Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 20

Panalangin Upang Magtagumpay

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

20 Pakinggan ka sana ni Yahweh kapag ika'y nagdurusa!
    At ang Diyos ni Jacob ingatan ka sana.
Mula sa Templo, ikaw sana'y kanyang tulungan,
    at mula sa Zion, ikaw ay kanyang alalayan.
Ang handog mo nawa ay kanyang tanggapin,
    at pahalagahan niya ang lahat ng iyong haing susunugin. (Selah)[a]
Nawa'y ipagkaloob niya ang iyong hangarin,
    at sa iyong mga plano, ika'y pagtagumpayin.
Sa pagtatagumpay mo kami ay magbubunyi,
    magpupuri sa Diyos sa aming pagdiriwang.
Ibigay nawa ni Yahweh ang lahat mong kahilingan.

Ngayon ko nalalaman na si Yahweh ang nagbigay, sa pinili niyang hari, ng kanyang tagumpay!
    Siya'y tinutugon niya mula sa kalangitan,
    mga dakilang tagumpay kanyang makakamtan.
Mayroong umaasa sa karwaheng pandigma,
    at mayroon ding sa kabayo nagtitiwala;
    ngunit sa kapangyarihan ni Yahweh na aming Diyos, nananalig kami at umaasang lubos.
Sila'y manghihina at tuluyang babagsak,
    ngunit tayo'y tatayo at mananatiling matatag.

O Yahweh, ang hari'y iyong pagtagumpayin;
    ang aming panawagan, ay iyong sagutin.

Habakuk 3:2-15

O Yahweh, narinig ko ang tungkol sa inyong ginawa,
    at ako'y lubos na humanga.
Ulitin ninyo ngayon sa aming panahon
    ang mga dakilang bagay na ginawa ninyo noon.
Maging mahabagin kayo, kahit kapag kayo'y nagagalit.
Ang Diyos ay muling nanggaling sa Teman,
    ang Banal na Diyos ay nagmula sa kaparangan ng Paran.
Laganap sa kalangitan ang kanyang kaluwalhatian,
    at puno ang lupa ng papuri sa kanya.
Darating siyang sinliwanag ng kidlat,
    na gumuguhit mula sa kanyang kamay;
    at doon natatago ang kanyang kapangyarihan.
Nagpapadala siya ng karamdaman
    at inuutusan ang kamatayan upang sumunod sa kanya.
Huminto siya at nayanig ang lupa;
    sa kanyang sulyap ay nanginginig ang mga bansa.
Ang mga walang hanggang bundok ay sumasambulat;
    ang walang hanggang kaburulan ay lumulubog—
    mga daang nilakaran niya noong unang panahon.

Nakita kong natakot ang mga tao sa Cusan,
    at nanginig ang lahat sa lupain ng Midian.
Nagagalit ba kayo dahil sa mga ilog, O Yahweh?
    Ang mga dagat ba ang sanhi ng inyong poot?
Nakasakay kayo sa inyong mga kabayo,
    at magtatagumpay na lulan ng iyong karwahe,
    habang pinagtatagumpay ninyo ang inyong bayan.
Binunot ninyo sa suksukan ang inyong pana,
    at inihanda ang inyong mga palaso.
Biniyak ng inyong kidlat ang lupa.
10 Nakita kayo ng mga bundok at sila'y nanginig;
    bumuhos ang malakas na ulan.
Umapaw ang tubig mula sa kalaliman,
    at tumaas ang along naglalakihan.
11 Ang araw at ang buwan ay huminto
    dahil sa bilis ng inyong pana at sibat.
12 Galit na galit kayong naglakad sa buong daigdig,
    at sa tindi ng poot ninyo, ang mga bansa ay niyurakan.
13 Lumabas kayo para iligtas ang inyong bayan,
    at ang haring pinili ninyo.
Dinurog ninyo ang pinuno ng masasama,
    at nilipol na lahat ang kanyang tagasunod.
14 Sinibat ninyo ang pinuno ng mga mandirigma,
    nang dumating sila na parang ipu-ipo upang kami'y pangalatin.
    Kagalakan nilang sakmalin nang palihim ang mga dukha.
15 Niyurakan ninyo ang dagat sa pamamagitan ng inyong mga kabayo,
    at bumula ang malawak na karagatan.

Lucas 18:31-34

Ikatlong Pagsasabi ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(A)

31 Ibinukod ni Jesus ang Labindalawa at sinabi sa kanila, “Pupunta tayo sa Jerusalem at doo'y matutupad ang lahat ng isinulat ng mga propeta tungkol sa Anak ng Tao. 32 Siya'y ibibigay sa kamay ng mga Hentil; kukutyain, hahamakin, at duduraan. 33 Siya'y hahagupitin at papatayin, ngunit sa ikatlong araw ay muli siyang mabubuhay.” 34 Subalit ang Labindalawa ay walang naunawaan sa kanilang narinig; inilihim sa kanila ang kahulugan niyon, at hindi nila nalalaman ang sinasabi ni Jesus.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.