmadali kayo sa pagkain nito. Ito ang Paskwa ni Yahweh.

12 “Sa gabing iyon, lilibutin ko ang buong Egipto at papatayin ang lahat ng panganay na lalaki, maging tao man o hayop. At paparusahan ko ang lahat ng diyus-diyosan sa Egipto. Ako si Yahweh. 13 Dugo ang magsisilbing palatandaan ng mga bahay na inyong tinitirhan. Lahat ng bahay na makita kong may pahid ng dugo ay lalampasan ko, at walang pinsalang mangyayari sa inyo habang pinaparusahan ko ang buong Egipto. 14 Ang(A) araw na ito'y ipagdiriwang ninyo sa lahat ng inyong salinlahi bilang pista ni Yahweh. Sa pamamagitan nito'y maaalala ninyo ang aking ginawa.

Mga Awit 116:1-2

Pagpupuri ng Taong Naligtas sa Kamatayan

116 Minamahal ko si Yahweh, pagkat ako'y dinirinig,
    dinirinig niya ako, sa dalangin ko at hibik;
ako'y kanyang dinirinig tuwing ako'y tumatawag,
    kaya nga't habang buhay ko'y sa iyo lagi tatawag.

Mga Awit 116:12-19

12 Kay Yahweh na aking Diyos, anong aking ihahandog,
    sa lahat ng kabutihan na sa akin ay kaloob?
13 Ang handog ko sa dambana, ay inumin na masarap,
    bilang aking pagkilala sa ginawang pagliligtas.
14 Sa tuwinang magtitipon ang lahat ng kanyang hirang,
    ang anumang pangako ko, ay doon ko ibibigay.
15 Tunay ngang itong si Yahweh, malasakit ay malaki,
    kung ang isang taong tapat, kamatayan ay masabat.
16 O Yahweh, naririto akong inyong abang lingkod,
    katulad ng aking ina, maglilingkod akong lubos;
yamang ako'y iniligtas, kinalinga at tinubos.
17 Ako ngayo'y maghahandog ng haing pasasalamat,
    ang handog kong panalangi'y sa iyo ko ilalagak.
18-19 Kapag nagsasama-sama ang lahat ng iyong hirang,
    sa templo sa Jerusalem, ay doon ko ibibigay
    ang anumang pangako kong sa iyo ay binitiwan.

Purihin si Yahweh!

1 Corinto 11:23-26

Ang Banal na Hapunan(A)

23 Sapagkat ito ang turo na tinanggap ko mula sa Panginoon at ibinigay ko naman sa inyo: noong gabing siya'y ipagkanulo, ang Panginoong Jesus ay dumampot ng tinapay, 24 nagpasalamat at pinagpira-piraso iyon, at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-aalaala sa akin.” 25 Matapos(B) maghapunan, dumampot din siya ng kopa at sinabi, “Ang kopang ito ang bagong tipan na pinagtitibay ng aking dugo. Tuwing iinumin ninyo ito, gawin ninyo bilang pag-aalaala sa akin.” 26 Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kopang ito, ipinapahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa kanyang muling pagparito.

Juan 13:1-17

Hinugasan ni Jesus ang mga Paa ng mga Alagad

13 Bisperas na noon ng Paskwa. Alam ni Jesus na dumating na ang takdang oras ng kanyang pag-alis sa daigdig na ito upang bumalik sa Ama. Mahal niya ang kanyang mga tagasunod na nasa daigdig, at sila'y minahal niya hanggang sa wakas.

Pagsapit ng hapunan, inilagay na ng diyablo sa isip ni Judas, na anak ni Simon Iscariote, na ipagkanulo niya si Jesus. Alam ni Jesus na ibinigay na ng Ama sa kanya ang buong kapangyarihan; at alam niyang siya'y mula sa Diyos at babalik sa Diyos. Kaya't siya'y tumayo mula sa hapag, nag-alis ng panlabas na balabal at nagbigkis ng tuwalya sa baywang. Pagkatapos, naglagay siya ng tubig sa palanggana at sinimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad at punasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanyang baywang.

Paglapit niya kay Simon Pedro, sinabi nito sa kanya, “Panginoon, huhugasan n'yo ba ang aking mga paa?”

Sumagot si Jesus, “Hindi mo nauunawaan ngayon ang ginagawa ko, ngunit mauunawaan mo rin pagkatapos.”

Muling nagsalita si Pedro, “Hinding-hindi ninyo huhugasan ang aking mga paa!” Ngunit sinabi ni Jesus, “Kung hindi kita huhugasan, wala kang kaugnayan sa akin.”

Dahil dito'y sinabi ni Simon Pedro, “Kung gayon, hindi lamang ang mga paa ko, kundi pati na rin ang aking mga kamay at ulo!”

10 Sumagot si Jesus, “Ang nakapaligo na ay hindi na kailangang hugasan pa [maliban sa kanyang mga paa],[a] sapagkat malinis na ang buo niyang katawan. At kayo'y malinis na, subalit hindi lahat kayo.” 11 Dahil alam na ni Jesus kung sino ang magkakanulo sa kanya kaya sinabi niyang malinis na sila, subalit hindi lahat.

12 Nang(A) mahugasan na ni Jesus ang kanilang mga paa, muli niyang isinuot ang kanyang balabal at nagbalik sa kinaupuan niya. Sinabi niya sa kanila, “Nauunawaan ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo? 13 Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon, at tama kayo, sapagkat ganoon nga ako. 14 Kung ako ngang Panginoon at Guro ninyo ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din ninyong hugasan ang mga paa ng isa't isa. 15 Binigyan ko kayo ng halimbawa upang inyong tularan. 16 Pakatandaan(B) ninyo, ang alipin ay hindi nakakahigit sa kanyang panginoon, ni ang sinugo kaysa sa nagsugo sa kanya. 17 Ngayong alam na ninyo ito, pinagpala kayo kung ito'y gagawin ninyo.

Juan 13:31-35

Ang Bagong Utos

31 Pagkaalis ni Judas ay sinabi ni Jesus, “Ngayo'y luluwalhatiin na ang Anak ng Tao, at sa pamamagitan niya ay luluwalhatiin ang Diyos. 32 [At kapag niluwalhati na ang Diyos sa pamamagitan ng Anak ng Tao],[a] ang Diyos naman ang luluwalhati sa Anak, at ito'y gagawin niya agad. 33 Mga(A) anak, kaunting panahon na lamang ninyo akong makakasama. Hahanapin ninyo ako, ngunit sinasabi ko sa inyo ngayon ang sinabi ko noon sa mga Judio, ‘Hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko.’

34 “Isang(B) bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo ngayon: magmahalan kayo! Kung paano ko kayo minahal, gayundin naman, magmahalan kayo. 35 Kung kayo'y may pagmamahal sa isa't isa, makikilala ng lahat na kayo'y mga alagad ko.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.