Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 150

Purihin si Yahweh

150 Purihin si Yahweh!

Sa banal na templo, ang Diyos ay awitan,
    purihin sa langit ang lakas na taglay!
Siya ay purihin sa kanyang ginawa,
    siya ay purihin, sapagkat dakila.

Purihin sa tugtog ng mga trumpeta,
    awitan sa saliw ng alpa at lira!
Sa tugtog ng tambol, magsayaw, purihin,
    mga alpa't plauta, lahat ay tugtugin!
Ang Diyos ay purihin sa tugtog ng pompiyang,
    sa lakas ng tugtog siya'y papurihan.
Purihin si Yahweh lahat ng nilalang!

Purihin si Yahweh!

1 Samuel 17:19-32

19 Ang tatlong anak ni Jesse ay kasama nga ni Saul at ng mga Israelita sa libis ng Ela at nakikipaglaban sa mga Filisteo.

20 Kinabukasan, maagang bumangon si David. Ipinagbilin niya sa iba ang mga tupang inaalagaan at nagpunta sa lugar ng labanan, dala ang pagkaing ipinabibigay ng kanyang ama. Nang dumating siya sa kampo, palusob na ang buong hukbo at isinisigaw ang kanilang sigaw pandigma. 21 Nagharap na ang mga pangkat ng Israelita at ng mga Filisteo. 22 Iniwan ni David sa tagapag-ingat ng kagamitan ang kanyang dala at tumuloy siya sa lugar ng labanan upang kumustahin ang kanyang mga kapatid. 23 Samantalang sila'y nag-uusap, tumayo na naman si Goliat sa unahan ng mga Filisteo at muling hinamon ang mga Israelita. Narinig ito ni David. 24 Nang makita si Goliat, ang mga Israelita ay nagtakbuhan dahil sa matinding takot. 25 Sinabi nila, “Tingnan ninyo siya! Pakinggan ninyo ang kanyang hamon sa Israel! Sinumang makapatay sa kanya ay gagantimpalaan ng hari: bibigyan ng kayamanan, ipakakasal sa prinsesa, at ang buong sambahayan ng kanyang ama ay hindi na pagbabayarin pa ng buwis.”

26 Tinanong ni David sa mga katabi niya, “Ano raw ang gantimpala sa sinumang makakapatay sa Filisteong iyan at sa makakapag-alis ng kahihiyan sa Israel? At sino ba ang paganong ito na humahamon sa hukbo ng Diyos na buháy?”

27 “Tulad ng narinig mo, ganoon ang gagawin ng hari sa makakapatay sa Filisteong iyan,” sagot ng mga kausap niya.

28 Narinig ni Eliab, ang panganay na kapatid ni David ang pakikipag-usap niya sa mga kawal. Nagalit ito kay David at sinabi, “Anong ginagawa mo rito? At kanino mo iniwan ang iilang tupa na pinapaalagaan sa iyo? Alam ko kung anong nasa isip mo! Gusto mo lang manood ng labanan.”

29 Sumagot si David, “Bakit, ano ba ang ginawa ko? Masama bang magtanong?” 30 Tinalikuran niya si Eliab at nagtanong sa iba, ngunit ganoon din ang sagot sa kanya.

31 Nakarating kay Saul ang mga sinabi ni David at ipinatawag niya ito. 32 Pagdating kay Saul, sinabi ni David, “Hindi po tayo dapat masiraan ng loob dahil lang sa Filisteong iyon. Ako po ang lalaban sa kanya.”

Mga Gawa 5:17-26

Ang Pag-uusig sa mga Apostol

17 Labis na nainggit sa mga apostol ang pinakapunong pari at ang mga kasamahan niyang Saduseo, kaya't kumilos sila. 18 Dinakip nila ang mga apostol at ibinilanggo. 19 Ngunit kinagabiha'y binuksan ng isang anghel ng Panginoon ang bilangguan at inilabas ang mga apostol. Sinabi nito sa kanila, 20 “Pumunta kayo sa Templo at ipahayag sa mga tao ang lahat ng bagay tungkol sa bagong pamumuhay na ito.” 21 Kaya nang mag-uumaga na, pumasok sa Templo ang mga apostol at nagturo sa mga tao.

Nagtipon naman ang pinakapunong pari at ang kanyang mga kasamahan, at tumawag ng pangkalahatang pulong ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio at ng pamunuan ng Israel. Ipinakuha nila sa bilangguan ang mga apostol, 22 ngunit ang mga ito ay wala na nang dumating doon ang mga kawal kaya't nagbalik sila sa Kapulungan at nag-ulat, 23 “Nakita po namin na nakasusing mabuti ang pintuan ng bilangguan at nakatayo roon ang mga bantay. Ngunit nang buksan namin, wala kaming nakitang tao sa loob!” 24 Nang marinig ito, nabahala ang mga punong pari at ang kapitan ng mga bantay sa Templo. Hindi nila maubos-maisip kung ano ang nangyari sa mga apostol.

25 Siya namang pagdating ng isang taong ganito ang sabi, “Tingnan po ninyo, ang mga lalaking ipinakulong ninyo ay naroon sa Templo at nagtuturo sa mga tao.”

26 Kaya't pumunta sa Templo ang kapitan, kasama ang kanyang mga tauhan. Kinuha nila ang mga apostol, ngunit hindi sila gumamit ng dahas sa pangambang baka pagbabatuhin sila ng mga tao.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.