Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
9 O Yahweh, sana'y iyong kahabagan,
sapagkat ako ay nasa kaguluhan;
namamaga na ang mata dahil sa pagluha,
buong pagkatao ko'y mahinang mahina!
10 Pinagod ako ng aking kalungkutan,
dahil sa pagluha'y umikli ang aking buhay.
Pinanghina ako ng mga suliranin,
pati mga buto ko'y naaagnas na rin.
11 Nilalait ako ng aking mga kaaway,
hinahamak ako ng mga kapitbahay;
mga dating kakilala ako'y iniiwasan,
kapag ako'y nakasalubong ay nagtatakbuhan.
12 Para akong patay na kanilang nakalimutan,
parang sirang gamit na hindi na kailangan.
13 Maraming mga banta akong naririnig,
mula sa mga kaaway sa aking paligid;
may masama silang binabalak sa akin,
plano nilang ako ay patayin.
14 Subalit sa iyo, Yahweh, ako'y nagtitiwala,
ikaw ang aking Diyos na dakila!
15 Ikaw ang may hawak nitong aking buhay,
iligtas mo ako sa taga-usig ko't mga kaaway.
16 Itong iyong lingkod, sana ay lingapin,
sa wagas mong pag-ibig ako ay sagipin.
10 Sinabi ni Yahweh,
“Ang kanyang paghihirap ay kalooban ko;
ang kanyang kamatayan ay handog para sa kapatawaran ng kasalanan.
Dahil dito'y mabubuhay siya nang matagal,
makikita ang lahing susunod sa kanya.
At sa pamamagitan niya'y maisasagawa ang aking panukala.
11 Pagkatapos ng mahabang pagdurusa, muli siyang lalasap ng ligaya;
malalaman niyang hindi nawalan ng kabuluhan ang kanyang pagtitiis.
Ang tapat kong lingkod na lubos kong kinalulugdan
ang siyang tatanggap sa parusa ng marami,
at alang-alang sa kanya sila'y aking patatawarin.
12 Dahil(A) dito siya'y aking pararangalan,
kasama ng mga dakila at makapangyarihan;
sapagkat kusang-loob niyang ibinigay ang sarili
at nakibahagi sa parusa ng masasama.
Inako niya ang mga makasalanan
at idinalanging sila'y patawarin.”
Ang Dakilang Kaligtasan
2 Kaya nga, dapat lalo nating panghawakang mabuti ang mga narinig natin upang hindi tayo maligaw. 2 Ang mensaheng ipinahayag sa pamamagitan
ng mga anghel ay napatunayang totoo, at sinumang lumabag o hindi sumunod dito ay tumanggap ng kaukulang parusa. 3 Gayundin naman, paano tayo makakaiwas sa parusa kung hindi natin pahahalagahan ang napakadakilang kaligtasang ito? Ang Panginoon ang unang nagpahayag ng kaligtasang ito, at ang mga nakarinig sa kanya ang nagpatunay sa atin na ito'y totoo. 4 Pinatunayan din ito ng Diyos sa pamamagitan ng mga kahanga-hangang tanda at ng iba't ibang himala, at sa pamamagitan ng mga kaloob ng Espiritu Santo na ipinamahagi niya ayon sa kanyang sariling kalooban.
Ang Nagsagawa ng Pagliligtas sa Atin
5 Hindi sa mga anghel ipinamahala ng Diyos ang daigdig na kanyang lilikhain—ang daigdig na aming tinutukoy. 6 Sa(A) halip ay ganito ang sinasabi ayon sa isang bahagi ng Kasulatan:
“Ano ba ang tao upang iyong pahalagahan,
o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?
7 Sandaling panahong siya'y ginawa mong mas mababa kaysa mga anghel,
pinuspos mo siya ng dangal at ng luwalhati, [ginawa mo siyang tagapamahala ng lahat ng iyong nilikha][a]
8 at ipinasakop mo sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay.”
Nang ipinasakop ng Diyos ang lahat ng bagay sa kapangyarihan ng tao,[b] walang bagay na di ipinailalim sa kanya. Sa kasalukuyan, hindi pa natin nakikitang napapailalim sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay. 9 Subalit alam nating si Jesus, kahit na sa kaunting panaho'y ginawang mas mababa kaysa mga anghel, ay binigyan ng karangalan at kaluwalhatian dahil sa pagdurusa niya sa kamatayan. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa atin, niloob niyang si Jesus ay makaranas ng kamatayan para sa lahat.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.