Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Iligtas ng Diyos
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
126 Nang lingapin tayo ni Yahweh at sa Zion ay ibalik,
ang nangyaring kasaysaya'y parang isang panaginip.
2 Lahat tayo ay natuwa, masasayang nagsiawit!
Ang sabi ng mga bansang nagmamasid sa paligid,
“Tunay na dakila, ginawa ni Yahweh para sa kanila!”
3 Dakila ngang masasabi, pambihira ang ginawa,
kaya naman kami ngayon, nagdiriwang, natutuwa!
4 Kung paanong inuulan itong mga tuyong batis,
sa sariling bayan namin, Yahweh, kami ay ibalik.
5 Silang tumatangis habang nagsisipagtanim,
hayaan mo na mag-ani na puspos ng kagalakan.
6 Silang mga nagsihayong dala'y binhi't nananangis,
ay aawit na may galak, dala'y ani pagbalik!
Saksi ni Yahweh ang Israel
8 Sinabi ni Yahweh,
“Paharapin ninyo sa akin ang aking bayan.
Sila'y may mga mata ngunit hindi nakakakita,
may mga tainga ngunit hindi nakakarinig.
9 Tawagin ang mga bansa sa panahon ng paglilitis.
Sino sa kanilang diyos ang makakahula sa mangyayari?
Sino sa kanila ang nakahula sa nangyayari ngayon?
Bayaan silang magharap ng mga saksi
para patunayan ang kanilang sinasabi
at patunayang sila ay tama.
10 Bayang Israel, ikaw ang saksi ko,
pinili kita upang maging lingkod ko,
upang makilala mo ako at manalig ka sa akin.
Walang ibang Diyos maliban sa akin,
walang nauna at wala ring papalit.
11 Ako ay si Yahweh, wala nang iba pa;
walang ibang Tagapagligtas, maliban sa akin.
12 Noong una pa man ako'y nagpahayag na.
Ako ang nagligtas sa iyo, at ang nagbalita ng lahat ng ito.
Noon ay wala pa kayong kinikilalang ibang diyos;
kayo ang mga saksi ko.
13 Ako ang Diyos at mananatili akong Diyos magpakailanman,
walang makakatakas sa aking kapangyarihan;
at walang makakahadlang sa aking ginagawa.”
Paglaya Mula sa Babilonia
14 Sinabi pa ni Yahweh,
ang Tagapagligtas, at Banal na Diyos ng Israel:
“Magpapadala ako ng hukbo laban sa Babilonia alang-alang sa iyo.
Gigibain ko ang mga pintuan ng kanyang lunsod
at mauuwi lamang sa iyakan ang kasayahan ng mga tagaroon.
15 Ako si Yahweh, ang iyong Diyos na Banal,
ang Hari ng Israel na sa iyo'y lumalang!
25 Inisip kong kailangan nang papuntahin diyan ang ating kapatid na si Epafrodito, na aking kamanggagawa at kapwa kawal ng Diyos na isinugo ninyo upang magdala ng inyong kaloob, at upang makatulong sa akin. 26 Sabik na sabik na siya sa inyong lahat.[a] Nag-aalala siya dahil nabalitaan ninyong nagkasakit siya. 27 Totoong siya'y nagkasakit at muntik nang mamatay. Subalit kinahabagan siya ng Diyos, at hindi lamang siya kundi pati ako, upang huwag nang madagdagan pa ang aking kalungkutan.
28 Kaya nga, nais kong makapunta na siya riyan sapagkat alam kong matutuwa kayong makita siyang muli. Sa gayon, mawawala na ang aking kalungkutan. 29 Kaya, tanggapin ninyo siya nang buong galak bilang isang tunay na lingkod ng Panginoon. Igalang ninyo ang mga taong tulad niya. 30 Sapagkat muntik na siyang namatay alang-alang sa gawain para kay Cristo; itinaya niya ang kanyang buhay sa paglilingkod sa akin upang mapunuan ang hindi ninyo kayang gampanan.
Ang Tunay na Pagiging Matuwid
3 Sa wakas, mga kapatid, magalak kayo sa Panginoon. Hindi kaabalahan para sa akin na ulitin ang naisulat ko na, dahil ito naman ay para sa inyong kapakanan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.