Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Kasamaan ng Tao(A)
Isang Maskil ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng Mahalath.[a]
53 Sinabi(B) ng hangal
sa kanyang sarili, “Wala namang Diyos!”
Wala nang matuwid
lahat nang gawain nila'y pawang buktot.
2 Magmula sa langit
ang Diyos nagmamasid sa kanyang nilalang,
kung mayro'ng marunong
at tapat sa kanya na nananambahan.
3 Ngunit kahit isa
ni isang mabuti ay walang nakita,
lahat ay lumayo
at naging masama, lahat sa kanila.
4 Ang tanong ng Diyos,
“Sila ba'y mangmang at walang kaalaman?
Ayaw manalangin,
kaya't bayan ko'y pinagnanakawan.”
5 Subalit darating
ang di pa nadaranas nilang pagkatakot,
pagkat ang kalansay
ng mga kaaway, ikakalat ng Diyos,
sila'y itatakwil,
magagapi sila nang lubos na lubos.
6 Ang aking dalangi'y
dumating sa Israel ang iyong pagliligtas
na mula sa Zion!
Kung ang bayan ng Diyos ay muling umunlad,
ang angkan ni Jacob,
bayan ng Israel, lubos na magagalak!
Ang Araw ng Pagtubos sa Kasalanan(A)
26 Sinabi(B) pa rin ni Yahweh kay Moises, 27 “Ang ikasampung araw ng ikapitong buwan ay Araw ng Pagtubos sa Kasalanan. Sa araw na iyon ng inyong banal na pagtitipon, mag-ayuno kayo at mag-alay ng pagkaing handog. 28 Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon sapagkat iyon ay Araw ng Pagtubos sa Kasalanan. Ito'y isasagawa bilang pagtubos sa inyong pagkakasala sa harapan ni Yahweh na inyong Diyos. 29 Ang hindi mag-aayuno sa araw na iyon ay ititiwalag sa sambayanan ng Diyos. 30 Pupuksain ko sa harapan ng madla ang sinumang magtrabaho, 31 kaya huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon. Ito ay batas na dapat ninyong sundin sa habang panahon saanman kayo naroroon. 32 Sa araw na iyon, kayo ay dapat magpahinga at huwag nga kayong magtatrabaho mula sa gabi ng ikasiyam na araw hanggang sa kinabukasan ng hapon. At mag-aayuno kayo sa mga araw na iyon.”
Pista ng mga Tolda(C)
33 Sinabi(D) pa ni Yahweh kay Moises, 34 “Sabihin mo rin ito sa mga Israelita: Mula sa ikalabing limang araw ng ikapitong buwan, magsisimula ang Pista ng mga Tolda. Pitong araw ninyo itong ipagdiriwang. 35 Sa unang araw, magkaroon kayo ng banal na pagtitipon, at huwag kayong magtatrabaho. 36 Pitong araw kayong maghahandog kay Yahweh ng handog na pagkain. Sa ikawalong araw, muli kayong magtitipon upang sumamba at mag-aalay ng pagkaing handog. Iyon ay banal na pagtitipon, kaya huwag kayong magtatrabaho.
37 “Iyan ang mga pistang itinakda ni Yahweh, mga araw ng inyong banal na pagtitipon. Sa mga araw na iyon, magdadala kayo ng handog na susunugin, handog na pagkaing butil, at handog na inumin ayon sa itinakda ng bawat araw. 38 Bukod ito sa mga karaniwang Araw ng Pamamahinga, at ang mga handog na ito ay iba pa sa mga pang-araw-araw na handog kay Yahweh, at sa mga kusang handog ninyo, o mga handog na ginagawa ninyo bilang pagtupad ng panata.
39 “Sa ikalabing limang araw ng ikapitong buwan, pagkatapos ng pag-aani, pitong araw pa kayong magpipista para kay Yahweh. Huwag kayong magtatrabaho sa una at ikawalong araw. 40 Sa unang araw, pipitas kayo ng mabubuting bungangkahoy, mga sanga ng palmera at mayayabong na sanga ng kahoy sa tabing-ilog. Pitong araw kayong magdiriwang bilang parangal kay Yahweh na inyong Diyos. 41 Ang pistang ito ay ipagdiriwang ninyo sa loob ng pitong araw tuwing ikapitong buwan taun-taon. Ito ay tuntuning susundin ninyo habang panahon.
19 Pagkatapos nito, narinig ko ang tila sama-samang tinig ng napakaraming tao sa langit na umaawit ng ganito, “Aleluia! Ang kaligtasan, ang karangalan at ang kapangyarihan ay tanging sa Diyos lamang! 2 Matuwid(A) at tama ang kanyang hatol! Hinatulan niya ang reyna ng kahalayan na nagpasamâ sa mga tao sa lupa sa pamamagitan ng kanyang kahalayan. Pinarusahan siya ng Diyos dahil sa pagpatay niya sa mga lingkod ng Panginoon!” 3 Muli(B) silang umawit, “Aleluia! Walang tigil na tataas ang usok na mula sa nasusunog na lungsod!” 4 Ang dalawampu't apat (24) na matatandang pinuno at ang apat na nilalang na buháy ay nagpatirapa at sumamba sa Diyos na nakaupo sa trono. Sabi nila, “Amen! Aleluia!”
Ang Handaan sa Kasalan ng Kordero
5 May(C) nagsalita mula sa trono, “Purihin ninyo ang ating Diyos, kayong lahat na mga lingkod niya, dakila o hamak man, kayong may banal na takot sa kanya!” 6 Pagkatapos(D) ay narinig ko ang parang sama-samang tinig ng napakaraming tao, parang ugong ng rumaragasang tubig at dagundong ng mga kulog. Ganito ang sabi ng tinig, “Aleluia! Sapagkat naghahari ang Panginoon nating Diyos na Makapangyarihan sa lahat! 7 Magalak tayo at magsaya! Luwalhatiin natin siya sapagkat sumapit na ang kasal ng Kordero at inihanda na ng kasintahang babae ang kanyang sarili. 8 Binihisan siya ng malinis at puting-puting lino.” Ang lino ay ang mabubuting gawa ng mga hinirang ng Diyos.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.