Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 118:1-2

Awit ng Pagtatagumpay

118 Purihin(A) si Yahweh sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
Ang taga-Israel,
bayaang sabihi't kanilang ihayag,
“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”

Mga Awit 118:14-24

14 Si(A) Yahweh ang lakas ko't kapangyarihan;
siya ang sa aki'y nagdulot ng kaligtasan.

15 Dinggin ang masayang
sigawan sa tolda ng mga hinirang:
“Si Yahweh ay siyang lakas na patnubay!
16 Ang lakas ni Yahweh
ang siyang nagdulot ng ating tagumpay,
sa pakikibaka sa ating kaaway.”

17 Aking sinasabing
hindi mamamatay, ako'y mabubuhay
ang gawa ni Yahweh,
taos sa aking puso na isasalaysay.
18 Pinagdusa ako
at pinarusahan nang labis at labis,
ngunit ang buhay ko'y di niya pinatid.

19 Ang mga pintuan
ng banal na templo'y inyo ngayong buksan,
ako ay papasok,
at itong si Yahweh ay papupurihan.

20 Pasukan ni Yahweh
ang pintuang ito;
tanging makakapasok
ay matuwid na tao!

21 Aking pinupuri
ikaw, O Yahweh, yamang pinakinggan,
dininig mo ako't pinapagtagumpay.

22 Ang(B) (C) batong itinakwil
ng mga tagapagtayo ng bahay,
ang siyang naging batong-panulukan.
23 Ginawa ito ni Yahweh at ito'y kahanga-hangang pagmasdan.
24 O kahanga-hanga
ang araw na itong si Yahweh ang nagbigay,
tayo ay magalak, ating ipagdiwang!

Mga Hukom 4:17-23

17 Samantala, nakatakas si Sisera at nagtago sa tolda ni Jael na asawa ng Cineong si Heber, sapagkat magkaibigan si Haring Jabin ng Hazor at ang sambahayan ni Heber. 18 Nang makita ni Jael na papalapit si Sisera, sinabi niya, “Tuloy po kayo sa aking tolda at huwag kayong matakot.” Pumasok nga si Sisera at siya'y pinatago ni Jael sa likod ng tabing.[a] 19 Sinabi ni Sisera kay Jael, “Nauuhaw ako. Maaari mo ba akong bigyan ng tubig na maiinom?” Ang babae ay kumuha ng sisidlang-balat na puno ng gatas. Pinainom niya si Sisera, saka pinatagong muli.

20 Sinabi ni Sisera, “Diyan ka muna sa may pintuan ng tolda. Kapag may nagtanong kung may tao rito, sabihin mong wala.”

21 Dahil sa matinding pagod, nakatulog nang mahimbing si Sisera. Si Jael naman ay kumuha ng maso at tulos ng tolda. Dahan-dahan siyang lumapit kay Sisera at pinukpok ang tulos sa noo nito hanggang sa bumaon sa lupa. Sa gayon, namatay si Sisera. 22 Nang dumating si Barak na naghahanap kay Sisera, sinabi niya, “Narito ang hinahanap ninyo.” Pagpasok ni Barak, nakita niyang patay na si Sisera. Nakabulagta ito at nakabaon pa sa noo ang tulos.

23 Nang araw na iyon, pinagtagumpay ng Diyos ang bayang Israel laban kay Jabin, ang haring Cananeo.

Mga Hukom 5:24-31

24 “Higit ngang pinagpala ang babaing si Jael,
    ang asawa ng Cineong si Heber,
    sa lahat ng babaing nakatira sa mga tolda, higit na pagpapala nakalaan sa kanya.
25 Si Sisera'y humingi ng tubig na inumin, ngunit gatas ang ibinigay ni Jael;
    malinamnam na gatas sa sisidlang mamahalin.
26 At habang ang tulos ng tolda'y hawak ng kaliwang kamay,
    sa kanan nama'y hawak ang maso ng panday,
ibaon ang tulos sa sentido ni Sisera,
    nabasag at nadurog ang ulo niya.
27 Sa paanan ni Jael, si Sisera'y nahandusay,
    sa kanyang paana'y bumagsak at namatay.

28 “Itong ina ni Sisera ay naroon sa bintana,
    naiinip, hindi mapakali, nagtatanong na may luha,
‘Bakit kaya hanggang ngayon ang anak ko'y wala pa,
    kabayo at karwahe niya'y masyadong naaantala?’
29 Mga babaing tagapayo ay tumugon sa kanya;
    at sa kanyang tanong ito rin ang sagot niya:
30 ‘Nagtatagal marahil siya sa paghanap ng samsam nila,
    para sa isang kawal, isang babae o dalawa,
    mamahaling kasuotan para sa kanyang ina,
    at magarang damit naman para sa kanya.’

31 “Ganyan nawa malipol ang iyong mga kalaban, O Yahweh,
    maging tulad naman ng sumisikat na araw ang iyong mga kaibigan.”

At nagkaroon ng kapayapaan sa lupain sa loob ng apatnapung taon.

Pahayag 12:1-12

Ang Babae at ang Dragon

12 Kasunod nito'y lumitaw sa langit ang isang kakaibang palatandaan: isang babaing nadaramtan ng araw at nakatuntong sa buwan, at ang ulo'y may koronang binubuo ng labindalawang (12) bituin. Malapit na siyang manganak kaya't napapasigaw siya dahil sa matinding hirap.

Isa(A) pang palatandaan ang lumitaw sa langit: isang napakalaking pulang dragon. Ito'y may pitong ulo at sampung sungay, at may korona ang bawat ulo. Kinaladkad(B) ng kanyang buntot ang ikatlong bahagi ng mga bituin sa langit at inihagis ang mga iyon sa lupa. Pagkatapos, tumayo ang dragon sa paanan ng babaing malapit nang manganak upang lamunin ang sanggol sa sandaling ito'y isilang. Ang(C) babae ay nagsilang ng sanggol na lalaki, na nakatakdang maghari sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng tungkod na bakal. Ngunit may umagaw sa bata at dinala ito sa Diyos, sa kanyang trono. Ang babae naman ay tumakas papunta sa ilang, sa isang lugar na inihanda ng Diyos para sa kanya, upang maalagaan siya roon sa loob ng isang libo, dalawandaan at animnapung (1,260) araw.

Pagkaraan(D) nito'y nagkaroon ng digmaan sa langit. Si Miguel at ang kanyang mga anghel ay nakipaglaban sa dragon at sa mga kampon nito. Natalo ang dragon at ang kanyang mga kampon, at hindi na sila pinayagang manatili sa langit. Itinapon(E) ang napakalaking dragon, ang matandang ahas na tinatawag na Diyablo at Satanas, na nandaraya sa buong sanlibutan. Itinapon siya sa lupa kasama ang lahat ng kanyang mga kampon.

10 At(F) narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa langit na nagsasabi,

“Dumating na ang pagliligtas ng Diyos! Ipinamalas na niya ang kanyang lakas bilang Hari! Ipinamalas din ni Cristo ang kanyang kapangyarihan! Sapagkat itinapon na mula sa langit ang nagpaparatang sa mga kapatid natin, araw at gabi, sa harapan ng Diyos. 11 Nagtagumpay ang mga ito laban sa diyablo sa pamamagitan ng dugo ng Kordero, at sa pamamagitan ng kanilang pagpapatotoo sa salita ng Diyos; at buong puso nilang inialay ang kanilang buhay hanggang sa kamatayan. 12 Kaya't magalak ang kalangitan at lahat ng naninirahan diyan! Ngunit kalagim-lagim ang daranasin ninyo, lupa at dagat, sapagkat ang matinding poot ng diyablo ay babagsak sa inyo! Alam niyang kaunting panahon na lamang ang nalalabi sa kanya.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.